Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Deo Macalma (DZRH – Damdaming Bayan)



MACALMA: Secretary Roque, sir, magandang umaga po at Merry Christmas.

SEC. ROQUE: Merry Christmas, Deo; at magandang umaga, Pilipinas.

MACALMA: Unang-una po, Secretary, para sa mga magulang na nag-aabang, kumpirmahin natin: Kanselado na po ang pilot testing ng face to face classes sa January?

SEC. ROQUE: Tama po iyan, kinansela na po ni Presidente dahil nga dito sa bagong virus variant na kinakailangan mas marami pa tayong malaman ‘no bago natin, kumbaga, isapalaran iyong kalusugan ng ating mga kabataan. So wala muna po tayong pilot face to face, at talagang ang sabi ni Presidente ay antayin natin ang bakuna.

MACALMA: At sabi rin po ng Presidente, Secretary, sir, may mga sundalo na raw pong naturukan ng vaccine mula po sa China?

SEC. ROQUE: Opo, narinig ko rin iyan ‘no. At ang sabi nga po niya, prayoridad po niya talaga ang mga sundalo dahil sila po ang nagpapatupad po ng batas. So nagagalak naman po ako para doon sa mga sundalong naturukan na, at mukha naman pong walang mga side effects so ibig sabihin ay talagang nariyan na po ang bakuna. At ang tingin ko, ang mensahe ni Presidente ay huwag mawalan ng pag-asa dahil nandiyan na po ang bakuna at ito nga daw po ay Sinopharm – Tsino na bakuna.

MACALMA: Sinong unang tinurukan, sir, mga tauhan ba ng PSG?

SEC. ROQUE: Ay, hindi ko na po alam ang detalye ‘no kasi alam ninyo naman covered by medical confidentiality din iyan.

MACALMA: Pero, Secretary, sir, dumaan po ba ito sa FDA? Dahil ang sabi po ni Director General Eric Domingo ng FDA, dapat po lahat ng mga bakuna ay dumaan muna sa kanila.

SEC. ROQUE: Hindi ko na po alam iyan. Pero I suppose dahil wala pa pong naiisyu na EUA, baka hindi pa po dumaan iyan. Pero dahil mayroon naman nagpaturok, siguro naman po ay walang sapilitan iyan at alam naman po ng mga sundalo iyong pinasukan nila.

MACALMA: Secretary, sir, maging ang mga kalapit nating bansa ay napasok na rin po ng bagong variant ng COVID-19 – Singapore, Hong Kong at maging ang Sabah, Malaysia. So magpapatupad po ba tayo, Secretary, ng travel ban mula sa mga nabanggit na bansa?

SEC. ROQUE: Sa ngayon po, ang travel ban ay para sa UK lamang. At ang mga bagong bansa na napasok ng COVID-19, lahat ng manggagaling doon ay mayroon po tayong mandatory 14-day quarantine kahit ano pa ang naging resulta ng kanilang PCR test.

MACALMA: Pati ang Middle East, Saudi Arabia, Secretary, mukhang nag-lockdown na rin po, sir, dahil sa bagong variant ng COVID?

SEC. ROQUE: Opo. Alam ninyo po, tama po na nag-iingat tayo pero ang mensahe po natin: Huminahon din po tayo ‘no kasi ang mga virus, sang-ayon po sa dalubhasa, talaga naman pong nagmu-mutate iyan regularly. In fact, 29 mutations na pala ito ‘no; hindi natin alam, pero talagang palaging nagbabago ito. So hindi naman po dapat na mag-panic tayo ‘no. Talaga ang panlaban talaga natin dito sa coronavirus ay iyong sinasabi pa rin ng Presidente: Mask, Hugas, Iwas. At kung ipatutupad naman po natin iyan ay makakaiwas naman tayo.

Totoo po ang sinasabi nila, mas nakakahawa raw ito pero ito ang gagawin natin, mas ipatutupad natin ang mask, hugas at iwas.

MACALMA: Kung mayroong Sinovac na ginamit po sa ating mga sundalo, Secretary Harry Roque, eh papaano po iyong mga kababayan nating mga Tsinoy sa Chinatown na nagpapaturok na po ng vaccine mula po sa Sinovac? Ayos lang po ba ito, Secretary, sir?

SEC. ROQUE: Ay, hindi pa po ‘no dahil unang-una, ang pagkakaintindi ko po ay hindi po binenta sa mga sundalo itong tinurok sa kanila; samantala iyong sa Binondo ay binibenta. Kaya nga po pati iyong mga kumpanya sa Tsina na hindi nagbigay pa ng ganiyang bakuna ay naabala kasi pupuwedeng mapeke iyong kanilang mga bakuna.

So ang ating panawagan na konting tiis na lang po, darating din po sa ating iyan. Antayin na lang po natin.

MACALMA: Secretary, sir, saan po manggagaling iyong ating bakunang bibilhin natin; galing po ba ng China o India, Secretary?

SEC. ROQUE: Manggagaling po iyan sa lahat ng makakakuha tayo. Ang huling sinabi po ni Secretary Galvez ay pipirma na siya, kung hindi ngayon, bago matapos ang taon ay early January ‘no sa ilang mga manufacturers kasama na diyan ang Pfizer at ilan pang mga western vaccines.

Pero at the same time, alam ninyo naman iyong pagkakaibigan natin sa Tsina, kung hindi makakapagbigay nang mas maaga than July ang mga western companies, susubukan natin gamitin ang ating pagkakaibigan sa Tsina para makakuha nga nang mas maaga ‘no; at patuloy naman po ang pag-uusap diyan. Huwag po tayong mag-alala, ginagawa po ang lahat ng ating Presidente para makarating kaagad ang bakuna sa mas pinakamaraming kababayan natin.

MACALMA: Secretary, ang sabi ng Pangulo kapag daw hindi tayo bentahan ng Amerika ng bakuna ay baka maapektuhan ang Visiting Forces Agreement – baka suspendihin o kanselahin. Wala bang diplomatic repercussion ito, Secretary?

SEC. ROQUE: Well, ako naman po, naalala ninyo dahil ako ay tumayo na abogado ni Pemberton, binigyan ng pardon, ‘di ba ang sinabi ko sa inyo para mas malawakang pang-nasyonal na interes iyan ‘no. At tingin ko, itong mga hakbang na ginagawa ni Presidente ay pagsusulong ng kaniyang independiyenteng panlabas na relasyon na kinakailangan ang mga magkakaibigan ay nagtutulungan. Hindi naman pupuwedeng may kailangan sila sa atin tapos iyong kailangan nating bakuna ay hindi nila ibibigay. Eh doon sila mag-Visiting Forces Agreement sa mga bansang unang binentahan nila ng bakuna. ‘Di ba? Okay lang iyan.

MACALMA: Secretary, sir, last week ay may report: Ang Pangulong Duterte ay vineto po ang ilang probisyon dito sa proposed national budget. Ano itong mga vineto ng Presidente, Secretary Roque?

SEC. ROQUE: Wala pa po sa akin ang papel, at aalamin ko po sa office ni Executive Secretary kung mayroon na nga pong veto message.

MACALMA: Secretary, sir, isa na lamang po. Iyon pong karumaldumal na nangyaring krimen sa Taguig, sir, iyong mister na nawalan ng trabaho – sinakal iyong misis at iyong dalawang anak. May apela po ang magulang nitong namatay na misis, wala daw pong pampalibing yata, Secretary. Ano ba ang magagawa nating tulong sa kanila?

SEC. ROQUE: Well, lumapit lang po sila sa DSWD at mayroon po talaga tayong tulong na binibigay na pinansiyal doon sa mga ganitong pagkakataon. Huwag po kayong mag-alala at mayroon talaga tayong nakalaan na pondo para sa mga ganiyang bagay.

MACALMA: Ano ang posibleng maging quarantine status sa January 2021, Secretary Roque?

SEC. ROQUE: Iaanunsiyo po mamayang gabi. Pag-uusapan po ngayong umaga ng IATF para magkaroon ng rekumendasyon kay Presidente, at mamayang gabi ay iaanunsiyo po siguro iyan ng ating Presidente.

MACALMA: Secretary, sir, maraming salamat at Happy New Year.

SEC. ROQUE: Happy New Year, Deo. At Happy New Year, Pilipinas!

 

###

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)