CLAVIO: Iyong pag-announce kay Atty. Gierran, inasahan mo na ba iyan? Siya ba kasama sa listahan o siya talaga iyong napisil ng Pangulo, Secretary?
SEC. ROQUE: Well, nadinig ko na po ang pangalan niya, kasi alam naman ninyo ang problema sa PhilHealth, korapsyon. So ang kinakailangan talaga diyan, sabi ni Presidente, iyong pupuwedeng maglinis ng hanay. Kaya nga po napili si Atty. Gierran, kasi siya ay CPA at lawyer pa, so alam niya iyong financial aspect at alam din niya iyong legal aspect.
SOTTO: Kumbaga sa panahon natin ngayon because of the current state we are in, talagang mahalaga iyong investigative ability, kailangan magaling mag-imbestiga at accountant pa at abogado pa.
SEC. ROQUE: Opo, tama po iyon, kasi kinakailangan talaga marunong mangalap ng ebidensiya at dahil white collar crime ang nangyayari diyan sa PhilHealth, kumbaga, iyong sinasabi natin mga executives ang pinaghihinalaan diyan, kinakailangan mayroon ding knowledge sa accounting.
SOTTO: Iyon pong hinihingi sana ng labor union ng PhilHealth WHITE (Workers for Hope, Integrity, Transparency and Empowerment) po, sana eksperto daw in health insurance, what happens to that criterion na sana hinihingi nila.
SEC. ROQUE: Well, alam mo po kanina ay mayroong nagsabi sa akin, di mo naman kinakailangang maging embalmer, para maging manager ng isang memorial park. So hindi naman kinakailangan na talagang ikaw ay health expert para mapagana ang isang PhilHealth. Importante lang po siguro, mawala iyong korapsyon diyan nang sa ganoon eh magamit iyong pondo ng PhilHealth para sa kalusugan ng lahat.
CLAVIO: Matagal mong sinubaybayan iyan eh, so ano ang vibes mo kay Atty. Gierran?
SEC. ROQUE: Kilala ko na po iyan dati pa ‘no. In fact, tumulong din po iyan doon sa mga WellMed whistleblowers natin. Oo, noong nalaman ko na siya, naging kampante naman ang aking kalooban kasi isa siya doon sa, naalala ninyo iyong mga whistleblowers natin sa WellmMed, dahil nga po hindi pa sila natatanggap sa Witness Protection ay tumira sila diyan sa NBI building mismo at isa naman po siya doon sa tumulong doon. Kaya komportable po ako noong nalaman ko na siya nag pupuwedeng italaga at natalaga na nga.
SOTTO: At iyong pinakamahalagang qualification – proven integrity and incorruptibility!
SEC. ROQUE: Opo, matagal naman na po si gobyerno itong si, President Gierran na ngayon , at wala naman pong nababahid na kahit na anong balita ng korapsyon sa kanya.
SOTTO: Oo nga at ang ano sa kaniya silent worker daw ito, hindi maingay pero trabaho nang trabaho.
SEC. ROQUE: Opo, mukha naman po.
CLAVIO: Secretary, linawin ko lang iyong marching order kagabi, pinapanuod ko. Parang sabi ng Pangulo parang ano ba reshuffle ba o tanggalin itong mga regional vice president, kahit daw matino, parang ganoon ang dating, pakilinaw daw?
SEC. ROQUE: Ang tingin ko, hindi lang naman regional talaga ang nasa isip ni Presidente kung hindi lahat po ng mga executives. Well, sa ngayon naman po kasi, iyong execom, halos lahat sila suspendido, dadalawa na lang iyong dapat masuspinde pa diyan. At, so ngayon, siguro sinasabi lang niya kinakailangan ng balasahan na malawakan diyan sa PhilHealth ng hindi masyadong maging komportable sa posisyon, lalung-lalo na iyong mga matatagal na sa kanilang mga posisyon.
SOTTO: Iyong nagtagal na, kasi by region ang assignment nitong regional vice presidents, although ang nanunumbalik sa akin, ang sinasabi nga ni Senator Ping Lacson, sa senate on the whole na hearing on PhilHealth na itong regional vice presidents ang source noong mga documents na, kumbaga sila iyong whistleblowers and in our many interviews here on our program, mga na-interview po naming mga personalidad na sila nga daw po iyong nagkukuwestyon, and they are the ones na talagang naglalantad noong mga anomaly na nangyayari sa PhilHealth. So, kung removal, kasi removal ba sibak or reshuffle na kumbaga ire-rigodon lamang sila?
SEC. ROQUE: Malinaw po ang sabi ni Presidente, basta sa mga regional [vice] presidents, wala po siyang pinapasibak, pinapa-reshuffle.
CLAVIO: Ah, reshuffle.
SEC. ROQUE: I will confirm iyong sinabi mo, Ali ‘no, ako rin po ang mga naging impormante ko, noong 17th Congress pa, noong binabalangkas pa natin ang universal healthcare at nauna nang nag-imbestiga ang mababang kapulungan tungkol sa PhilHealth, itong mga regional vice presidents ang siyang nagbibigay ng impormasyon at nakikipagtulungan. Sa katunayan ang paborito kong kaso na sinampa ng mga dating management ng PhilHealth ay itong laban kay Atty. Val Hollero na falsification daw ng kaniyang daily time record. Kasi noong isang araw nagpunta siya sa akin sa Malacañang at kinausap ko siya, noong mga panahon na humihingi sila ng certificate of urgency nga ng universal healthcare kasi hindi mapasa sa Senado, matapos naming mapasa sa mababang kapulungan. Dahil doon, iyon ang record daw ni Atty. Hollero at siya ngayon ay regional vice presidente diyan po sa Region VI.
SOTTO: Ang tanong ko lang, Secretary, bakit po hindi hinintay ng Pangulo iyong report po ng senado, ng senate of the whole, on the PhilHealth investigation which, I think, will come out today o kahit doon sa mababang kapulungan o kahit na iyong report nitong multi-agency task force that is investigating nga ito, di ba lead agency ang Department of Justice, nandiyan ang COA, ang PACC, ang AMLC, bakit po hindi hinintay muna ng Pangulo itong mga reports nitong iba’t ibang mga grupo na ito?
SEC. ROQUE: Dahil hindi po pupuwedeng magkaroon ng vacuum iyong leadership sa PhilHealth. Alam ko po mayroon na talagang OIC diyan pero kung maalala ninyo itong si OIC De Jesus eh noong naghi-hearing din sa Senado, may mga ilang araw na hindi rin sumipot ‘no at mayroon din daw siyang medical condition. Kaya nga po, I think, ang importante kay Presidente magtalaga ng presidente na maaasahang maglinis sa hanay ng PhilHealth at ito nga po si Atty. Gierran.
CLAVIO: Okay naman ang kalusugan ni Attorney Gierran?
SEC. ROQUE: Mukha namang okay naman po, mapagbiro po iyan at kahapon nga po ay magkatabi kami ‘no. Mukhang okay na okay naman po siya.
CLAVIO: ‘Ayun. At sabi niya nga eh, “Hindi ako nag-apply ha, kinuha ako’t bilang isang masunuring sundalo ay gagawin ko iyong iuutos ng Pangulo.”
SEC. ROQUE: And I can vouch for that, hindi nga po siya talaga nag-apply.
SOTTO: Iyong iba pong nabakanteng posisyon sa execom because of may nag-resign, si Attorney Jojo Del Rosario. Tapos, si Arnel De Jesus ba is on leave or did he also quit?
SEC. ROQUE: ‘Ayan po ‘di ba ho iyong natalagang OIC pero—
SOTTO: So, OIC siya talaga ‘no?
SEC. ROQUE: Oo, tapos eh pero mayroon din siyang karamdaman, iyong kaniyang pacemaker niya na diumano’y na-displace kaya hindi siya nakaka-attend nang ilang mga hearing ng Senado ‘no. So—pero totoo po iyan, mayroon pa pong dalawang vacancy ng Board sa PhilHealth dahil nag-resign din po itong si Director Susie Mercado at saka si Director Cabading.
SOTTO: Oo. So, can you educate us lang Secretary. So iyong PhilHealth president appointed by President Duterte, so wala na iyon ano. So, siya na iyong natalaga, siya na iyong uupo, wala nang botohan na mangyayari?
SEC. ROQUE: Opo, wala na po.
SOTTO: Iyong mga vacancies na iyon will be appointed by whom?
SEC. ROQUE: Also by the President po.
SOTTO: Also by the President, oo. Okay Secretary iyong pagiging ‘plantito’ mo dahil marami din ngayon sa panahon ng lockdown…
SEC. ROQUE: [Laughs] Opo. Alam ninyo naman po, dati na po akong nagtatanim-tanim ‘no. Kaya lang po dati strawberries lang ang aking tinatanim talaga pero noong nagkaroon nga po ng lockdown, aba’y naging napakamahal ng mga ornamental plants. So ang sabi ko doon sa aking mga partners sa kabundukan, “Naku itigil na natin ang mga gulay-gulay ‘no at magtanim na tayo ng mga monstera at deliciosa na nakikita ko sa internet eh binibenta nang 30,000 ‘no iyong mga malalaki ‘no. So nasa ornamental po kami ngayon at–
SOTTO: Ah, iyan ba iyong dahon na butas-butas, iyong monstera?
SEC. ROQUE: Opo, iyan po iyon.
SOTTO: Oo, ang ganda noon. Pahingi, pahingi…
SEC. ROQUE: [Laughs] Nakatanim po ngayon.
CLAVIO: Nagbebenta nga siya eh [laughs].
SOTTO: Ang mahal noon…
SEC. ROQUE: At nagtatanim din po tayo ng poinsettia para sa Pasko at saka chrysanthemum para sa Undas. Kaya nga po mamaya sasabihin ko sa press briefing, kung gusto ninyong magkaroon ng Undas ngayong taon na ito, kinakailangan mag-mask, maghugas ng kamay, mag-social distancing at mag-face shield dahil naku nagbanta po na baka hindi tayo magkaroon ng Undas ngayon dahil paano tayo mag-uundas kung napakataas pa rin ng COVID-19 ‘no.
SOTTO: Hindi po ba sapat ang sinasahod ninyo sa pamahalaan kaya kailangan ninyo pang magbenta ng mga halaman, Secretary?
SEC. ROQUE: Ay, kinakailangan ko pong magtanim para manatili iyong aking pag-iisip [laughs]
SOTTO: Correct, for our own sanity. Nakaka-relate iyong maraming na-convert na rin sa gardening.
SEC. ROQUE: Opo. Iba pa rin iyong hawak mo iyong lupa ‘no at nagtatanim ka at nagdidilig. Napaka-therapeutic po, nawawala lahat ng problema sa daigdig, oo.
CLAVIO: Okay. GCQ for one month, may mga pagbabago ba Secretary? Sabi—ano ba, mahigpit o maluwag? Ano bang dapat na reaksiyon ng publiko diyan?
SEC. ROQUE: Ay salamat po dahil nagpulong din po ang IATF at saka mga mayor ng Metro Manila ‘no. So may mga ilang pagbabago, nagkaroon po ng kaunting pagluwag; dati po kasi ang request ng mga Metro Manila mayors ay hanggang sampu lamang ang religious gatherings, ngayon pumayag na sila na hanggang 10%. At iyong kontrobersiyal na mga gym, mga internet cafes, mga review centers, ang pagbubukas po niyan at iyong mga health standards ay ipinauubaya na po sa mga mayor ‘no, kumbaga kinakailangan nila ng mayor’s permit bago sila magbukas muli. Bagama’t doon sa ibang areas na GCQ na hindi naman sakop ng Metro Manila ay pupuwede na po silang magbukas.
CLAVIO: Puwede na. Ilang porsiyento?
SEC. ROQUE: Sa Metro Manila, bahala na po iyong mga mayors, mga local government units na mag prescribe, iyan po ang napagkasunduan dahil gusto ng mga mayor na mas mayroong kontrol dito sa mga kontrobersiyal na mga internet cafes at saka mga gym.
CLAVIO: Oo. So kung 100% workforce okay lang, hindi naman ano iyon?
SEC. ROQUE: Hindi naman po pero iyong operation nila bahala na nga po mga LGU magdi-decide ‘no. Pero sa ibang lugar po, singkuwenta porsiyento ay pupuwede na po.
SOTTO: Secretary, papaano nga daw po iyong religious services sa mga simbahan?
SEC. ROQUE: 10% on capacity. Oo, ngayon na lang po iyan kasi iyong last two weeks hanggang sampung katao lang.
CLAVIO: 10%, okay.
SOTTO: Okay Secretary maraming, maraming salamat po sa pagkakataon na binigay ninyo sa amin as always.
CLAVIO: Teka, may press briefing ka ba mamaya?
SEC. ROQUE: Mayroon po. Magagalit na naman iyong mga taga-Malacañang Press Corps at nagsalita na ako sa inyo [laughs]. Nakalimutan ko lang po na may press briefing ngayon kaya noong tumawag kayo tanggap na agad. Pero anyway, marami pa naman po akong ibabalita. Hitik na hitik po sa balita ngayon ang ating press briefing.
CLAVIO: Okay, abangan natin iyan. Salamat po.
SEC. ROQUE: Okay, salamat po.
SOTTO: Secretary, keep safe. God bless. Bye.
CLAVIO: Okay, Secretary Harry Roque.
###
—
SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)