Press Briefing

Press Briefing of Acting Presidential Spokesperson and PCOO Secretary Martin Andanar



SEC. ANDANAR: Magandang tanghali po sa ating mga kababayan at sa Malacañang Press Corps.

Umpisahan po natin ang ating press briefing sa isang pasasalamat. Nagpapasalamat po kami sa inyong patuloy at walang sawang suporta at pagtitiwala sa ating Punong Ehekutibo, Pangulong Rodrigo Roa Duterte, na nakakuha ng pinakamataas na performance rating at 67% at pinakamataas na trust rating at 69% sa mga opisyal ng pamahalaan. Ito ay ayon sa March 5 to 10, 2022 Tugon ng Masa survey ng OCTA Research. Makakaasa po kayo na ang tapang, malasakit ng ating Pangulo, ang kaniyang paglilingkod ay mararamdaman hanggang sa huling sandali ng kanyang termino. Maraming, maraming salamat po.

Humarap si Pangulong Duterte noong Lunes ng gabi para sa kanyang regular Talk to the People Address. Ito ang ilan sa naging highlights:

Sinuspinde ng Pangulo ang operasyon ng e-sabong, base sa rekomendasyon ni DILG Secretary Eduardo Año epektibo a-tres ng Mayo 2022.

Samantala, muling ipinahayag ni Pangulong Duterte na wala siyang iniendorso na kandidato sa pagka-pangulo habang kaniyang tiniyak na ang eleksyon sa Lunes ay magiging violence-free. At aniya ng Pangulo, katungkulan niya na siguraduhin ang maayos na botohan. Kaugnay nito, inatasan ng Pangulo ang pulis at militar na tiyakin ang isang eleksyon na walang karahasan habang hiniling niya sa mga miyembro ng kanyang Gabinete na iwasan na mag-endorso ng mga kandidato at manatiling neutral.

Tungkol pa rin sa eleksyon, hinikayat ni Pangulong Duterte ang mga botante na magpa-booster para proteksyunan ang kanilang mga sarili laban sa COVID-19. Sinusugan naman ito ni Department of Health Secretary Francisco Duque III at nagsabing samantalahin ang libreng bakuna.

Sa kaugnay na isyu, nasa mahigit 1.48 million total COVID-19 vaccines ang na-administer sa house-to-house vaccinations, as of May 2, 2022, ayon sa report ni Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo Año.

As of May 3, 2022, nasa mahigit 72.7 million ang naka-first dose habang nasa halos 68.2 million na ang fully vaccinated, ayon sa National COVID-19 Vaccination Dashboard. Nasa mahigit 13.2 million naman ang naka-booster shots. Overall, nasa halos 147 million na ang total doses administered.

Sa mga tsikiting na edad lima hanggang labing-isang taon gulang, nasa 2.1 million na ang fully vaccinated, samantalang ang mga batang dose hanggang disisiete anyos nasa higit 9.2 million ang fully vaccinated as of May 03, 2022.

Pumunta naman tayo sa ating mga lolo at lola, nasa 6.7 million ang fully vaccinated seniors as of May 03, 2022.

On other matters, dito tayo sa Duterte legacy. Pinangunahan ng Pangulo ang inspeksyon ng Overseas Filipino Workers Hospital noong Araw ng Paggawa sa Pampanga. Inaasahan na magiging fully operational ang OFW Hospital by the end of June 2022.

Pinangunahan din ng Pangulo ang groundbreaking ceremony ng Pampanga Provincial Hospital sa Clark Freeport Zone. Ito po ang unang medical facility na itatayo sa Clark Economic Zone. Nasa 120,000 na mga empleyado ng Clark Economic Zone ang maaaring makinabang dito.

Sa Clark pa rin. Pormal na pong binuksan noong Lunes, May 2, 2022, ang state-of-the-art passenger terminal ng Clark International Airport, ang Asia’s next premier gateway. Nasa walong milyong mga pasahero ang kaya nitong i-serve taun-taon.

Dito po nagtatapos ang aking presentation ngayong tanghali. Bago po tayo pumunta sa mga tanong ng Malacañang Press Corps, kausapin natin si Comelec Commissioner Atty. Erwin Garcia para pag-usapan ang mga protocols sa pagboto ngayong Lunes.

Commissioner Garcia, magandang tanghali po sa inyo. Ano po ang inaasahan ng isang botante na buboto sa lunes? Ano rin po ang kailangan niyang dalhin na mga dokumento? Kailangan ba naka-face mask at naka-face shield? Iyan po ang mga katanungan na gustong malaman ng ating mga kababayan kung ano po ang sagot. The floor is yours, Commissioner.

COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Secretary, magandang, magandang tanghali po, at lahat po ng nanunood sa atin at nakikinig.

Mr. Secretary, sa Lunes po ay mayroon tayong 65.8 million Filipinos ang pupunta sa lahat ng mga polling precincts sa buong bansa kaya po inaasahan natin na dadagsain talaga iyan, at the same time ay pipilahan ng ating mga kababayan.

Ang pagbubukas po ng presinto sa Lunes ay magsisimula ng alas sais ng umaga at ito po ay matatapos ng alas siete ng gabi. Subalit kung may mga botante pa po tayo na gustong makahabol kahit ito ay alas siete na ng gabi, pupuwede pa rin po basta ang layo po nila sa mismong presinto ay tatlumpung metro. Papayagan po silang makaboto ng ating mga electoral boards, iyong mga teachers po natin na nasa loob ng presinto.

Ano po ang kailangang dalhin ng atin pong botante para bumoto? Kailangan po ba ng face shield na katulad ng nabanggit ninyo? Kailangan po ba ng RT-PCR test or rapid antigen test? At kailangan po ba na may vaccination card? Ang lahat po ng ito ay hindi kakailanganin. Uulitin ko po, hindi kailangan sa pagboto. Wala pong face shield na kailangan. Wala pong antigen test at wala pong RT-PCR, kahit po vaccination card ay hindi po kailangan. Basta ang ang inyong pangalan ay active at nakalista sa listahan ng mga botante sa bawat presinto at kayo po ay naka-face mask, kayo po ay makakaboto.

So ang pinagbibilin lang po natin, baka pupuwede na iyon pong mga face mask na isusuot natin, wala naman pong picture or iyon pong imahe ng inyong kandidato na parang nangangampaniya. Sa t-shirt, lagi pong naitatanong sa atin, ano bang kulay ang dapat kong isuot? Wala po tayong pakialam din kahit anong kulay po ng suot ninyo na t-shirt. Basta sana lang po, iyong mga t-shirts na isusuot natin ay wala rin pong imahe o iyong nagsasabing iboto ang isang kandidato sapagka’t again, mula Mayo a-otso po, Mayo a-otso pa lamang ay bawal na pong magkampaniya ang ating mga partido political at mga kandidato.

Pagkatapos po, papaano raw po iyong may mga nararamdaman dahil sila ay inuubo, na sinisipon, baka nag-i-LBM pa, nilalagnat, eh papaano, makakaboto raw po sila? Ito po ang ating maliwanag: Basta ang botante ay nasa listahan at nakapila sa araw ng eleksyon sa bawat presinto, sila po ay makakaboto.

Paano po iyong may mga nararamdaman at maaaring may sintomas ng COVID-19, sila po ba ay pabubotohin natin? Opo. Makakaboto po sila sapagkat mayroon po tayong tinatawag na isolation polling precincts. Iyong isolation polling precincts po ay maaari sa bawat isang pagkakataon, lima ang makakapasok na mga botante. Iyong mga iba pang botante na may nararamdaman, may sintomas, sila ay ilalagay muna sa isang area na kung saan mas maayos, at the same time ay medyo mayroon pong social distancing.

Ngayon po, doon po sa ating isolation polling precincts, mayroon po tayong mga staff, support staff na naka-PPE po silang lahat diyan. So ibig sabihin, protektado, at ang mga balota po nila ay dadalhin mula sa kanilang regular na presinto papunta po dito sa isolation polling precinct.

Paano po kung ang temperatura ninyo noong tiningnan mismo pagpasok ninyo pa lamang sa gate ay mataas sa 37.5 o 37.5 pataas, kayo po ba ay pauuwiin na? Hindi po. Kayo po ay ilalagay din muna sa isang tabi para makapagpahinga dahil mainit ang araw sa Mayo 9, pagkatapos po noon kayo ay muling kukuhanan ng temperatura. Kung bumaba na po ang temperatura ninyo sa 37.5, kayo po ay kaagad na papupuntahin doon sa presinto kung saan talaga kayo nakarehistro. Subalit kapag naman po ganoon pa rin, 37.5 tapos mas tumaas pa, makakaboto pa rin po kayo again dito po sa ating Isolation Polling Precinct.

Ngayon po, paano kung ang nakapila ay iyon pala ay COVID-19 positive kaya lang ay asymptomatic, ibig sabihin ay wala namang nararamdaman, wala namang makitang sintomas man lamang sa kaniya, makakaboto po ba? Wala po tayong choice kung hindi pabotohin iyan. Iyan po ay isang constitutional right ng isang Filipino and therefore, makakapasok at makakapunta pa po siya sa regular na presinto kung saan siya nakarehistro.

Paano naman po iyong mga may COVID na dapat talaga, under Republic Act 11332 at sa ating umiiral na IATF guidelines and regulations, dapat po ay mga naka-quarantine iyan, kung hindi man sa quarantine facility ay sa mga bahay po nila? Dapat po ay ipinapatupad ng mahigpit ng atin pong LGU, lalung-lalo na ng barangay iyong pagbabantay upang hindi sila makalabas kahit sa araw ng eleksiyon.

Pero papaano po kung sadyang nakalabas, kung anuman pong kadahilanan na hindi naman kasalanan ng Commission on Elections iyon pong may mga COVID-19 na confirmed, may test pa mismo ay nakapila po sa presinto? Sila po ba ay paaalisin, ipagtatabuyan at hindi po makakaboto? Hindi rin po. Sila po ay makakaboto rin. Ngayon kung may mga sintomas, again, doon pa rin po sa Isolation Polling Precinct.

So, maliwanag po iyan. Basta nakapila sa presinto anuman po ang kalagayan sa kalusugan, nararamdaman ng isang botante subalit nandiyan siya at ang kaniyang registration ay aktibo, siya po ay pabubotohin po natin. Pero at least, iyon po ang nililiwanag natin, wala po tayong ibang hahanapin na ibang dokumento sa pagboto nila.

Sa bawat presinto po, ang atin lang pong sinasabi, kung pupuwede, sa atin pong mga kababayang buboto lalo po iyong mga first time voters, excited na bumoto, eh papaano daw po iyon cell phone? Puwede daw po bang magdala ng cell phone? Hindi po namin ipinagbabawal ang pagdadala ng cell phone sa bawat presinto. Hindi rin po iyan kukumpiskahin o iiwanan sa lamesa ng electoral board, baka po mawala pa iyan.

Subalit ang atin pong pakiusap, ito po ay masidhing pakiusap natin na sana po kung may dala man pong cell phone ang atin pong mga kababayan ay huwag na lang po doon pa magsi-selfie-selfie sa loob pa ng presinto lalo na iyong mga siyempre first time, excited na makaboto ay doon pa magsi-selfie. Baka po magkagulo pa, ma-object ang pangalan ninyo, malagay pa kayo sa minutes of voting, bandang huli makasuhan pa kayo ng election offense. Isa hanggang anim na taong pagkakakulong po iyon.

At hangga’t maaari po, kung tayo ay pupunta sa bawat presinto, tayo po ay may dala na kung pupuwede na sarili nating kodigo. Nakasulat na lamang sa isang maliit na papel. Siguro po iyong iba ilalagay sa cell phone. Pero advice ko rin po ay huwag na ninyong gamitin ang cell phone, huwag na ninyong buksan. Mayroon po kasi tayong mga watchers ng iba’t ibang partido-politikal ng iba’t ibang kandidato [at] kahit kayo ay naka-ballot secrecy folder habang kayo ay nakaupo sa bawat upuan, habang kayo ay nagtitingin-tingin doon sa inyong mga nalista na gusto ninyong iboto, baka po kasi akalain ng mga watcher na kayo ay nagpi-picture ng inyo pong balota.

Tatandaan po natin, bawal pong mapiktyuran ang balota kahit po iyong resibo na ibibigay po sa inyo matapos na maihulog ninyo ang inyong balota at mag-print ito ng mismong resibo. So, iyon pong ibibigay sa inyo ay ipapakita kung tama iyong ibinoto ninyo at iyon po ay ilalagay mismo sa box para sa mga tinatawag na resibo. Para makita ninyong tama iyong lumabas at tama iyong binoto po ninyo.

So, ibig sabihin bawal pong piktyuran iyan. Kaya po ang atin pong pakiusap, kung pupuwede sa ating mga kababayan [na] hindi man ipinagbabawal ay huwag ninyo na pong gamitin iyong ating mga cell phones sa loob ng presinto.

Ganoon din po, tayo po ay natanong, papaano daw po iyong iba kasi naku, talaga namang pagala-gala pa sa loob ng polling place, sa mismong paaralan. Makatapos makaboto iyong iba ay nakiki-‘Marites’ pa. Iyong iba talaga ay nakikiistorya, naghahanap ng mga kakuwentuhan. Huwag na po, umuwi na lang po muna siguro tayo sapagkat tatandaan natin, mayroon pa rin po tayong COVID-19 sa kasalukuyan. Mayroon pa rin po tayong giyera sa pandemya na ito and therefore mas maganda na po na safe tayong makakaboto, safe din po tayong uuwi.

Iyon pong mga ginang ng tahanan na iyong mga anak ay hindi po maiwan doon sa bahay at gustong isama sa mismong presinto, ang atin pong suggestion ay huwag na rin po siguro na isama iyong mga bata. Baka may mapag-iiwanan sapagkat napakahirap ho na iyong mga bata ay nandiyan habang kayo ay bumuboto baka po maya-maya ay magkaroon pa ng COVID-19 dahil maaari po talaga na nandiyan ang presensiya ng COVID-19, hindi lamang sa presinto kung hindi po sa polling place po.

At siyempre, atin din pong sinasabi na iyon pong mga botante natin, kapag po kayo ay medyo nakatatanda o PWD, paano po iyong pagboto ninyo? Doon sa mga lugar o sa mga polling places na ang kalimitang pagboto ng isang nakatatanda ay nasa second floor, nasa third floor ay puwede po kayong magsabi doon sa mismong entrance po ng ating paaralan, mayroon po tayong tinatawag na voter’s assistance desk. Sa desk na iyon nandoon po iyong listahan ng mga botante sa mismong eskuwelahan na iyan. Sasabihin sa inyo kung saan iyong presinto ninyo, doon din kukuhanin sa area na iyon ang inyo pong temperatura [and] at the same time, doon din po isi-segregate kung sasabihin “Dito ka sa Isolation Polling Precinct.”

Mayroon po tayong tinatawag na parang special precinct para po sa mga nakatatanda o sa mga PWD na ayaw pong bumoto doon sa kanilang pinagbobotohan na presinto. Emergency Polling Precinct po ang tawag po natin diyan kung saan sila po ay pupuwedeng doon na bumoto kaysa sila ay aakyat. Ibig sabihin, iyon pong mga balota po nila ay dadalhin na lamang sa kanila para doon po sila bumoto. Ito po ay pagpapatas-patasin at later on po, after ng voting, ito po ay ibabalik sa mga presinto kung saan kinuha at doon talaga regular na botante iyong mga nakatatanda natin.

Pati po iyong ating mga IPs, Indigenous Peoples, sila po ay pupuwedeng doon sa mga lugar na mataas po ang presensiya nila, malaki po ang population. Nagkaroon na rin po tayo ng isang special polling precinct para sa kanila na kung saan pupuwedeng doon po sila buboto upang kahit paano ay mayroon po tayong mga taong nandoon na nauunawaan ang kultura ng atin pong mga IPs, kahit iyong mga dialect nila ay mauunawaan at kahit paano ay maaayos natin po ang pagboto po ng ating mga kababayan.

So, pagdating na pagdating po ng alas-siyete ng gabi siyempre, maliban na lang kung wala nang buboto, tatandaan po natin iyong mga balota na natira ay isa-isang bibilangin po sa harapan ng mga watchers, sa lahat ng mga citizens arm at kung sinuman iyong tao [na] nasa loob ng presinto.

Ngayon po iyong mismong mga balotang iyan, pagkatapos mabilang, iyan po ay pupunitin ng pahaba. Iyong kalahati ay ilalagay sa ballot box at iyong kalahati ay ilalagay sa isang envelope. Ito po iyong mga tinatawag na excess ballots.

Sa loob po ng presinto, puwede bang pumasok si kapitan, si barangay tanod, si kagawad maliban na lang kung sila ay buboto? Hindi po! Ipinagbabawal po silang pumasok sa loob mismo ng presinto.

Paano po ang miyembro ng ating PNP, paano po ang miyembro ng ating Armed Forces na talagang tumutulong sa atin upang bantayan ang seguridad at katahimikan ng ating halalan? Saan po sila located o saan po sila nandoon? Dapat po ang layo nila ay limampung metro doon po sa mismong kung saan sila buboto.

Papaano po kapag buboto, sabi ninyo hindi na kinakailangan ng iba pang dokumento, ID po? Dapat po ba may dala-dala tayong government-issued ID man lang o anumang klase ng pagkakakilanlan? Ang katotohanan po ay hindi. Makakaboto kayo kahit wala kayong dalang ID, basta ang pangalan ninyo ay nandiyan sa listahan.

Tatandaan po natin, again, mayroon po tayong number one, mayroon po tayong precinct finder. Kung saka-sakali man na kayo ay hindi naging successful sa pagtingin doon sa precinct finder at wala na kayong pagkakataon, lahat po tayo sa buong bansa, sa 65.8 million Filipinos makakatanggap po tayong lahat ng voter’s information sheet na hanggang sa ngayon po mga otsenta porsiyento na po ang nadi-distribute natin sa buong bansa.

Iyong voter’s information sheet po, galing po mismo sa COMELEC iyan. Hindi po galing kay kapitan o sa barangay o sa LGU. Kami po mismo ang nagdi-distribute niyan. Nandiyan po iyong pangalan ninyo, ang presinto kung saan kayo buboto, ang polling place na mismong nandiyan iyong presinto ninyo. Nandiyan din po iyong mga dos and don’ts sa pagboto. At the same time nandiyan po iyong mga pangalan ng kandidato natin sa national man or sa local. So iyon po iyong pangalawa.

Pangatlo po, pagpasok ninyo sa eskuwelahan, binanggit ko na po kanina na mayroon po tayong voter’s assistance desk na kung saan nandoon na naman iyong listahan po ng mga pangalan ng mga botante sa eskuwelahan na iyan. At pagkatapos po, pagpunta ninyo sa presinto na pinagbubotohan ninyo kahit noong mga nakaraan, sa labas po ng presinto nakapaskil din iyong pangalan ng mga botanteng buboto sa presintong iyon. Ang tawag po natin doon ay PCVL, Precinct Computerized Voters’ List.

Sa loob po ng presinto kapag kayo ay buboto na, mayroon naman pong tinatawag na EDCVL. Ano po iyon? Election Day Computerized Voters’ List. Iyan naman po ay isang listahan din, parang libro po iyan, ng mga botante doon sa loob ng presinto na kung saan po kayo po ay kukuhanan ng fingerprint ninyo. Pagkatapos may picture ninyo doon kaya po tayo kinuhanan ng biometrics o iyong mga picture at saka fingerprint noong tayo po ay nagpaparehistro.

Nandoon din po iyong sample ng inyong signature and at the same time kukunin iyong serial number ng balota ninyo, isusulat po doon ng mga electoral boards at pagkatapos ay papipirmahin po kayo. Iyon po ang ebidensiya na kayo po ay nakaboto nitong Mayo 9 ng 2022.

Ang lahat po ng balota na ibibigay sa inyo ng teacher ay kinakailangan pong pipirmahan po niya. Kapag po hindi napirmahan ng teacher ang mga balotang iyan, valid pa rin po ang balota, subalit puwede pong makasuhan ng election offense iyong teacher na hindi pumirma doon sa mga balota.

Again, tatandaan po natin – kaya po napakaimportante ng kodigo na dala-dala natin – kapag sinabi pong isa lang ang ibuboto, huwag po tayong susobra sa isa lang. Kapag sinabing labing-dalawang senador lang, huwag po tayong susobra sa labing-dalawa [dahil] mababalewala po ang lahat ng boto natin sa posisyon na iyan.

Uulitin ko po, ang mababalewala po ay ang boto lamang sa posisyon na iyan. Hindi po mababalewala iyong buong balota po ninyo. Iyon lang pong nagsobra kayo na dapat ay labing-dalawa lang [pero] labing-tatlo ang binoto ninyo, wala pong mabibilang doon sa labing-tatlo na binoto ninyo. Ang mabibilang lang dapat ay eksaktong labing-dalawa. So, wala pong effect sa atin pong balota iyon.

Subalit, huwag po tayong magsusulat ng kahit na ano sa balota. Huwag din po nating pupunitin ang ating balota o babasain ang ating balota.

Kung ang balota po ninyo ay ni-reject ng makina, kayo po ay papayagan na magpasok muli ng balota sa mismong makina ng apat na beses. Subalit, kung ito po ay nakaapat na beses na at hindi pa rin po tinanggap, ito po ay kukuhanin na sa inyo ng guro, ng atin pong electoral board at kayo po ay palalabasin na po dahil hindi po ito tinanggap.

Subalit, kung iyong dahilan naman po ng pagkaka-reject ay kasalanan po ninyo, binasa ninyo o pinunit ninyo o nilukot po ninyo iyong balota, kayo po ay hindi bibigyan ng extra o dagdag o kapalit na balota.

Tatandaan po natin, ang atin pong bilang ng balota sa bawat presinto ay one is to one lamang. Ang ibig sabihin po, hindi po pupuwedeng sumobra iyong pinapadala po nating balota sa bawat presinto po.

Muli po, atin din pong pinapaalala na bago kayo lumabas po ng presinto, kinakailangan ay lalagyan po kayo ng indelible ink. Iyan po ay nangangahulugan at nagpapatunay sa buong mundo na kayo ay nakaboto sa araw po ng halalan. So, more or less po ganiyan lang po kabilis.

Sa amin pong estima, kapag po kayo ay may dalang kodigo, mga three to five minutes lang po ay tapos kayo sa pagboto. Tandaan po natin, we have to be very responsible. May mga nakapila pong kasunod sa atin. So, mas maganda po na mapadali natin din iyong pagboto natin at mapadali rin iyong pag-alis natin sa polling place dahil nga sa banta ng COVID-19.

Pero po kapag kayo ay wala pong dala-dala na kodigo ay aabutin po kayo ng mga five to eight minutes sa pagboto baka nga po mahigit pa, baka po hanggang 10 minutes. Ganiyan po ang itatagal natin sa bawat presinto po.

So, tuluy-tuloy po ang halalan. Wala pong pagkakataon na magsasarado ang presinto para kumain ang electoral boards o magpahinga ang electoral boards. Iyan po ay tuluy-tuloy po lahat. At siyempre may makikita po kayo sa loob na mga watchers at saka observers, talaga pong pinapayagan natin iyan, sila po ay nandiyan.

At muli, sa bandang gabi po dati ay pinapanood natin iyong pagbibilang. Maaaring hindi na po tayo makapanood ng ganiyan dahil siyempre io-observe po natin iyong social distancing, subalit nandiyan naman po ang ating mga watchers upang magbantay.

At muli sa presintong iyan, kung matatapos ng alas-siyete, mga 7:30 po ay tapos na iyong pagbilang lahat diyan upang makapag-transmit na ng result mula sa presinto papunta sa bayan, papunta po sa bawat canvassing area lalung-lalo na po sa city hall at saka sa COMELEC pati na po sa transparency server.

So, more or less po ay iyan po iyong ating pagboto sa mismong araw ng eleksiyon, sa Mayo 9. At muli po, kung may mga katanungan pa, maaari ninyo pong ibigay po sa atin iyan.

SEC. ANDANAR: Maraming salamat po Commissioner Atty. Erwin Garcia.

Pumunta tayo ngayon sa mga tanong ng Malacañang Press Corps.

Good afternoon, Usec. Rocky.

USEC. IGNACIO: Yes, thank you. Good afternoon, Secretary Martin. And good afternoon din po kay Commissioner Garcia.

Unang tanong mula po kay Vic Somintac ng DZEC-Radyo Agila: Ano daw po ang reaction ng Palace sa report na bumagsak sa 147 ang Pilipinas sa World Press Freedom Index?

SEC. ANDANAR: Maraming salamat, Vic, sa katanungan. Although the Philippines ranked 147th in this year’s index, Reporters Without Borders or RFS has acknowledged that the Philippine media are extremely vibrant. In addition, it should be pointed out that the Philippines is not included in its category of countries in the so-called ‘red list’ which RSF says indicates very bad press freedom situations.

The Philippines is also not included in RSF’s World Ten Worst Countries for Press Freedom. Among the countries red-tagged by the RSF include Myanmar, 176th where the February 2021 coup d’état set press freedom back by ten years; as well as China; Turkmenistan 177th; Iran 178th; Eritrea 179th; and North Korea, 180th.

The Presidential Task Force on Media Security will release a more comprehensive statement on this matter.

USEC. IGNACIO: Opo. Second question from Evelyn Quiroz ng Pilipino Mirror: Ang verbal order ba ni President Duterte ng pagpapatigil sa e-sabong televised nationwide ay kailangan pa ng written order para daw po ma-implement? Sinabi po ni Secretary Año sa interview this morning na hinihintay pa niya ang written order.

SEC. ANDANAR: Evelyn, sa ngayon wala pang official document na galing sa Malacañang Records Office.

USEC. IGNACIO: Opo. Tanong mula kay Sam Medenilla ng Business Mirror: May nailabas na kaya na issuance si President Duterte for the banning of e-sabong? Similar question with MJ Blancaflor ng Daily Tribune. At kung may alternative source of revenue na na-identify ang government to replace the estimated five billion to six billion pesos na mawawala sa government this year sa pag-ban ng e-sabong? Saan po kaya ito manggagaling kung sakali?

SEC. ANDANAR: Wala pa pong lumalabas sa Malacañang Records Office as to the other sources of income. Tiwala po kami sa kakayahan ng PAGCOR to generate new revenues.

USEC. IGNACIO: Thank you, Secretary. Susunod pong magtatanong si Mela Lesmoras via Zoom.

MELA LESMORAS/PTV4: Hi. Good afternoon, Secretary Andanar. Secretary Andanar, unahin ko lang po iyong inaabangan na ng ating mga kababayan kung sino ‘yung mapipili o pinili ni Pangulong Duterte para maglingkod bilang bagong PNP Chief? Mayroon na po kayang update ukol dito at ano po ‘yung mga qualifications na talagang tinitingnan ng Pangulo?

SEC. ANDANAR: Good afternoon, Mela. Wala pa pong lumalabas sa Malacañang Records Office pertaining to the new appointment.

MELA LESMORAS/PTV4: Kailan po kaya ito, sir, mailalabas?

SEC. ANDANAR: ‘Antayin na lang po natin ang Malacañang Records Office. Mahirap magbigay ng petsa o oras dahil hindi natin hawak ito.

MELA LESMORAS/PTV4: Opo. At panghuli na lamang po, Secretary Andanar. May mungkahi po kasi ang NGCP na from May 9 to 11 ay magkaroon ng holidays for government agencies to ensure enough power supply para nga sa nalalapit na halalan. Ano po kaya ang masasabi rito ng Malacañang at paano natin titiyakin na hindi nga magkakaroon ng power interruption sa pinakamahalagang araw na ito?

SEC. ANDANAR: Only the President can decide on this matter, Mela, so ‘antayin na lang natin kung ano ang magiging desisyon ng ating Pangulo.

MELA LESMORAS/PTV4: Okay. Maraming salamat po Secretary Andanar, Usec. Rocky at Commissioner Garcia.

SEC. ANDANAR: Rocky…

USEC. IGNACIO: Yes. Thank you, Mela.

Secretary, susunod na tanong mula kay Evelyn Quiroz ng Pilipino Mirror, para po ito kay Commissioner George Garcia: What are the different modes to commit vote-buying?

COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Maraming, maraming salamat po, Ma’am Evelyn, ano po sa inyong naging katanungan. Sa Section 261, Paragraph 1, Letter A po ng Omnibus Election Code, nandoon po kasi ang definition ng vote-buying. Alam ninyo po ang vote-buying ay hindi lamang pamimigay ng pera, kahit po in-kind o kahit nga po promise lang, pangako ay puwede na pong ma-commit iyong vote-buying.

In fact po, kapag ang isang kandidato ay nagbigay… nag-attempt magbigay sa isang botante at tinanggihan po ng botante na ibinibigay niya, cash man or in-kind, iyan po ay vote-buying na kaagad – kaso na po kaagad iyan ng vote-buying and therefore punishable ng isa hanggang anim na taong pagkakakulong.

Tatandaan po natin, hindi ho pinag-uusapan dito ang laki o liit ng ibinibigay. Maaaring sabihin noong iba, isandaang piso ay napakaliit niyan pero sa atin pong mga pobreng kababayan, isandaang piso ay napakalaki’t ‘yan ay kayamanan na. Iyan po ay vote-buying na rin basta ang intensiyon kaya ka nagbigay eh hindi naman talaga humanitarian, kung hindi ang intensiyon ninyo ay para engganyuhin iyong mismong binigyan ninyo na iboto kayo ha… at hindi iboto ‘yung inyong katunggali. And therefore po, binabalaan lang po natin ‘yung ating mga kandidato na sana’y iwasan iyon pong pamimili ng boto.

Pero ito po ha, sa mismong batas, sinasabing hindi lamang po iyong namimili ang pupuwedeng makulong – puwede rin po ‘yung nagbibenta ng boto. So, vote-buying and vote-selling, parehas po ‘yan na pinaparusahan po ng ating batas. So tatandaan po ng ating mga kababayan, bawat pagtanggap ninyo kulong ang katumbas po nito.

USEC. IGNACIO: Opo. Second question po niya, Commissioner: What are the evidences necessary to prosecute vote-buying? Napu-prosecute din ba pati ang tumatanggap ng pera para iboto ang particular na kandidato?

COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Opo. So iyon po, nasagot na natin ‘yun pong pangalawang katanungan.

Iyong sa mga ebidensiya po, alam ninyo kung bakit sa ating karanasan, sa atin pong kasaysayan ay parang walang naipapakulong lagi na mga namimili ng boto sapagkat una po maaaring natatakot ang ating mga kababayan; number two, may nagpa-file ng kaso – bandang huli ‘pag tapos na iyong eleksiyon, wini-withdraw na; or number three, napakahina ng ebidensiya.

Pero, ano po ba ang kailangang mga ebidensiya? Iyon po, ‘yung mismong binigay sa inyo, ‘yung mismong sobre kung iyan man ay nakasobre, pagkatapos mayroon po kayong affidavit na mapapamigay sa Commission on Elections, masa-submit ninyo po – kahit po ‘yung affidavit noong nakakita na kayo ay inabutan o in-offer-an ng bagay na iyan. Iyon pong video, iyan po ay isang acceptable at iyan po’y admissible iyong evidence, kaya lang iyon pong kumuha ng video ay kinakailangan pong mag-testify o gumawa ng affidavit o sinumpaang salaysay na siyang kumuha noon, anong klase iyong ginamit na camera sa pagkuha ng video, ano iyong mga instances o circumstances kung paano nakuha ang video na iyon ng pamimili.

So iyan lang lahat-lahat po, kung iyan ay maipa-file sa Comelec, iyan po’y mabubuo bilang isang kasong kriminal. Kasong kriminal po ang pamimili and therefore ang amin pong Law Department ang in-charge diyan. Ang kauna-unahan pong mangyayari pagka-file ng kaso, kaagad na mag-iisyu kami ng subpoena upang pasagutin ang mismong nadidemandang iyan and at the same time pagkatapos po noon, idi-determine po ng Comelec kung may tinatawag bang probable cause – iyong mga ang dating ay mukhang guilty ba ‘yan. At pagkatapos kung sabihin naming may probable cause, ang kaso po ay kaagad na ipa-file sa ating mga korte at ang korte ay kaagad mag-i-issue ng warrant of arrest laban sa mga nasasakdal.

USEC. IGNACIO: Opo. Commissioner, tanong pa rin po mula kay Evelyn Quiroz ng Pilipino Mirror: In an interview, sinabi po ni Mariveles Mayor Jo Castañeda na talamak ang vote-buying sa kanilang bayan. Anong aksiyon ang puwede at dapat na gawin ng Comelec kaugnay nito?

COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Tama po. Narinig ko na rin po iyan at nakita rin po natin iyong mga ilang pahayag sa social media. At actually po, tama naman ang Comelec naman po ay may power mag-motu propio na magkaroon ng imbestigasyon. At iyan po ay aming din po, hindi lamang po iyan sa Bataan, sa ibang parte pa ng Pilipinas ay amin pang binigyan ng instruction ang ating mga local Comelec officials na bigyan tayo ng report.

Pero alam ninyo po, mas maganda talaga na mayroon pong pormal na kasong maipa-file sa Comelec. At least po ‘pag may pormal na kaso, magkakaroon po ng pormal din na imbestigasyon at may due process na tinatawag. Tatandaan po natin na kahit na kitang-kita mo na, na talaga namang ang isang kriminal ay ginawa niya ‘yung krimen na iyan, eh dito po sa ating umiiral na batas at ang atin pong Saligang Batas ay nagsasabi na ang lahat ng tao ay presumed innocent until proven guilty beyond reasonable doubt. So mag-a-undergo’t mag-a-undergo po ng proseso ng due process na tinatawag.

Pero huwag po kayo mag-alala, diyan po naman malalama’t malalaman… kitang-kita kaagad namin kung may probable cause. Hindi po kami magsasabing guilty. Kung may probable cause lang na ma-file-an ng kaso iyong mismong mga kandidato na iyan. In fact po, para sa kaalaman ng lahat, hindi po ito isang kasong criminal lang, ito po ay isang ground sa disqualification. Sa Omnibus Election Code po, Section 68, ang isa sa mga grounds ng pagpapa-disqualify o pagpapatanggal ng isang kandidato ay kapag siya ay namili ng boto. So, dalawang kaso po iyan – vote buying na, election offense pa!

USEC. IGNACIO: Opo. Thank you, Commissioner Garcia.

Secretary Andanar, tanong mula kay Rose Novenario ng Hataw: Bakit hindi po maipursigi ni Pangulong Duterte na masingil ng gobyerno ang 203 billion estate tax ng mga Marcos, gayong sa kaso ng Mighty Corporation ay puspusan ang effort niya na makolekta ang 25 billion na atraso nitong buwis sa pamahalaan?

SEC. ANDANAR: Thank you, Rose. It can be remembered that Secretary Carlos Dominguez earlier said that the Bureau of Internal Revenue is collecting and demand the payment from the Marcos Estate administrators.

USEC. IGNACIO: From Margot Gonzales ng SMNI News: Ano po ang ginagawa ngayon ng pamahalaan para sa kampanya natin laban sa dengue ngayon na may naitalang kaso sa Metro Manila at mga probinsiya?

SEC. ANDANAR: Margot, mino-monitor na ito ng Department of Health. Pinapaalalahanan naman natin ang lahat na maging malinis sa kanilang kapaligiran upang huwag pamugaran ng mga lamok na may dalang dengue.

USEC. IGNACIO: From Kara David ng GMA News for COMELEC Commissioner Garcia: Commissioner, marami raw pong pumanaw na nasa voters’ list pa? Bakit ito nangyari? May oras pa ba para i-delist sila, with only a few days to go? How can we ensure that the dead will not be able to vote?

COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Maraming salamat po sa katanungan, Ma’am Kara. Alam po ninyo mas maganda na samantalahin natin iyong pagkakataon na maipaliwanag natin sa mga kababayan natin, bakit ba iyong mga namatay na ay nandiyan pa rin ang mga pangalan sa listahan. Ito po ay hindi kasalanan ng Commission on Elections. Ang problema po kasi ay iyong ating umiiral na batas na Republic Act 8189, iyong tinatawag nating Continuing Registration Law.

Sa batas pong iyan, hindi po automatic na porke’t kapitbahay po ni Secretary Andanar – halimbawa, siya po ang election officer ng COMELEC – eh halimbawa, iyong kapitbahay ay pumanaw. Ang tanong: Iyon ba automatically ay dapat tatanggalin ni Secretary Andanar iyong pangalan noong mismong botante, dahil alam niya na iyon ay pumanaw na? Hindi po! Sa atin pong batas, kinakailangang mag-iisyu quarterly ang Civil Registrar ng bayan na iyan na kung nasaan nandiyan po iyong mismong namatay kung saan nakatira ng certification na ang isang namatay ay pumanaw na.

And therefore, hangga’t wala pong natatanggap ang COMELEC, kahit alam ng COMELEC na namatay na iyon, hangga’t wala siyang natatanggap na certification mula sa civil registrar ng bayan na iyon na namatay na po iyong tao ay hindi po pupuwedeng tanggalin. Naku, kapag po nagkaganoon, isipin ninyo, kung medyo hindi po maayos iyong pag-uugali noong election officer, baka ideklara na kalahati ng bayan na iyon ay namatay na dahil siya, halimbawa, ay kapanalig noong pulitiko.

So, hindi po gagawin iyon. Kinakailangan may certification iyong civil registrar. Every quarter po nagbibigay siya [ng certification] na ito ang mga namatay sa quarter na ito, at iyon po ay naka-address sa local COMELEC namin. Subalit, mayroon pong isang problema, mayroon pong loophole ang batas natin at sana po ay maayos ng ating Kongreso pagkatapos na pagkatapos ng halalan.

Ano po iyong loophole? Ang loophole po ng batas natin ay kapag paano po kayong namatay, ay namatay doon sa lugar, hindi doon sa kung saan nakatira. Halimbawa po si A ay kunwari may COVID-19, so dinala po ng mga kamag-anak, siya po ay galing Pampanga, dinala ng mga kamag-anak sa Maynila. Unfortunately, dito po sa Maynila pumanaw. Ang tanong, aasahan po ba natin na iyong civil registrar ng Maynila ay mag-iisyu ng certification na naka-address sa local COMELEC o namatay na po itong taong ito? So, iyon po ang problema.

Ang naging solusyon po sana ng COMELEC ay kausapin po natin iyong Civil Registrar General na sana mag-isyu ng certification para sa buong Pilipinas para kami na lang po ang mag-i-inform sa local COMELEC namin. Subalit, siyempre nga po, ay mayroon po kasing fee na babayaran kapag may mga certification, wala po kasi sa budget namin iyan. At number two, kailangan po ng batas patungkol sa bagay na iyan.

So, iyon po ang kadahilanan kung bakit hindi natatanggal. Sabi tatlong taon na raw pong namatay, apat na taon na namatay, pero bakit ang pangalan nandiyan pa rin po iyan. Igagarantiya ko po sa inyo, hindi po intentional iyan. Siguro po noong matatandang panahon na pupuwedeng makaboto ang mga namatay baka nangyayari. Ngayon po, hindi.

Bakit po? Maliban po doon sa sinabi ko na iyan nga po na hindi natin matatanggal, ano naman po ang guarantee natin na hindi makakaboto iyong namatay na? Iyon po ang solusyon noong binanggit ko kanina na EDCVL, iyon pong Election Day Computerized Voters’ List na nandoon iyong picture ninyo, kaya dinemand mismo ng Komisyon na kayo ay magpaparehistro personally. Kayo po ay kinuhanan ng biometrics, iyong fingerprint ninyo, nagpirma pa po kayo sa isang device na ganoon, piniktyuran pa po kayo. Iyong picture ninyo, makikita po ninyo mismo doon sa EDCVL.

Kapag naman po siguro ang bumuboto ay isang babae, tapos iyong nandoon sa picture eh lalake, baka hindi naman po siguro pabobotohin talaga iyon ng electoral board. At sure na sure po ako na io-object po iyon ng mismong watcher po ng mga kandidato. So ibig sabihin, may pamamaraan po para malaman naman at makita, at lalung-lalo na ay alerto dapat po ang mga watcher ng mga kandidato kung iyong mga bumuboto ay hindi sila iyong nandoon sa mismong picture. Kaya po, doon naman po papasok iyong ating pakiusap sa iba nating kababayan na hindi man required na magdala kayo ng government issued ID, magandang mayroon na rin kayong dalang valid ID.

Bakit? Eh papaano po kung ang isa sa mga watchers ay medyo istorbohin kayo at sabihin na medyo bata-bata kayo dito ngayon, parang nakatatanda na kayo ngayon. Parang hindi po kayo kamukha ng nandito. At least po kung may dala kayong ID, iyon po iyong ipapakita ninyo. Parang isang pagkakakilanlan maliban po doon sa listahan na nasa loob ng presinto. Tatandaan po natin, ang sedula ay hindi po ID. Kaya hindi po pupuwede ang sedula bilang ipapakita ninyo ng pagkakakilanlan.

So, talaga pong hindi kaagad matanggal. Iyon po ang kadahilanan, at sana nga po maremedyuhan iyong loophole ng batas na iyan sa pamamagitan ng amendment o pagsususog ng pagbabago sa atin pong umiiral na batas para sa pagpaparehistro ng mga botante. Salamat po.

USEC. IGNACIO: Thank you, Commissioner Garcia.

Secretary Martin, tanong mula kay Alvin Baltazar ng Radyo Pilipinas: Palace reaction on the endorsement made by the INC to the tandem of Bongbong Marcos and Sara Duterte? How does Palace view this as far as chances of making it in the coming polls?

SEC. ANDANAR: We thank the Iglesia ni Cristo for endorsing Davao City Mayor Inday Sara Duterte. As to INC’s endorsement of former Senator Marcos, we believe his spokesman had already issued a statement.

USEC. IGNACIO: Thank you, Secretary Martin. Iyong second question po ni Alvin ay natanong na ni Mela Lesmoras, about the next PNP Chief. From Karen Davila: What are the preparations for the transition of power to the next administration?

SEC. ANDANAR: The Office of the President created a transition committee chaired by Executive Secretary Bingbong Medialdea to prepare and implement the Office of the President’s transition plan, Karen.

USEC. IGNACIO: Another [question] from Karen Davila: Palace reactions on De Lima’s accusation versus government officials?

SEC. ANDANAR: As I have mentioned in my statement, the case of Senator De Lima has nothing to do with her views with the Administration’s campaign against illegal drugs or her affiliation with the political opposition. It is in the courts right now. Let us simply let the law run its course.

USEC. IGNACIO: From Pia Gutierrez ng ABS-CBN: According to Undersecretary Malaya ng DILG, may dalawa daw pong lieutenant general na involved sa missing na sabungero and it’s up to the President daw kung ano ang magiging hatol sa dalawa. May desisyon na ba ang Pangulo tungkol dito?

SEC. ANDANAR: We leave it up to the President kung ano ang kaniyang desisyon dito. Clearly, there has been an investigation done by the Department of Interior and Local Government. The Secretary of the Interior and Local Government has already submitted his recommendation to the President with regard to the e-sabong. So, hintayin na lang po natin ang magiging pasya ng ating Pangulo.

USEC. IGNACIO: Opo. Pahabol lang po ni Tuesday Niu kay Commissioner Garcia: Commissioner, sa kasaysayan ba ng implementasyon ng batas ay may nahuli na ba kayo o nakasuhan at napanagot sa vote-buying at vote-selling? Marami po ngayon ang gumagawa niyan.

COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Sa akin pong pagkakaalam, madaming nakasuhan. Madami pong nahuli, madami pong nagkaroon ng kaso sa Commission on Elections, madami rin po kaming na-determine na may probable cause. Kaya lang po, unfortunately, kapag darating sa korte ay kalimitan nadi-dismiss. Lagi po nating tatandaan, kapag po kasi kasong kriminal, napakataas na requirement po kasi ng ebidensiyang kinakailangan to prove iyong tinatawag po nating guilt, kasi it should be guilt beyond reasonable doubt. Eh kapag po minsan, ang mga magtitestigo, mga witness ay nagwi-withdraw o kaya po ay bigla na lang umaayaw na magtestigo laban po doon sa namili ng boto ay sigurado po na hihina at hihina po iyong kaso, mawawalan ng tinatawag na probable cause and therefore po, ang korte ay walang ibang choice kung hindi i-dismiss po iyong kaso.

Unfortunately po ay ganiyan po iyong nangyayari. Sana po this time, kung may mga magpa-file ng kaso at may mga witnesses, sana po ay mapaninindigan iyon pong maipa-file na kaso at iyong kanilang mga sinumpaang salaysay.

USEC. IGNACIO: Thank you, Commissioner Garcia.

Secretary Andanar, may pahabol na tanong si Jo Montemayor ng Malaya: Sino po ang members ng transition committee headed by Executive Secretary?

SEC. ANDANAR: Wala pa po sa akin ang listahan ng mga miyembro ng transition committee ng Office of the President. Babalikan po namin kayo, Jo, kapag ibinigay na po ng Executive Secretary ang mga pangalan ng miyembro.

USEC. IGNACIO: Opo. Tanong naman po mula kay Rosalie Coz ng UNTV: May response na po ba ang Office of the President sa request po ng COMELEC na gawing special non-working holiday ang May 9? At kung wala pa, kailan ito aasahang ilabas ng Palasyo?

SEC. ANDANAR: I still don’t have information on that matter. Pero, once na lumabas iyan, we assure you that we will give it to the Malacañang Press Corps.

USEC. IGNACIO: Thank you, Secretary Martin. Iyan po muna iyong nakuha nating tanong sa MPC. Salamat po Commissioner Garcia.

SEC. ANDANAR: Maraming salamat, Usec. Rocky Ignacio, at mabuhay po kayo, Commissioner Atty. Erwin Garcia, Sir.

COMELEC COMMISSIONER GARCIA: Maraming salamat po, Mr. Secretary.

SEC. ANDANAR: Maraming salamat din po sa mga miyembro ng Malacañang Press Corps.

Dito po nagtatapos ang ating press briefing. See you again on our next briefing. Hopefully, tapos na po ang halalan. Stay safe and healthy everyone.

Tandaan: Basta’t laging handa at sama-sama kaya natin ang anumang pagsubok.

###

News and Information Bureau-Data Processing Center