TULFO: Magandang umaga po, Secretary Roque, sir.
SEC. ROQUE: Magandang umaga Pareng Erwin. Magandang umaga Pilipinas.
TULFO: Sir, naiparating na po ba officially kay PhilHealth President Morales na pinagbibitiw na siya ng Pangulo kahapon?
SEC. ROQUE: Hindi ko kasi mabibigyan ng kumpirmasyon na may ganiyang utos ang ating Presidente. May mga bagay-bagay kasi na kung totoong nasabi ng Presidente ay para sa Gabinete lang at kay Presidente ‘no. So ang resignation naman po ay voluntary, so hintayin po natin kung magri-resign po ang presidente ng PhilHealth na si General Morales.
TULFO: Eh ano hong balita ninyo diyan, si Morales na ba ay pinagri-resign kasi ang Senado maging ang PACC ay – pati ang DOJ ho yata, si Secretary Guevarra – pinagri-resign din yata iyong iba or si Morales lang dahil sa kaniyang kalusugan na rin, ayon kay Secretary Guevarra?
SEC. ROQUE: Hayaan na po nating magdesisyon si General Morales. Personal decision po niya iyan at siya naman iyong may katawan, siya iyong makakaalam kung talagang magiging hadlang iyong kaniyang sakit o hindi, sa kaniyang katungkulan.
TULFO: All right. Sir, moving on, another issue pero PhilHealth pa rin. Ang Senate Blue Ribbon Committee ay inirekomenda ang pagsasampa ng kaso kina dating Budget Secretary Butch Abad at dating Health Secretary Garin dahil sa pagwawaldas umano ng sampung bilyong pisong pondo ng PhilHealth na para sana ay sa senior citizen, Secretary?
SEC. ROQUE: Lilinawin ko lang po ‘no, pina-verify ko po sa Senado kung mayroong ganiyang Blue Ribbon report. Eh lumalabas po, wala pa pong Blue Ribbon report na lumalabas na ganiyan. Ang mayroong lumabas ay executive summary. Pero ang balita ko po, wala pa pong ibang senador na nakapirma roon, so, parang napakahirap pong magkomento kung hindi naman po opisyal na report iyan ng isang komite ng Senado.
TULFO: All right. Sir, PhilHealth pa rin. Napanood ninyo na ba iyong video na ipinalabas kahapon sa Senado na may babaeng sumasayaw-sayaw, parang birthday gift yata sa isang regional president ng PhilHealth? Ano ho ang reaksiyon dito ng Palasyo, Secretary?
SEC. ROQUE: Alam ninyo po, ang Palasyo naman po ay mayroon na pong task force na binuo at we will be guided by the findings of the task force. At mayroon naman pong investigation conducted by the Senate as a whole. Iyong mga ebidensiyang nakalap po doon ay tinitingnan din po ng Palasyo. So pinauubaya na po muna for the time being ng Palasyo sa task force na binuo mismo ng Presidente kung anong mga kaso na dapat isampa at kung sino ang dapat idemenda.
TULFO: All right. Panghuli na lamang, Secretary. Sa Jolo incident sir, irirekomenda daw ng Philippine Army, at sang-ayon naman ang PNP, na ilagay ang lalawigan ng Sulu sa martial law. Pero may mga kumontra ho dito, kasama na riyan si Governor Abdusakur Tan ng Sulu, sir?
SEC. ROQUE: Hihintayin po natin ang recommendation ng AFP at ng PNP. At kahit saan naman tayo makarating ‘no – sa Kongreso, sa Supreme Court – talaga naman pong rekomendasyon ng men on the ground ang sinusunod po ng ating Presidente at lahat ng ating institutions.
TULFO: Secretary Harry Roque, Presidential Spokesperson, maraming, maraming salamat, sir. Magandang umaga. Stay healthy, Sec.
SEC. ROQUE: Magandang umaga po. Maraming salamat po.
##
Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)