Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Henry Omaga-Diaz and Tony Velasquez (DZMM Teleradyo – On the Spot)



DIAZ: [RECORDING CUT]… ekonomiya ‘no. Eh ang sabi ng iba, baka raw lumala pa iyong tag-gutom na ito ng iba nating mga kababayan dahil nabawasan iyong subsidy mula sa pamahalaan.

VELASQUEZ: Pero ang sabi din ni Secretary Harry, Pareng Henry, the worst is over. Tama po ba, Secretary Harry?

SEC. ROQUE: Opo. I think naman po, dahil we are coming from complete closure of the economy to partial opening at mas marami pang industriyang binubukas, ibig sabihin ay mas marami nang makakapagtrabaho ‘no.

Pero uulitin ko lang po, hindi naman po tuluyang nawala ang ayuda dahil nang istratehiya po natin ngayon ay localized at granular lockdown, iyong mga sakop po ng localized at granular lockdown ay mabibigyan pa po ng ayuda, nasa 13 billion po iyan sa Bayanihan II ‘no. Pero iyon nga po, ang garantiya talaga na mapapababa natin ang bilang ng nagugutom ay buksan ang ekonomiya nang mas marami pong makapaghanapbuhay dahil ang ayuda naman po, alam natin, temporary lang iyan ‘no. Mas mabuting bigyan natin ng permanenteng hanapbuhay muli ang ating mga kababayan, mga hanapbuhay ay nawala dahil nga po nagsarado ang ekonomiya.

Kaya nga po nananawagan kami sa lahat ‘no, mas importante po doon sa mga manggagawa: Alam ko pong nakakatakot ang COVID pero napakita na po natin dahil halos pitong buwan na iyan na naririyan sa atin na kapag nagma-mask, hugas at iwas ay pupuwede naman pong magtrabaho. At saka siyempre po, sa lahat ng sektor ng lipunan, iyong mga well-meaning po na talagang sinasabi na dapat magsarado ang ekonomiya, kailangang isipin din po natin… marami na pong nagugutom dahil nga sarado ang ekonomiya. At dumating na tayo sa punto na hindi naman tayo pupuwedeng magbigay na magbigay ng ayuda dahil limitado rin iyon naging koleksyon natin by way of taxes at saka Customs’ duties ‘no.

So bagama’t tayo po ay nangungutang, ang gusto naman ng Department of Finance ay huwag ubusin ngayon dahil iyong mga napangutang natin, hindi natin alam kung gaano katagal itong pandemyang ito kaya hinay-hinay din tayo nang paglabas ng mga pera na nautang na natin.

So iyon po, panawagan sa lahat po, napakakumplikado po ng ating problema ngayon. Napakadaling sabihin na bigyan ng number one konsiderasyon ang kalusugan, pero tama naman po iyon, ang sinasabi naman natin ay pupuwede naman pong maghanapbuhay habang pinangangalagaan ang buhay.

VELASQUEZ: Iyon nga po, nabanggit ninyo, Secretary Harry, iyong mga granular lockdown na kasalukuyan pa ring ipinatutupad. Pero alam naman natin na inaantabayanan na rin ng mga kapamilya natin dito mismo sa Metro Manila, sa National Capital Region, kung iyon bang kasalukuyang GCQ ay magiging MGCQ na sa loob ng linggong ito. Ano po ba ang naririnig po ninyo sa usap-usapin ng IATF?

SEC. ROQUE: Well, mamaya pa po kami mag-uusap. Sa data po ng IATF, lumabas na may mga ilang siyudad sa Metro Manila na pupuwede na sanang mag-MGCQ kaya lang napakahirap naman pong mag-MGCQ sa ilang siyudad lamang dahil alam naman natin na ang Metro Manila ay iisang geographic unit. So kinakailangan, at bumoto rin po ang mga mayor na kinakailangan isa lang ang classification ng buong Metro Manila at hindi hiwa-hiwalay.

At dito nga po napapakita kung gaano kakumplikado ang problema. Kung titingnan po natin ang health indicators, talagang dapat siguro ay manatiling sarado ang singkuwenta porsiyento po ng ating ekonomiya; kasi alam mo kapag GCQ, halos singkuwenta porsiyento lang ang bukas ‘no. Ang GCQ nga ay 75% lang ang bukas ‘no dahil hindi pa lahat nagbukas.

So habang ang Department of Trade and Industry ay nagsasabing dapat gawin ang MGCQ dahil kinakailangan na talagang pakainin ang ating mga mamamayan ay siyempre nandoon pa rin ang kunsiderasyon na kinakailangan na mag-ingat sa pagkalat ng sakit.

So mahirap ang desisyon na iyan, ang alam ko po isasapinal ang rekumendasyon ngayong araw sa IATF at baka mamamayang gabi po ay magkaroon ng desisyon ang ating Presidente.

DIAZ: Okay. Nabanggit ninyo po ang Presidente, marami rin ang… well, naghahanap. Siguro nami-miss na ang Presidente. Nasaan na ba ang Presidente bakit once a week na lang namin siya nakikita?

SEC. ROQUE: Hindi naman po once a week. Nakita ninyo siya doon sa General Assembly, tapos bukod pa po diyan… average po mayroon siyang mga appearance na twice a week. Pero tinitingnan ko po ang kalendaryo niya baka mas maraming beses nating makita ang Presidente dahil marami po siyang mga appointment ngayon sa Malago Clubhouse.

So nag-isang linggo lang po siya sa Davao, umuwi po siya kagabi at dito po siya magmemensahe sa taumbayan.

VELASQUEZ: Eh doon po ba sa Davao ay may balita rin kayo kung ano ang mga napag-usapan? Dahil balita namin ni Pareng Henry, may mga dumalaw daw na mga mambabatas, mga opisyal ng Kamara para makipagkita yata kay—kanino ba?

DIAZ: Kay Pangulo.

VELASQUEZ: Kay Pangulo po ba?

SEC. ROQUE: Hindi, kay—ang balita ko po kay Deputy Speaker Pulong sila nakipagkita.

DIAZ: Ah kay Pulong. May kinalaman po ba ito sa isyu ng Housed Speakership?

SEC. ROQUE: Siguro naman po, dahil malayu-layo rin ang Davao. Pero ang Presidente naman po ay nagsalita na diyan ‘no—

VELASQUEZ: Hindi, ang sabi ‘chillax’ dinner lang daw eh.

SEC. ROQUE: Oo. Nagsalita na ang Presidente, sana po masunod ang kasunduan. Pero kung walang numero si Congressman Lord Allan, wala siyang magagawa. Hinahayaan na po namin ang mga miyembro ng Kamara na magdesisyon sa bagay na ito.

DIAZ: So depende na rin ito. Iyong kasunduan noong una, hindi ba dapat October eh.

VELASQUEZ: Basta 15-21 – 15 months kay Speaker Alan tapos 21 months kay Lord Allan naman.

DIAZ: Oo. So, ang mangyayari, kung halimbawa ang Presidente ang tatanungin, bahala na mag-decide ang Kongreso kahit hindi na masunod iyong 15-21?

SEC. ROQUE: Well, lilinawin ko po: Ang sabi niya, sana matupad ‘no dahil pinasok naman talaga iyong kasunduan na iyan. Kaya nga lang po, ultimately ang mga miyembro ng Kamara ang magdedesisyon. Kasi kung wala naman daw numero si Congressman Lord Allan, eh wala siyang magagawa and I’m quoting the President literally kasi mahirap po iyong aking lagay dito ‘no – kahit anong sabihin ko, may magagalit ‘no.

Pero iyon lang talaga ang sinabi ng Presidente. And mamaya nga po ay hihimukin ko siya na siya na ang magsalita para ma-capture on camera at marinig ng lahat ng parehong protagonist ‘no for the Speakership. Kasi mahirap po ang lagay ko dito dahil pareho kong—well, si Congressman Lord Allan po ay nakasama ko rin sa Kongreso, at si Speaker Alan Cayetano naman ay matagal na rin ang samahan namin, mga panahon po ng impeachment ay magkasama na kami niyan. So ipit din po ako diyan eh, so kaya po ako I’m being very literal; kung ano ang sinabi ni Presidente, walang dagdag, walang bawas sa mga sinasabi ng Presidente.

VELASQUEZ: Iyon. Kasi nga po, siyempre ang ginawa nilang description diyan sa kanilang kasunduan ay “gentleman’s agreement.” Eh kapag gentleman ka, kailangan ay you are a man of your word. Kumbaga ay susundin mo kung ano iyong una ninyong napagkasunduan. Hindi ho kaya parang hindi na ho nararapat na tawaging “gentleman’s agreement” ito?

SEC. ROQUE: Hindi ko po alam iyan ‘no. Pero ang malinaw po diyan, iyong gentleman’s agreement, sa panig lamang ng dalawa ‘no. Pero siyempre, hindi mo naman masasakop at hindi mo naman pupuwedeng sabihin na kabahagi ng gentleman’s agreement iyong 300 plus members ng Kongreso na siya talagang naghahalal at nagdidesisyon kung sino ang kanilang magiging lider.

DIAZ: Ika nga, ayaw magpakuha ni Speaker Cayetano kay Lord. [Laughter]

VELASQUEZ: Mahirap na kung kukunin mo, maaga pa.

SEC. ROQUE: Bayaan na po natin sila diyan, at alam mo naman iyang mga kongresistang iyan ay may sarili silang mga dynamics.

VELASQUEZ: Mayroon nga pala pong medyo sabihin natin naging palaisipan, Secretary Harry, dahil noong humarap si Pangulong Duterte doon sa United Nations General Assembly, marami rin siguro ang nagulat, maraming mga natuwa at mayroon iyong iba parang nagtaka kung bakit bigla niyang in-invoke iyong arbitral ruling na pumapabor sa Pilipinas kontra sa mga ginagawa ng China sa West Philippine Sea. May alam po ba kayo, Secretary Harry, paano ho ba naisipan ni Pangulong Duterte na iyon mismo ang gawin niyang… sabihin nating punto ng kaniyang speech sa UN General Assembly?

SEC. ROQUE: Well, lilinawin ko lang: Hindi naman bago iyong posisyon ni Presidente. Iyan talaga ang kaniyang posisyon, hindi po nagbabago ang Presidente. Noong eleksiyon pa lang ay sinabi niya na isang inch ng ating teritoryo ay hindi niya ipamimigay. At sinabi na niya, ano pa ang gagawin mo diyan eh panalo na tayo diyan. Kaya lang wala lang pulis ang international law para ipatupad ang mga desisyon na iyan ‘no.

So ang nangyari po, kauna-unahang pagkakataon na nagsalita si Presidente Duterte sa General Assembly, pero pareho po ang mensahe niya, kumbaga ngayon lang narinig talaga ng international community sa UN kung ano ang paninindigan ng Presidente.

So wala pong pagkakaiba; consistent po ang ating Presidente, patuloy ang foreign policy natin, independent foreign policy; at dati na niyang sinasabi iyan, habang hindi natin mariresolba itong territorial dispute sa China sa ngayon ay isusulong natin ang mga bagay-bagay na pupuwedeng maisulong gaya ng kalakalan at ng pamumuhunan.

VELASQUEZ: So wala munang, sabihin nating magiging pagbabago sa pakikipag-ugnayan natin sa pakikipag-ugnayan natin sa Tsina. Kasi parang lumalabas, noong iyon ay in-invoke ni Pangulong Duterte ay parang mayroon na tayong balak gawin, mismo ‘no.

DIAZ: Oo, iyon ang hinahanap ng tao.

VELASQUEZ: Ano ang magiging aksyon.

DIAZ: Konkretong aksyon.

SEC. ROQUE: Well, Tony at Henry, sinasabi ko nga, palibhasa hindi pinapangalandakan ni Presidente eh di ibig sabihin na walang ganiyang paninindigan ang ating Presidente. Consistent po siya, hindi nagbabago. At hindi niya ipamimigay ang teritoryo, didepensahan ang teritoryo. Bakit natin babalewalain ang tribunal decision eh panalo tayo diyan. Pero tuloy pa rin natin ang pagkakaibigan sa ating kapitbahay na Tsina.

DIAZ: Pero may sinasabi po ngayon ang China, dahil—ang sinasabi nila, mayroon daw kasunduan, agreement ang Pilipinas at ang China sa paggamit at pag-utilize doon sa West Philippine Sea, ng mga resources doon. Totoo po ba iyon?

SEC. ROQUE: Iyan po iyong pinag-uusapan na Code of Conduct. At pagdating naman doon sa tinatawag nating Panatag or Scarborough, eh nakikita naman natin na kinikilala ng Tsina iyong desisyon na lahat ng mga mangingisda ay pupuwedeng mangisda diyan dahil nakapangingisda na ang mga Pilipino doon.

DIAZ: Naku, eh marami ho akong nababalitaan, Secretary, na pinapaalis lalung-lalo na sa Scarborough Fair—ah Scarborough Fair, kanta iyon eh, Scarborough Shoal.

SEC. ROQUE: Ikaw talaga, kanta naman iyon. Kakanta ka na, “Are you going to Scarborough Fair.” [laughs]

VELASQUEZ: Sabi na nga ba mauuwi sa kantahan ito eh.

OMAGA-DIAZ:   Eh tinataboy. Itinataboy ng mga Tsino iyong ang local fishermen.

SEC. ROQUE:   Henry, alam mo, ako ay naging abogado niyang mga mangingisdang iyan, dinala ko pa nga sa UN ang kasong iyan pero sa ngayon po ang balita ko nakakapangisda sila. Alam ko po iyan kasi paminsan-minsan nagpapadala sila ng isda sa akin kapag sila ay nakahuli sa Scarborough.

VELASQUEZ:   Sa ngayon ba, Secretary Harry, sa Palasyo talagang walang usapan na iyong pagpapaliban ng eleksiyon, dahil siyempre kamakailan ay iyong lumutang na suggestion ni 2nd District Pampanga Representative Mikey Arroyo ay talaga namang, siguro nakapagpainit ng usapin ng matutuloy nga ba ang eleksiyon?

OMAGA-DIAZ:   Parang ano ba ito?

SEC. ROQUE:   Wala po. Walang usapin na ganiyan dahil iyan po ay labag sa Saligang Batas, imposible po.

VELASQUEZ:   Matanong ko na ano, dahil kung matutuloy ang eleksiyon kayo ba, Secretary Harry, ibulong ninyo lang sa amin ni Pareng Henry, may plano ho ba kayo sa 2022?

SEC. ROQUE:   Alam ninyo ho dati nagplano ako eh ang nangyari naman nagkasakit ako, so, ngayon wala na po akong plano. Bahala na ang Panginoon kung anong mangyayari sa akin. Mahirap po na planado lahat tapos biglang may mangyayari sa iyo na hindi magkakaroon ng katuparan ‘no, so, ang akin ngayon eh naka-focus po ako dito sa aking trabaho. I want to do the best that I can, at bahala na po kung anong mangyayari sa susunod.

VELASQUEZ:   Ayun nga, Secretary… I mean, tanggapin na po natin, sa inyong pagiging Presidential Spokesperson sari-sari ring batikos ang inyong natatanggap whether kahit anong sabihin ninyo basta halimbawa may issue at mayroong dapat na pahayag sa Pangulo ng bansa eh kayo ang sumasagot madalas ano po. Pero sa inyong pagsagot, eh madalas po kayong nababatikos. Ano po ang pakiramdam ninyo bilang Presidential Spokesperson? Ang pakiramdam ninyo ba eh, ‘wala tayong magagawa trabaho iyan eh’.

SEC. ROQUE:   Well, alam ninyo po bago pa ako maging spokesperson, bago po ako maging congressman, ako po ay talagang naninindigan para sa malayang pamamahayag at saka malayang pananalita. So, I have to walk the talk ‘no. Eh, hindi naman lahat ng nababasa mo sa social media pinaniniwalaan ng taumbayan otherwise eh ‘di wala ng nakikinig sa akin ngayon pero sa katotohanan naman ay patuloy namang nakikinig ang ating mga taumbayan patunay na bagaman at mayroong maliliit na maingay na bayaran, na mga troll eh tingin ko ang taumbayan matalino naman po, alam nila ang katotohanan, alam nila ang hindi at gumagawa sila ng sariling pasya kahit anong ingay ang nababasa nila diyan sa social media.

VELASQUEZ:   Alam mo pala, Secretary Harry ano, iyong white… Anong tawag doon? White sand – dolomite!

OMAGA-DIAZ:   Dolomite. Dolomite beach.

VELASQUEZ:   Medyo nakalimutan ko na tuloy iyong pangalan – dolomite. Eh, kamakailan ay iniutos mismo ng DENR na ipasara iyong mismong dalawang mining forms na nagsu-supply nang dolomite pero siyempre, nagtataka iyong mga tao na matagal ng may permit itong mga ito eh bakit bigla na lang ipinasara kung kailan nga na uminit iyong issue dito sa dolomite?

SEC. ROQUE:   Well, unang-una ho, panandalian lang naman po iyan, hindi iyan permanent closure. Iyan po ay pagsasara habang iniimbestigahan kung mayroon ngang damage doon sa kalikasan, doon sa pag-aangkat ng dolomite na iyan. Pero ang sabi rin ni Secretary Cimatu, bagama’t panandaliang ipinasara iyan para tingnan kung nasira nga ang kalikasan eh hindi pa rin tapos iyong Manila Bay. May posibilidad pa rin na habang patuloy po iyong proyekto ay maglalagay pa ng dolomite.

Alam ninyo, ang usaping dolomite kasi sa Alcoy, Cebu eh mahirap pong ipagbawal iyan dahil talagang iyong buong munisipyo ng Alcoy ay nakadepende diyan sa industriyang iyan ‘no. Napakatagal na naman pong kumukuha ng dolomite diyan, ngayon lang po naging controversial dahil mainit talaga ang usaping pulitika dahil nga marami talaga ang hindi na makahintay ng 2022 ‘no.

Pero iyan po ang pahayag ni Secretary Cimatu, panandalian lang po iyan at without prejudice nga po sa pagdadagdag ng dolomite doon sa Manila Bay dahil sa ngayon po nandoon na iyong lahat ng kinakailangan ng DENR, pero dahil may mga ibang portion pa sila na dini-dredge at kinakailangang lagyan ng sand at papatungan ng dolomite, without prejudice sa dagdag pa po

VELASQUEZ:   Matanong ko lang, Secretary Harry, kailan ho ba kayo huling namasyal diyan sa may dalampasigan ng Manila Bay?

SEC. ROQUE:   Eh… dumadaan naman po ako diyan dahil malapit naman po ang Malacañang diyan. Kaya nga po sang-ayon ako diyan dahil talaga namang—lalo na sa panahon ng quarantine na karamihan ay hindi makakita ng beach ‘no eh talaga namang magiging attraction po iyan. Can you imagine ilan lang naman ang siyudad sa bung mundo na mayroong beach ‘no in their capital city ‘no – Rio de Janeiro, mga ganiyan ‘no, pero nga yon po Manila Bay is also one of them.

At kung titingnan ninyo ang plano talaga ni Dewey, iyong orihinal na arkitekto niyang Manila Bay at talaga namang dapat mayroon talagang lugar diyan at kung hindi ako nagkakamali ito po talaga iyong lugar na ginagawa nilang beach na talagang nakareserba na beach para sa taumbayan.

OMAGA-DIAZ:   Pero Secretary kaugnay nito—

SEC. ROQUE:   Si Dewey kasi din ang nag-design ng sa Chicago at doon sa Chicago naglagay din sila ng mga artificial beaches doon. So, kung makikita mo iyong shoreline ng Chicago dapat ganoon talaga iyong hitsura ng Manila Bay. Nakakalungkot nga lang na ngayon lang nangyayari iyan na dito sa Manila Bay na nilalagyan.

OMAGA-DIAZ:   Pero Secretary kasi halimbawa ito, maraming nagugutom sa panahon nitong pandemya sabi nga ng SWS. At ngayon eh lalong sasabihin ng tao sayang kasi iyong pera, sana ibinigay na lang sa amin pambili namin kahit na tuyo, pang-araw-araw—

VELASQUEZ:   Panghanapbuhay.

OMAGA-DIAZ:   Oo, kaysa sa… well, magandang nakikita para sa mga mata.

SEC. ROQUE:   Henry, hindi lang po iyan para sa mata ano, iyan po ay tinatawag na beach nourishment. Iyan po ay mayroong silbi talaga para maiwasan iyong further soil erosion, at nagko-contribute din po iyan sa flood control, so, iyong beautification is an incidental value.

Pero kailangan maintindihan natin ang budget process. Ang budget process hindi po iyan inisip nang panahon ng pandemya. Dahil 2020 budget po iyan, naipasa po iyan ng 2019, iyan po ay na-propose ng 2018 pa dahil ganoon po iyong ating proseso ng pagba-budget at dahil iyan po ay naka-budget at nasimulan naman, kinakailangang tapusin, kasi ang nasa budget eh iyong paglilinis ng Manila Bay hindi naman paggagawa talaga ng beach. So, dapat maintindihan po ng taumbayan na hindi naman po iyan pinlano ngayon lamang, two years po ang lead time sa mga proyekto ng gobyerno.

VELASQUEZ:   Iyon… Kasi kaya lang naman din naitanong ni Pareng Henry iyon dahil nga tinatawag ni Usec. Benny Antiporda ng DENR na ito ay beach nourishment pero ngayon nga dahil sa SWS survey, lumalabas nourishment ng mga ‘ka-beach’ ang kailangan, hindi iyong mismong dalampasigan ang kailangang i-nourish.

Pero anyway, Secretary Harry, iyon po bang nabalitaan ninyong reviewer daw na ginagamit at natuklasan ng DepEd eh may mga pangalan doon na medyo malisyoso na ginamit.

OMAGA-DIAZ:   Oo…

VELASQUEZ:   Hindi ko na babanggitin iyong mga pangalan at baka isama pa iyong pangalan ko doon pero medyo malisyoso daw eh.

SEC. ROQUE:   Kasama ba ang pangalan ko doon?

VELASQUEZ:   Hindi rin naman. Pero alam ninyo na…Ewan ko kung nabasa ninyo, ayaw ko ng banggitin at baka maulit pa eh. Pero medyo malisyoso daw iyong mga pangalan kung pinagsama mo. Kung medyo malikot ang isip mo may kulay, kulay berde. Pero ano po ba sa palagay ninyo, iyon ba ay indikasyon na kung minsan iyong mga ibinibigay na mga materyales na ginagamit ng DepEd ay hindi nga nasusuri nang mabuti.

SEC. ROQUE:   Naku… Please, correction lang po, hindi po ginagamit ng DepEd iyan. Iyan ay ginawa ng mga Katoliko pang mga eskuwelahan na aprubado pa ng diocese, so pakitanong po ang Arsobispo bakit nila in-approve iyan, pero hindi po iyan for use ng DepEd.

Masyado lang mabait itong si Secretary Briones. Ang sinasabi niya, that was used by private school. Ako po, hindi po ako ganoon ka-bait. Katolikong eskuwelahan po iyan, gagamitin sa buong archdiocese na pinapatakbo ng Katolikong Simbahan, siguro po ang dapat sumagot diyan iyong liderato ng Simbahang Katolika bakit sila nagbibigay ng module na ganiyang mayroong mga bastos.

VELASQUEZ:   Actually, Kakang Turing, Secretary, nakausap ko kagabi si Secretary Briones, ang sabi nga niya pinag-aaralan na nila, iniimbestigahan na nila ito at mayroong posibilidad kapag nakita nila na may sapat na kasalanan nga o paglabag sa kanilang responsibilidad ang sinuman kung bakit ito lumabas eh maaari pala na i-cancel iyong permit ng eskuwelahan.

VELASQUEZ:   So, may kinalaman din ang DepEd.

SEC. ROQUE:   Opo. At saka alam ninyo napakabait lang niyan si Secretary Briones, hindi niya sinasabi na Catholic school iyan at group of Catholic schools na archdiocese mismo ang nag-approve. Dapat nga po huwag ninyo akong tatanungin diyan, dapat tanungin ninyo iyong Arsobispo ng Simbahang Katolikang nag-approve niyan para sa kanilang eskuwelahan.

VELASQUEZ:   Eh, kung—

SEC. ROQUE:   Dapat nga siguro sila ang sumagot.

VELASQUEZ:   Hindi kung minsan kasi naiisip namin ni Pareng Henry tanungin ito dahil ang turing namin sa inyo eh Monsignor Harry Roque

SEC. ROQUE:   Hindi po, tanungin natin iyong totoong monsignor.

VELASQUEZ:   Parang naka-sutana lang ‘di ba?

SEC. ROQUE:   Oo… Paki tanong na lang po siguro sa kanilang mga Obispo bakit nila pinayagan iyan. Pero huwag pong ibabaling ang issue sa DepEd, huwag naman po. Kung si Secretary Leonor Briones po ay talagang diplomatic pa sa kaniyang lengguwahe, ako po para sa katotohanan lamang. Ang Simbahang Katoliko po ang may-ari ng eskuwelahan na gumamit niyan, paki tanong lang po sa liderato ng Simbahan Katolika kung bakit ganiyan.

VELASQUEZ:   Doon pa rin po sa usapin siyempre ng pasukan, Secretary Harry. Iyon po bang October 5 na itinakda na opening ng classes sa—

OMAGA-DIAZ:   Wala ng tawad iyon?

VELASQUEZ:   Wala na ho bang hadlang? Wala ng hadlang?

SEC. ROQUE:   Sa tingin ko po go na go na iyan, excited na po ang lahat. May countdown po ang DepEd, ako mismo dahil talagang palagi ko pong pini-feature iyan sa ating press briefing ang pagbubukas ng eskuwelahan, excited na rin po ako ‘no. At hindi naman po ito na ngayon lang na lahat ng eskuwelahan magbubukas, nauna na pong magbukas iyong mga private schools na nasa ilalim din ng superbisyon ng DepEd.

At bagama’t hindi perpekto, ang importante matutuloy po iyong proseso ng edukasyon ng ating mga kabataan at hindi sila matetengga habang mayroon tayong pandemic. Para rin po iyang hanapbuhay, hindi naman ibig sabihin na palibhasa may pandemya, hindi na tayo makapaghanapbuhay at iyon ang panawagan natin sa lahat ng sektor ng ating lipunan: Magtatagal pa po ang pandemya, kinakailangan mabuhay tayo in spite and despite; pag-ingatan po natin ang buhay para makapaghanapbuhay.

VELASQUEZ:  Saka Secretary Harry, bukod sa pagbubukas ng klase ay bubuksan na rin ng Department of Tourism iyong ilang mga pangunahing tourist destinations tulad ng Boracay at Baguio. Sa panahong ito, sa palagay ninyo ho ba ay iyong mga kababayan natin, mga kapamilya natin ay magiging ligtas sa kanilang paglabas sa kanilang mga tahanan para makapamasyal?

SEC. ROQUE:  Sa tingin ko naman po ‘no dahil alam na naman nila kung paano mabuhay kasama itong pandemyang ito. Alam nila na ang paraan para maiwasan ang pagkalat ay sa pamamagitan ng mask, hugas at iwas at sa tingin ko alam din nila ang kabutihan ng pagbibiyahe para sa kanilang mental health state ‘no. So gagawin po nila ang lahat ng gagawin na dapat gawin para po maalagaan ang kanilang mga sarili dahil kung hindi tuluyan pong magugutom iyong mga nagtatrabaho sa sektor ng turismo.

OMAGA-DIAZ:  Iyon nga. Ang problema naman ay tumataas iyong bilang ng COVID-19.

VELASQUEZ:  Marami pa rin ba? Mga 3,000 pa rin?

OMAGA-DIAZ:  Oo, marami pa rin.

SEC. ROQUE:  Alam mo hindi naman tumataas, manood po kayo ng aking press briefing. According to the UP-OCTA research group ay bumababa naman po ‘no. In fact iyong ating R0 rate, iyong rate ng pagkahawa ay napakababa po ngayon – .74 ‘no. Ang pinabababa na lang natin iyong positivity rate natin, nasa 10 po tayo ngayon, dapat 5. So mayroon naman po tayong mga significant kumbaga successes ‘no at saka siyempre patuloy pa ring mababa po ang mortality at iyon naman po talaga ang importante.

OMAGA-DIAZ:  Okay. Ang sinasabi ninyo iyong recovery mataas pero iyong naapektuhan, iyong infected ay medyo doon ang problema.

SEC. ROQUE:  Opo. Pero iyon nga eh, mabuti naman po ang Panginoon bagama’t nandiyan iyang pandemyang iyan, karamihan po ay mild, asymptomatic at hindi naman po namamatay.

VELASQUEZ: ‘Yun. So maaasahan namin ni Pareng Henry, Secretary Harry mamamasyal din kayo sa Boracay at Baguio?

SEC. ROQUE:  Opo, opo. Ang Boracay nga po as soon as it is opened plano kong isa ako doon sa pinakauna at doon po tayo magpi-press briefing. Dahil kinakailangan din paalalahanan iyong mga ating kababayan iyong pagpasyal hindi lang para doon sa mga namamasyal, marami na pong nagugutom doon sa sektor na ng turismo kung hindi natin pupuntahan iyong ating mga tourist spots na iyan.

VELASQUEZ:  Eh siyempre aabangan ng mga tao Secretary Harry na pagpunta ninyo ng Boracay ay may photo op kayo pero—biro lang ha, walang dolphin doon. [laughs]

SEC. ROQUE:  Wala nga eh, sayang eh. Sasabihin ko nga doon sa aking mga kababayan sa Bataan baka dapat dalhin din ang dolphin doon sa Boracay nang special attraction at magpunta na ang tao sa Boracay. Dahil ngayon po nagpupunta na sila sa Subic ‘no, sa Bataan pero hindi pa nga sila nagpupunta ng Boracay.

Nakakaawa po ang Boracay ha, sabi noong kaibigan ko na may-ari noong pinakamalaking hotel doon, sa isang buwan mga trentang turista lang ang pumapasok ‘no ever since binuksan ang Boracay. So siyempre hindi sila mabubuhay sa trentang turista, kinakailangan naman po eh kung mayroon naman tayong naiipon ay okay naman po iyan, bonding time with the family at isipin natin ‘pag tayo’y nagpunta tinutulungan po natin iyong mga nakasandal sa turismo para magkaroon ng hanapbuhay.

VELASQUEZ:  Pero ang sabi daw nila Secretary Harry, ako, hindi naman ako masyadong beach-goer… si Pareng Henry ‘ata mahilig din mag-beach ano. Parang ang corny daw na naglalakad ka sa may white sand tapos ‘pag lalangoy ka naka-face mask ka. So siyempre parang ang weird naman noon na babasahin mo iyong face mask mo dahil—

SEC. ROQUE:  Hindi naman po kailangan mag-face mask ‘pag lumalagoy na, kayo naman. Siyempre hindi naman po iyon, ‘pag naka-beach lang, ‘pag nagsa-sunbathing lang. Kaya noong ako nag-sunbathing—

OMAGA-DIAZ:  Hindi. Puwede naman huwag mag-face mask kung walang tao sa beach. Oo, eh kung marami talagang dapat mag-face mask.

SEC. ROQUE:  Pero sa tubig, hindi po kinakailangan mag-face mask dahil alam naman po natin iyan, lalo na ang seawater hindi po nabubuhay ang COVID sa seawater.

VELASQUEZ:  Hindi. Ang biro kasi doon Secretary Harry, kunwari naglalakad ka naka-G-string bikini ka, iyong G-string bikini, iyon din daw ang face mask mo.

SEC. ROQUE: [Laughs] Kayo talaga. [laughs] Basta ako, ‘pag ako nag-sunbathing diyan naka-daring swimming suit din ako ‘pag kinakailangan [laughs], tingnan natin kung magpi-picture-picture sila o biglang tatakbo sila. [laughs]

VELASQUEZ:  Secretary Harry, mabalik tayo sa isa pang usapin. ‘Di ba kamakailan ay natunton mismo ng Facebook at sila iyong mismo nag-takedown, eh may mga ilang accounts daw na ginagamit daw ng mga kasapi ng PNP at ng AFP para daw magpakalat daw ng disinformation at fake news ika nga ‘no dahil iyong mga iba ay ginagamit daw nila iyong Facebook account nila para mag-red tagging ng mga organisasyon. Eh iyon po ba ay—kumbaga ay nakarating na rin sa atensiyon ng Pangulo?

SEC. ROQUE:  Well unang-una po, wala pong page ang AFP na na-takedown ng Facebook. Ibig sabihin lahat ng opisyal nilang pages ay naririyan pa rin. Mayroong isang officer ‘ata na may page na na-takedown. Pero alam mo kasi ang importante, number one, iyong mga country representative kasi ng Facebook at saka iyong mga fact checkers nila ay Vera Files at saka Rappler. Siguro naman you and I will agree, eh talaga namang tutol sa gobyerno iyang mga ‘yan ‘no. Eh katotohanan lang iyan, hindi na pupuwedeng i-deny, alangan naman sabihin natin na panig kay Presidente Duterte si Maria Ressa ‘no, si Ellen Tordesillas ‘no – hindi talaga ‘no.

Hindi ko nga maintindihan bakit iyon lang ang kinuhang fact-checker ng Facebook. Bakit naman hindi sila kumuha doon sa kabilang kampo ‘no. Tapos iyong country president pa nila diyan eh talaga namang mortal na oposisyon ‘no. So huwag tayong maniwala na palibhasa nagdesisyon iyong mga tao na mayroon nang paninindigan laban sa gobyerno na ginagamit naman sana itong mga Facebook pages na ito.

Pero ganoon pa man, ulitin ko po, walang official page na na-takedown at saka pangalawa, eh sige na po pabayaan natin iyan. Prerogative ng Facebook iyan, sila may-ari noong negosyo na iyan, bahala sila. Pupunta na lang sa ibang medium iyong mga sumusuporta sa gobyerno at iyan naman po ang kuwento noong mga supporters ni Presidente Duterte na sa mula’t mula po humahanap ng alternative venue para ipakalat ang impormasyon.

OMAGA-DIAZ:  Oho. Pero Secretary, kasi nangyari ito kasunod ng issue rin sa PCOO, na isang opisyal ng PCOO ginagamit din ang pondo ng pamahalaan para doon sa mga fake news at red tagging. So nagkakasabay-sabay eh.

SEC. ROQUE:  Linawin ko lang po ah. Oho, si Usec. Badoy po dalawa iyong operasyon noong official na government page at iba iyong kaniyang personal page. Hindi naman pupuwede kasing ipagbawal ang karapatan nang malayang pananalita palibhasa gobyerno ka ‘no. So ang importante lang po, ano ba iyong official stand noong official page ng gobyerno at maraming pagkakataon po ang sinasabi ni Badoy eh personal kong paninindigan iyan at karapatan naman po niya iyan sa Saligang Batas.

Ako rin po, mayroon akong official Spox webpage, mayroon akong Harry Roque webpage… minsan po nagkakaiba ang content dahil pupuwede pong—hindi naman pupuwedeng gamitin iyong gobyerno para sa mga personal [garbled] nasa Harry Roque webpage lang, wala doon sa official [garbled]…

VELASQUEZ: ‘Ayun, hindi na natin maintindihan iyong sinasabi ni Secretary Harry dahil binanggit-banggit mo Pareng Henry iyong AFP/PNP, ‘yan dyina-jam na tuloy siya.

OMAGA-DIAZ: [Laughs]

VELASQUEZ:  Secretary Harry, are you still there?

SEC. ROQUE:  Talagang kinakailangan na talaga na ngayong tinutulungan sila ng gobyerno makatayo ng telecoms power eh kailangan ilang buwan matapos ito ay ma-improve ang kanilang service ‘di ba po.

OMAGA-DIAZ:  Oo nga, kailangan talaga.

SEC. ROQUE:  Oo. Sabi ng telco matagal na kayo kaya papangitin na namin ang reception [laughs]

OMAGA-DIAZ: [Laughs] Huwag naman.

VELASQUEZ:  Hindi naman…

SEC. ROQUE:  Ang totoo naman mag-iisang oras na tayo, ‘kala ninyo hindi ko napapansin ha. [laughs]

VELASQUEZ:  Oy hindi ah, may relo ako dito. Hindi totoo iyon. [laughs]

OMAGA-DIAZ:  Hindi, saka maganda naman usapan natin. Nakakalibang ika nga.

SEC. ROQUE:  Oo nga, kinober ninyo na lahat ng topic under the sun, magagalit na iyong Malacañang Press Corps, may press briefing kami mamaya. [laughs]

VELASQUEZ:  Good morning sa Malacañang Press Corps, mga dating kabaro…

SEC. ROQUE:  Sabi nila, kita ninyo iyang dalawang iyan, inubusan na kami ng kuwento. [laughs]

VELASQUEZ:  Sec. Harry, mayroon nga pala kaming gusto ring ipa-follow up dahil naging laman ng front page din ng isang pahayagan na iyon nga daw grupo na Greenpeace ay inuudyok si Pangulong Duterte na magdeklara daw dito sa Pilipinas ng climate emergency. Eh ano po ba ang ibig sabihin po noon ‘pag nagdeklara ng climate emergency?

SEC. ROQUE:  Naintindihan ko po iyon kasi parang pangatlo o pang-apat na ‘ata ang Pilipinas sa pinaka-prone to climate change. Alam mo ‘pag nangyari po iyang prediction nila, lulubog ang malaking teritoryo ng Pilipinas kung hindi natin maaabatan ang climate change at iyan naman ang dahilan kung bakit sinama ng Pangulo iyong issue ng climate change sa kaniyang talumpati sa UN General Assembly. Pero tingin ko isa-isa lang, dito muna tayo sa COVID pandemya na mayroong state of [garbled] pero parang hindi kakayanin kung napakadami nating state of calamity na deklarasyon.

VELASQUEZ:  So hindi muna kailangan, unahin muna ang pagtugon sa health emergency.

SEC. ROQUE:  Oo. Pero alam ninyo po [garbled] iyan at iyan nga po iyong dahilan kung bakit nagsalita tungkol diyan ang ating Presidente.

VELASQUEZ:  All right. Naku sa puntong iyan eh talaga naman kami ni Pareng Henry ay natutuwa at pinagbigyan ninyo ang aming tawag sa umagang ito at sabi nga ng—sino ba ang service provider ninyo, Secretary Harry?

SEC. ROQUE: [Laughs] [Garbled]…

VELASQUEZ:  Pasalamat po tayo sa telco ni Secretary Harry.

SEC. ROQUE: [Garbled] ngayon pinagbigyan na sila na magtayo ng telecoms [garbled] ating telecom [garbled]…

VELASQUEZ:  Oo. So pasalamat tayo sa telco ni Secretary Harry sa humigit-kumulang na isang oras…

SEC. ROQUE:  Matapos 50 minutes of interview na biglang pumapangit ang signal. [laughs]

VELASQUEZ:  May metro iyan eh, ‘pag sinabing ah mag-iisang oras ka na—parang Facebook eh, ‘pag nag-i-streaming ka ng music bigla kang puputulin. Secretary Harry, maraming maraming salamat pong muli. Sana po ay simula na ito nang regular na pakikipagpanayam sa atin sa On The Spot tuwing Lunes ‘no.

SEC. ROQUE:  Salamat po at na on the spot ninyo ako ngayong araw na ito. Magandang umaga po sa lahat.

VELASQUEZ:  Maraming salamat. Ingat po kayo Secretary Harry Roque.

 

###

 

 

 

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)