CLAVIO: Secretary, good morning – Igan at Connie.
SISON: Good morning.
SEC. ROQUE: Good morning, Igan at Connie. At good morning, Pilipinas.
CLAVIO: GCQ! Ayan, ipaliwanag na po natin ano ang adjustment, pagbabago ng mga taga-Metro Manila diyan?
SEC. ROQUE: Well, ang pinakamalaking pagbabago po diyan ay mayroon na pong kakaunting pampublikong transportasyon ang papayagan; under ECQ at MECQ, wala talagang public transportation. Ang mga empleyado kinakailangan mabigyan ng shuttle.
Pero ngayon po, ang pahayag po ng ating DOTr, mula sa sampu hanggang singkuwenta porsiyento ay magkakaroon na po tayo ng public transportation. Bagama’t nilinaw na kagabi ni Secretary Tugade hanggang 500 lang iyong bus na idi-deploy muna natin sa EDSA. At ang capacity po ng LRT, MRT mga hanggang 20 porsiyento pa lamang.
Pero ganunpaman, lahat po ng mga TNVS, mga taxi, balik na po sila at siyempre po mas marami na pong mga industriya na bubuksan, in fact, kakaunti na lang ang sarado. Ang sarado ay iyong mga related sa amusement, related sa leisure, related doon sa entertainment, mga concerts, iyong maraming mga pagtitipun-tipon – iyon na lang po ang hindi natin bubuksan.
Ibig sabihin halos 90% na po ng ating ekonomiya ay bukas dahil kinakailangan na po nating i-restart ang ating ekonomiya at magkaroon na ng hanapbuhay ang mas maraming mga kababayan natin.
CLAVIO: Opo. Basic pong mga tanong na natatanggap namin, under sa GCQ, iyong mga na-stranded po, kunyari stranded sa Maynila nakatira sa Navotas ganiyan, puwede na po ba silang lumipat o umuwi na gamit ang mga travel pass ba o quarantine pass kailangan pa, Secretary?
SEC. ROQUE: Well, kinakailangan bitbitin pa rin iyan. Pero iyong mga sinasabi mo na paglipat sa Navotas from Manila ay pupuwede nang gawin po iyan dahil unang-una mayroon ng transportasyon. Ang hindi lang po papayagan na biyahe iyong para sa leisure o iyong pleasure, pero iyong mga uuwi puwede na pong makauwi ngayon dahil wala na halos po tayong ECQ areas naman.
Pero, Igan, lilinawin ko ano: Ang mga lokal na opisyales po ngayon, ang mga mayor, mayroon pong kapangyarihan na mag-impose pa rin ng ECQ sa ilang mga barangay o di naman kaya ay zona ng barangay kung saan mataas pa rin ang kaso ng COVID. So magkakaroon tayo ng pockets of ECQ na ang tawag nila diyan ay lockdown, pero I would prefer to use the correct term ECQ. So may ganoon pa rin po tayo pero mga pockets na lang.
CLAVIO: Opo, pero sa mga checkpoint, hindi na sila sisitahin na?
SEC. ROQUE: Mayroon pa ring checkpoints. Pero siguro kung sasabihin ninyo na uuwi na kayo ano, hindi naman po iyan prohibited travel. Basta iyong mga gala-gala lamang, for pleasure, iyan po ang pinagbabawalan pa rin. Dahil ang general rule, habang walang bakuna po, mga kababayan, kinakailangang manatili sa bahay kung hindi naman kinakailangan.
So kung kayo ay dapat magtrabaho, doon lang po ang punta, tapos uwi. At doon naman sa mga employers, bagama’t bukas na po ang mga industriya ay hinihikayat pa rin kayo na 50-50 sana – 50% sa worksite, 50% sa work at home. At ganyan din po ang mangyayari sa gobyerno. Bagama’t balik na po ang lahat ng ahensiya ng gobyerno ay mayroon pong Civil Service Resolution na nagsasabi na 50-50 pa rin ang work arrangement in situs at saka at home.
SISON: Secretary, malaking usapin pa rin po siyempre iyong transportasyon. Linawin po natin ano: Anu-anong mga modes of transportation po ang papayagan sa GCQ at magiging sapat po kaya ito?
SEC. ROQUE: Lahat na po, pero unti-unti nga po ang pagbubukas. Iyong bus nabanggit na po ni Secretary Tugade, hanggang 500 lang ang sa EDSA; iyong MRT hanggang 20% lamang dahil nga po pinag-aaralan pa rin natin kung paano magkakaroon ng social distancing talaga. Alam natin ang guidelines ng transportasyon na dapat isang metro ang deperensiya pero hindi po natin alam kung mabibigyan na talaga ng implementasyon iyan, kaya po gradual pa rin.
At kaya nga po lahat ng mga employers at mga government offices, siguraduhin po ninyo na 50% work at home pa rin dahil talagang hindi pa rin po sapat ang magiging public transportation natin.
SISON: I see. Nagsumite na raw po ang isang research team mula po sa UP Diliman ng rekomendasyon na huwag munang luwagan itong quarantine sa Metro Manila dahil hindi pa raw po masasabing na-flatten na iyong curve. May agam-agam din po iyong ilang mga ordinaryong Pilipinong nakausap namin kanina. Bakit daw kung kailan dumarami ang nai-report na bagong kaso ay saka pa daw nagpasyang magluwag, sir?
SEC. ROQUE: Well, alam kasi ninyo, binabalanse rin natin ito doon sa karapatan ng ating mga mamayan na magkaroon ng kabuhayan. Saka ang katotohanan, hindi naman pupuwede mabigyan ng ayuda ng gobyerno ang halos lahat nang hindi nakakapagtrabaho ano ng lalo pang mas mahabang panahon. So, iyon po ang binabalanse natin.
Ang importante, tataas at tataas ang kaso pero ang report po ng DOH ngayon, 60% capacity pa lang po tayo sa ating critical care. Ibig sabihin, ina-anticipate nating mas maraming magkakasakit pero mayroon naman po tayong kakayahan na bigyan sila ng attention.
Kung hindi po magbabago, ang karamihan po ng COVID ay magiging mild or asymptomatic; mahigit kumulang mga 5 porsiyento ang nangangailangan ng pagho-hospital at kaya nga po hinanda na rin natin iyong ating We Heal as One Centers dahil importante na iyong mga positibo na hindi kinakailangang mag-ospital eh magkaroon pa rin ng isolation units.
So uulitin ko po ang ating istratihiya pa rin ay locate, tapos isolate and then cure.
SISON: Sir, kapag halimbawa—kailan natin masasabi na magtutuluy-tuloy na itong GCQ? Pupuwede pa rin ba, halimbawa, kapag talagang tumaas pa rin iyong mga kaso ay bumalik pa rin tayo agad dito po sa ECQ o mas mahigpit po na pagpapatupad? May mga ganoon din ba kayong napag-uusapan, sir?
SEC. ROQUE: Mayroon po kasi nga po flexible itong ating classification depende nga sa datos ‘no kapag talagang ang doubling rate ay bumaba – ngayon po humigit-kumulang nasa 30 araw na ang doubling rate ng COVID. Pero kapag bumalik po iyan sa dati na two days or seven days, tanging quarantine pa rin ang solusyon para mapabagal po ang sakit.
Kaya nga po paulit-ulit na sinasabi natin: Kooperasyon ng mga taumbayan, social distancing, wearing of mask, disinfection at manatiling malusog.
CLAVIO: Balikan ko lang iyong inter-city travel, Secretary. So wala na silang pangangailangan na ipakita sa checkpoint kung saan sila pupunta? Kasi iyong magtatrabaho, okay iyon. Pero kunwari iyong mga nagkahiwa-hiwalay na pamilya, ano po?
SEC. ROQUE: Well, within Metro Manila saka iyong mga karatig na lungsod, lahat naman tayo GCQ ‘no so kailangan lang ipakita na ang pagbibiyahe mo ay hindi leisure. So iyan ang sisiguraduhin ng mga checkpoints ngayon na hindi lang gala. So, sa tingin ko naman maintindihan—kasi sa pagbabalik na sa bahay mo marami kang mga dalang mga gamit ‘no, at puwede mo namang ipakita iyan at sa wakas po babalik na kami sa tahanan namin dahil pupuwede na. So tingin ko naman, makikita at makikita naman ng checkpoint iyan na wala pong problema.
CLAVIO: Ilan ang papayagan sa sasakyan?
SEC. ROQUE: Dalawa sa pampublikong mga taxi.
SISON: Follow up din ha, kasi ito ay matagal nang kumbaga tanong ng mga na-stranded nga sa ilang mga probinsiya papasok naman dito sa Metro Manila: May kasama silang mga bata eh, paano daw iyon? Hindi sila makabalik dahil kasama nila iyong mga anak nila at may ibang patakaran iyong LGU na kanila hong babalikan na kung saan sila nakatira. Papaano ba iyon, ang tagal na daw nilang nakatengga doon sa probinsiya?
SEC. ROQUE: Well, ang mga bata naman po ganundin, bawal lumabas. Pero kung ikaw naman ay uuwi, siguro naman—iyon nga eh, ilagay ninyo sa konteksto, ipakita ninyo iyong mga gamit ninyo. Siyempre, alangan namang iwan mo iyong mga anak mo ‘no eh kinakailangan nga bumalik kayo sa inyong mga tahanan bilang isang pamilya. So tingin ko po madaling mabigyan ng ekplanasyon na iyan.
Ang importante po bagama’t hindi natin itinigil ang mga checkpoints ay maintindihan ninyo naman po kung bakit magiging lenient pa rin iyang mga checkpoints na iyan dahil ang inawasan lang natin iyong walang dahilan na pag-ikot.
CLAVIO: Okay. So bawal pa rin 21 years old pababa, 60 years old pataas kung gagala lang, bawal pa rin?
SEC. ROQUE: Bawal pa rin po ang gala. Ang mga seniors ay pupuwedeng lumabas for necessities at saka para magtrabaho.
SISON: Sir, tuloy pa rin daw iyong SAP, pamimigay ng second tranche?
SEC. ROQUE: Tuloy po iyan hanggang maubos iyong P100 million bagama’t hindi pa po sila nagsisimula. Ang ginagawa po kasi nila naghahanda ng electronic transfers, iyong paperless at saka faceless transfer. Sa tingin ko po, bahagyang naantala. Kapag naman iyan ay ipinatupad na ay siguro napakabilis po niyan kasi electronic na lahat. At iyong hindi maibibigay through electronics, ibibigay po sa pamamagitan ng tulong ng ating Hukbong Sandatahan.
CLAVIO: Okay. Baka may nakalimutan ka pang sabihin sa amin, Secretary?
SEC. ROQUE: Puwede ka nang mag-golf, Igan, at wala ka nang problema ngayon.
CLAVIO: Inaabangan ko talaga.
SEC. ROQUE: Pero bawal pa rin ang kumuha ng magandang caddie … na magiging tukso sa mata ni Igan. [laughs]
CLAVIO: Teka, iyong mga salon ba, mga barber shop?
SISON: Bawal pa rin?
SEC. ROQUE: Well, alam po ninyo, napakasalimuot niyang mga barber shops na iyan. Hindi pa rin po pupuwede bagama’t po ganito po nagkaroon po sila ng [signal cut] iyong mga malalaking barber kung paano nga mapag-iingatan iyong pagbukas ng mga barbero at na-impress naman po ang ating Chief Implementer na si General Galvez at saka si Secretary Lopez.
So sa tingin ko sa mga darating na araw eh magkakaroon po ng pagpupulong para nanaman sa mga barbero. Alam ninyo, siguro po mga 25 hours na ang nagugol ng IATF dito sa usaping barbero at sa totoo lang bumalentong na ang IATF diyan – pumayag, binawi. Alam naman po ninyo iyan, para ding iyong isyu ng religious gatherings.
Pero sa tingin ko, parang mayroon nang nabubuong consensus na baka payagan na, pero hindi pa po ngayon pinapayagan ha. Uulitin ko po: HINDI PA PO PINAPAPAYAGAN. Baka papayagan na pero baka magkaroon ng sistema ng accreditation. Iyong mga barbero lamang na mayroong pamamaraan para sa pag-iingat sa COVID ang pupuwedeng magbukas. Pero wala pa pong ganiyang desisyon, inaasahan lang natin sa lalong mabilis na panahon.
CLAVIO: Thank you. Good morning, Presidential Spokesperson and IATF Spokesperson, Atty. Harry Roque. Ingat po kayo.
SISON: Thank you, sir.
SEC. ROQUE: Ingat din doon sa inyong caddie. [laughs]
###
SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)