TULFO: Good morning, Secretary Harry, sir.
SEC. ROQUE: Magandang umaga, Pareng Erwin. Magandang umaga, Pilipinas.
TULFO: At salamat po sa Diyos, negative na po ang inyong COVID testing. Salamat at pinakinggan ng Panginoong Diyos.
Una po sa lahat unahin ko na po muna itong, aba’y, mukhang may mga kakampi po tayo dito sa problema natin sa West Philippines Sea particular sa Julian Felipe dahil nagsalita na po sa US, Australia at Japan at ang pinaka-latest, Canada, kinukondena po ang itong pagpasok ng dalawandaang barko ng China diyan po sa Julian Felipe. Ano po ang reaksiyon ninyo dito, Secretary?
SEC. ROQUE: Well, sinabi ko na po na talaga naman pong naparating ng Presidente sa ating kaibigan na Tsina na tayo ay nababahala. Pero umaasa po tayo dahil sa mainit na pagkakaibigan eh mapag-uusapan naman po ito, at inaasahan natin na hindi naman po magtatagal iyong mga barkong ito.
TULFO: Isa pa ho, sir, kambiyo tayo dito naman tayo tungkol po dito sa COVID. Ayon po sa OCTA Research kapag hindi raw po bumaba itong bilang, kapag patuloy pa rin daw po ang pagtaas after April 4, ang OCTA Research po ay irerekomenda nila sa IATF kung maaari ay ilagay daw po itong Metro Manila at karatig na lugar, iyong CALABARZON, into soft MECQ. Ano po ang masasabi ninyo rito, sir?
SEC. ROQUE: Alam po ninyo, we appreciate lahat-lahat po iyang mga recommendations na iyan, pero mayroon po talaga tayong mga formula. Tinitingnan po natin [unclear] as basis for escalation, iyong ating critical care capacity at saka iyong two-week average attack rate at saka iyong daily attack rate. Pero kagaya po ng sinabi ni Secretary Chua, hindi lang po iyong virus ang tinitingnan natin. Ang tinitingnan natin iyong totality of health ng lahat ng mga Pilipino at tinitimbang po natin ito doon sa mga numero ng nagugutom kapag isinarado natin ang ekonomiya. Sa ngayon po, mas maraming nagugutom na po, mas maraming namamatay kapag isinasara po natin ang ekonomiya, kaya naman po binabalanse nating mabuti ito. At iyon lang po iyong aking pakiusap sa iba, napakahirap po itong pagbabalanseng ito; pupuwede po silang magbigay ng rekomendasyon pero i-recognize din po nila na mas malawakan po talaga ang pananaw ng IATF dahil ito po ay whole of government approach.
TULFO: May mga bagong resolusyon po ba na ipapatupad ang Inter-Agency mamaya, Secretary?
SEC. ROQUE: Mayroon po at around 11:00 o’clock, dito po sa PTV 4 ay iaanunsiyo po natin.
TULFO: Ay, okay. Ilan po ba iyan? Ilan pong mga resolusyon iyan, Secretary?
SEC. ROQUE: Tatlo o apat po iyong importante na ipa-publicize natin at 11:00 o’clock.
TULFO: Sige po aabangan po natin, sa Laging Handa siguro, Secretary, ano po?
SEC. ROQUE: Sa Laging Handa, oo.
TULFO: Panghuli na lamang: Ang Senado po ay nag-file ng dalawang resolusyon, si Senator Recto at si Senator Imee Marcos, na payagan na ang mga private sector, corporations na makapag-angkat ng bakuna kontra COVID na without passing na po sa Inter-Agency or sa tripartite kasi medyo matagal daw po yata kapag idadaan pa po sa tripartite, Secretary?
SEC. ROQUE: Mahihirapan po iyong ganoon dahil, unang-una, ang mga manufacturers ay hindi papayag kasi hindi pa po sila commercial na production; sila po ay experimental dahil Emergency Use Authorization. At ang nais ng mga manufacturers, gobyerno ang sasagot kapag mayroong mga side effect. So kinakailangan po sa ngayon, eh kinakailangan kabahagi pa rin ang gobyerno sa ganiyang mga kasunduan. Pero kung papayag po ang mga manufacturers, bakit naman po tututol ang gobyerno. Ang problema nga po hindi pumapayag ang mga manufacturers.
TULFO: Sabi na rin po nila, kagaya po ni Congressman Rufus Rodriguez, kahapon, mayroon na raw, nakikipag-deal na raw po ang mga manufacturers ng mga vaccines na ito sa mga private corporations sa ibang bansa. Secretary, I don’t know how true is this?
SEC. ROQUE: Well, wala pa po kaming alam na hindi dumadaan pa sa gobyerno. Ito po ay sa buong mundo kasi po wala pa silang commercial license. Ang pupuwede lang po na hindi dumadaan sa gobyerno ay kapag mayroon ng commercial license iyong mga bakuna.
TULFO: Pero you are saying na kapag pumayag na po itong mga corporation makipag-deal, diretso sa kumpanya, hindi naman tututol ang gobyerno po?
SEC. ROQUE: Hindi po. Kung talagang papayag na makipag-deal sa kanila ang mga manufacturers, sige lang po. Pero ang isyu po: Sino ang mananagot kapag nagkaroon po ng side effect?
TULFO: Ayun, all right, malinaw. Secretary Harry Roque, Presidential Spokesperson/IATF Spokesperson, sir, maraming salamat. Please, sir, stay safe and healthy. We are still praying for you.
SEC. ROQUE: Maraming salamat po. At maraming salamat po sa inyong mga panalangin at sa inyong suporta. Magandang araw po.
##
—
News and Information Bureau-Data Processing Center