Press Briefing

Press Briefing of Acting Presidential Spokesperson and PCOO Secretary Martin Andanar



SEC. ANDANAR: Magandang tanghali po sa ating mga kababayan at sa Malacañang Press Corps.

Umpisahan natin ang press briefing ngayon araw sa pinakabagong desisyon ng IATF.

Inamyendahan ng Inter-Agency Task Force o IATF noong Sabado, June 4, 2022, ang guidelines on the nationwide implementation of alert level systems for COVID-19.  The IATF recognizes the need to further identify the establishments and/or activities which are allowed to operate, or be undertaken in Alert Level 1.  Kaugnay nito, pinayagan ng IATF ang full 100% capacity sa ilalim ng Alert Level 1, ngunit kailangan magpakita ng katibayan ng full vaccination bago makasama sa malawakang pagtitipun-tipon o papasukin sa indoor establishments.

Pumunta naman tayo sa Talk to the People Address ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kagabi.  Ito po ang ilan sa mga naging highlight ng nasabing pagpupulong:

Hinikayat ng Pangulo ang mga Pilipino na suportahan ang ating mga bagong halal na lider.  Dagdag ni Presidente, nais niyang magtagumpay ang susunod na administrasyon.  In the words of the President, “We have no room for politicking or actions that are divisive to the country.”

Samantala, iniulat ni Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na naglabas sila ng advisory para palakasin ang kasalukuyang precautionary measures ng mga LGUs kontra COVID-19 Omicron variant.

Nagbigay naman ng update si National Disaster Risk Reduction and Management Council Undersecretary Ricardo Jalad tungkol sa Bulkang Bulusan. Tinatayang nasa mahigit dalawampung milyon ang damage sa agrikultura habang mayroong 2,784 na mga pamilya o 13,920 katao ang naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Bulusan. Bilang tugon, sinabi ni Department of Health Secretary Francisco Duque III na nagbigay ang kanilang kagawaran ng 17.1 million na logistical support, kasama na rito ang mga gamot at hygiene kits, at iba pang mga suplay. Kaugnay nito, hinikayat ng Pangulo ang mga residenteng nakatira malapit sa Bulkang Bulusan na sundin ang instructions ng pamahalaan.

Samantala, masayang ibinalita ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, Jr., ang patuloy na pagbaba ng active cases mula 116,720 noong February 7, 2022 sa 2,479 active cases, as of June 5, 2022, sa kabila ng superspreader events.  At kaugnay nito, iniisa-isa ni Secretary Galvez ang mga istratehiya para tumaas ang uptake at tiyakin ang added wall of protection.

Sa usaping bakuna pa rin.  As of June 6, 2022, nasa mahigit 74.2 million ang naka-first dose habang nasa mahigit 69.5 million ang fully vaccinated, ayon sa National COVID-19 vaccination dashboard.

Samantala, nasa mahigit 14.3 million ang naka-booster shots.  Overall, nasa mahigit 151.3 million ang total doses administered.

Sa mga tsikiting na edad lima hanggang labing-isang taon gulang, nasa 2.9 million na ang fully   vaccinated, habang ang mga batang dose hanggang disisiete anyos nasa higit 9.4 million ang fully vaccinated as of June 6, 2022.

Sa ating mga lolo at lola, nasa 6.7 million ang fully vaccinated seniors as of June 6, 2022.

Pumunta na tayo sa mga tanong ng MPC. Magandang tanghali sa iyo, Usec. Rocky.

USEC. IGNACIO: Yes, good afternoon, Secretary Martin, at sa Malacañang Press Corps. Ang una pong tanong ay mula kay Vic Somintac ng DZEC Radyo Agila: Ano raw po ang schedule ni President Duterte sa June 12? Similar question po ito ni Maricel Halili ng TV5 at ni Ivan Mayrina ng GMA7.

SEC. ANDANAR: Vic, Maricel and Ivan, hintayin natin maglabas ng advisory si Usec. Mia ng MARO tungkol sa bagay na ito.

USEC. IGNACIO: Susunod pong tanong ay mula kay Rose Novenario ng Hataw: Bakit po itinutuloy ang demolition sa transmission tower ng IBC-13 sa Quezon City kahit ayon daw po sa review ng Office of the Government Corporate Counsel (OGCC) sa kontrata ng IBC-13 at Althea Construction ay isinailalim ito sa “improper procedure”? Ano po ang dahilan sa pag-award ng kontrata sa isang construction company na umano’y walang kakayahang isagawa ang proyekto at kumuha umano ng dalawang sub-contractors para gawin ang trabaho? Nalugi ba ang gobyerno sa “midnight deal” na ito?

SEC. ANDANAR: Rose, kinausap ko si CEOP at President ng IBC na si Hex Alvarez, at ayon kay Hex Alvarez, walang technical capability ang Althea na mag-dismantle ng nasabing tower.  Ang nangyari ay isang emergency. Condemned structure ito at approximately 3×6 rusted steel plate ang nalaglag mula sa tower. Na-declare po itong dangerous at ruinous ng Building Inspection Division.  Threat po ito sa public safety.  Ganoon po ang nangyari. At iyan ang ini-report sa atin ni Hex Alvarez, ang CEO at President ng IBC.

USEC. IGNACIO: Sunod pong tanong mula kay Sam Medenilla ng Business Mirror: Ano ang reaction ng Malacañang sa pagbilis ng pagtaas po ng inflation rate to 5.4 percent last month compared to the 4.9 percent last April? Similar question with MJ Blancaflor ng Daily Tribune

SEC. ANDANAR: Patuloy natin minamatyagan, Sam and MJ, ang presyo ng pangunahing bilihin o iyong basic goods. Alam naman natin na ang pagtaas ng inflation ay dulot ng pagtaas ng presyo ng langis, at kaya naman nagbigay tayo ng fuel subsidy program sa mga tsuper at operator.  Mayroon din tayong Service Contracting Program para makatipid sa pamasahe ang mga commuters sa pamamagitan ng Libreng Sakay at matulungan ang mga drayber at operator na kumita base sa bilang ng trip na kanilang itinatakbo. In-extend din ang libreng sakay sa MRT-3 hanggang sa katapusan ng termino ng Pangulo sa June 30, 2022.

Pagdating naman sa sahod ng mga manggagawa, nagdesisyon ang Regional Tripartite Wage Board na itaas ang minimum wage ng 33 pesos bawat araw.

USEC. IGNACIO: Thank you, Sec. Martin. Ang susunod pong magtatanong via Zoom ay si Mela Lesmoras ng PTV.

MELA LESMORAS/PTV4: Hi! Good afternoon, Secretary Andanar, Usec. Rocky. Secretary Andanar, unahin ko lang po, tungkol pa rin sa schedule ni Pangulong Duterte. Nasanay po kasi iyong ating mga kababayan na kapag may kalamidad, sakuna, talagang bumibisita si Pangulong Duterte sa mga affected areas. Nagpaplano po ba si Pangulong Duterte na bumisita sa mga naapektuhan ng Bulusan volcano eruption? At idagdag ko na lamang din po, tungkol pa rin sa schedule: Lalahok po kaya si Pangulong Duterte sa inauguration ni Vice-President-elect Sara Duterte?

SEC. ANDANAR: Hintayin natin na maglabas ng advisory ang tanggapan ni Usec. Mia ng MARO. At habang tayo ay naghihintay, puwede rin nating tanungin ang iba pang mga contacts natin, perhaps sa Office of the President. But I don’t have any information with me right now.

MELA LESMORAS/PTV4: Opo. And, sir, tungkol naman po sa patuloy nating paglaban sa COVID-19. Sa isang ulat kasi ng OCTA Research, may naitala sa NCR na bahagyang pagtaas ng positivity rate at reproduction number. Pero nga sa Talk to the People kagabi ay sinabi naman iyong mga series of good news hinggil nga dito sa COVID-19 response ng pamahalaan. Dahil nga ilang linggo na lang matatapos na rin ang termino ng Administrasyong Duterte at next week ay may bago na namang alert levels na ipapalabas ang pamahalaan, may chance po kaya na doon sa huling alert levels na ipatutupad ng pamahalaan ay nationwide na iyong maidideklarang Alert Level 1? At kumpiyansa rin po ba tayo na overall ay nagtagumpay ang Administrasyong Duterte dito sa laban kontra COVID-19?

SEC. ANDANAR: Mela, nabanggit ni Usec. Vergeire na hindi pa ito ang tamang panahon upang i-lift nga itong State of Public Health Emergency dahil naobserbahan na may kaunting pagtaas ng mga kaso ng COVID at na-detect na rin sa bansa ang isa na namang sub-variant ng Omicron.

MELA LESMORAS/PTV4: Pero, sir, sa susunod po ay may chance kaya, sir, na nationwide na rin iyong Alert Level 1 o kailangan pa itong pag-aralang mabuti?

SEC. ANDANAR: Palagay ko, kailangang pag-aralan nang mabuti dahil nakikita naman natin sa ibang bansa ay mayroon pa ring pagtaas ng COVID-19. Although sa datos na ipinakita ni Secretary Pingkoy Duque ay ang ganda ng ipinakitang paglaban ng ating bansa dito sa COVID-19 dahil mababa iyong ating infection rate. Pero again, you know, we can never be sure of what will happen in the future, kaya ibayong pag-iingat pa rin at pagsunod sa mga health protocols.

MELA LESMORAS/PTV4: Okay, maraming salamat po, Secretary Andanar at Usec. Rocky.

SEC. ANDANAR: Thank you, Mela.

USEC. IGNACIO: Opo. Thank you, Mela.

Ang susunod pong tanong ay mula po kay Llanesca Panti ng GMA News: Where would the Palace attribute daw po the increase in the number of hungry families to 12.2% or 31 million families from 11.8% last quarter, as shown in the latest SWS survey?

SEC. ANDANAR: Thank you for the question, Llanesca. Tumaas po ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dahil sa nangyayari ngayon sa [pagitan] ng Russia at Ukraine; kaugnay nito, patuloy nating tinutugunan ang isyu ng kagutuman.  Kung inyong matatandaan po mga kababayan, nilikha ni Pangulong Duterte ang Inter-Agency Task Force on Zero Hunger sa pamamagitan ng Executive Order No. 101 noong January 2020.  Kasama sa ating initiatives ang “Gulayan sa Barangay at sa Pamayanan” programs at iba pang livelihood projects para mabawasan ang kagutuman. Kaya naman na bagaman ay may pagtaas sa bilang ng mga pamilyang Pilipino na nakakaranas ng gutom, mas mababa pa rin ang 12.2% ngayong Abril sa 16% noong huling bahagi ng 2020.

USEC. IGNACIO: Opo. Second question po niya: Would the Palace recommend the suspension of excise tax on oil amid the unabated oil price increase?

SEC. ANDANAR: Hindi naman po nagbabago ang position ng Pangulo [mula] noong Marso [hanggang] sa ngayon. At sang-ayon sa Economic Team na huwag suspendihin ang excise fuel tax dahil ang kikitain dito ay na-i-budget na sa suweldo ng mga guro, sa Build, Build, Build at iba pang programa ng ating pamahalaan.  Ngunit hahayaan natin sa susunod na administrasyon ang desisyon tungkol sa panawagan na ito.

USEC. IGNACIO: Opo. Iyon pong susunod na tanong ni Maricel Halili ng TV-5, kapareho po ng tanong ni Ivan Mayrina at ni Nestor Corrales ng Inquirer, tungkol po doon sa kung a-attend daw po si Presidente sa inauguration ni Vice President-elect Sara Duterte, na naitanong na po ni Mela Lesmoras?

SEC. ANDANAR: Oo nga. Rocky, I wish I had the answer. Again, hindi pa naglalabas ng advisory ang opisina ng MARO. Hintayin na lamang natin na maglabas ng official na pahayag ang MARO kung pupunta nga si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa inagurasyon ng kaniyang anak na si Vice President-elect Sara “Inday” Duterte.

USEC. IGNACIO: Okay. Thank you, Secretary Martin. Iyon lang po iyong mga nakuha nating tanong sa ating kasamahan sa Malacañang Press Corps. Maraming salamat po, Sec. Martin.

SEC. ANDANAR: Maraming salamat Usec. Rocky, at members ng Malacañang Press Corps.

At dito po nagtatapos ang ating Press Briefing sa araw na ito. See you again on our next briefing. Stay safe and healthy everyone.

Tandaan: Basta’t laging handa at sama-sama, kaya natin ang anumang pagsubok.

 

###

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)