Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Jorge Bandola and Willie Delgado, Jr. (DZXL – Straight to the Point)



Q: Secretary, nataon yata sa International Joke Day kahapon eh. Ngayon ay kinakantiyawan kayo ng mga congressmen dahil doon sa naging pahayag ninyo na … hindi pala COVID ang kalaban daw, UP daw kalaban. Ano ba talaga ang malinaw na eksplanasyon ninyo diyan?

SEC. Ay naku, hindi ko po pupuwedeng maging kalaban ang UP. Veinte cincong taon po ang ginugol ko sa UP. High school pa lang po, UP na ako, at nagturo pa ako sa UP ng labinlimang taon bago po ako naging kongresista.

Ang sinasabi ko po, iyong UP forecast sa COVID-19 ay nakabase po iyan sa mga mathematical models pero mayroon naman po tayong mga sandata para hindi po magkatotoo iyong forecast; ang sinasabi nila na 40,000 ang magkakasakit. Hinihimok ko po iyong ating mga kababayan na dapat gumawa tayo ng hakbang na hindi ganoong karami po ang mahawa sa COVID. Kaya nga po parang challenge iyan sa taumbayan – gamitin natin iyong forecast at gumawa tayo ng mga hakbang para hindi tayo makaabot doon sa numero na pinu-forecast. So iyon lang po iyong konteksto noon.

Q: Oo nga, Secretary. Kung kukuwentahin natin, bale lalabas isang buwan na lang eh ‘di ba, kasi July 31 iyong pinakabagong prediksiyon ng UP eh. Eh 60 iyong kanila, so parang lalabas, almost hundred percent ang idadagdag kung saka-sakali sa loob ng isang buwan lang.

SEC. ROQUE: Oo, naiintindihan ko po kasi iyong kanila. Kasi iyong tinatawag natin na iyong case reproduction rate kapag one, ang ibig sabihin, iyong isang may sakit ay makakahawa ng isa pa, so siyempre po maaano iyan, madodoble ‘no. Kaya nga po ang sinasabi ko, mayroon naman tayong mga sandata diyan ay gamitin po natin ‘no – social distancing, pagsusuot ng mask at saka iyong pananatiling malusog po.

Eh kasi po kung hindi natin talagang uulit-ulitin na dapat mangyari ito at tatanggapin na lang natin na napakarami talagang magkakasakit eh parang wala naman tayong kalaban-laban.

Q: Pero ang kini-claim pa rin po nila, Sec., ‘Oo nga, 37 tayo natapos ng June 30, pero marami pa raw mga na-test na posible pang mga kaso.’ At pati iyong idagdag mo pa raw iyong backlog, baka hindi lang daw 40.

SEC. ROQUE: Well, ang sabi po kasi sa akin ni Secretary Vince Dizon, iyong backlog natin as of that day ‘no, na end of the month ay 1,000 lang. So maski idagdag mo naman iyong backlog na iyon ay hindi pa rin aabot ng 40. Bagama’t this is semantic, kasi nga po halos 40,000 din naman iyan kung ira-round-off mo. Pero sa akin, importante pa rin na kahit papaano ay gumawa tayo ng hakbang nang hindi naman ganoong karami talaga ang magkakasakit sa atin.So iyon lang po iyon, at ako po ay loyalist sa UP maski ilang beses nag-champion sa UAAP sa basketball eh freshman pa ako sa College of Law. [Laughter]

Q: Sabay ganoon. Short of saying na ayusin iyong mga coaching ninyo. [Laughter] Hindi. Sa malinaw na konteksto niyan, Secretary, ‘di ba, ang kinu-congratulate ninyo ay iyong mga frontliners, ‘di ba? Iyong mga frontliners—

SEC. ROQUE: Tama iyon. Lahat na gumawa ng hakbang na kahit papaano ay hindi umabot sa 40,000 iyong mga nagkasakit ‘no. At uulitin ko nga po ‘no, naku, iyong mga nakakakilala sa akin ay talaga naman pong … wala naman po akong ibang nakilalang eskuwelahan kung hindi ang UP dahil marami po diyan ay kolehiyo lang sa UP, ako highschool pa nandoon na.

Q: Nagkataon lang na UP expert ang mga naglalabas ng ganoong prediksiyon, walang ibang mga grupo.

SEC. ROQUE: Alam ninyo po, hindi ko sila kaaway dahil ako nga po ang nag-imbita kay Dr. Mahar Lagmay sa aking press briefing para sabihin kung ano ang mga UP forecast sa panahon na hindi pa naman nagkakaroon ng mukha iyong UP COVID experts ‘no. At saka halos lahat din ng miyembro diyan ay kaibigan ko dahil si Professor Randy [unclear] ay one batch ahead of me sa high school at iyong kapatid niya ay kaklase ko pa mismo sa high school. So wala pong ganoong na aawayin ko iyong UP, hindi po talaga.

Q: Secretary, nahihingian ba sila ng paliwanag kapag ganiyan naglalabas sila ng prediction?

SEC. ROQUE: Eh alam ninyo naman kasi mathematical model iyan. So talagang puwede naman po silang magbigay ng paliwanag kaya lang ewan ko kung maiintindihan natin ‘no.

Pero ako naman, dahil matagal na rin akong tumitingin ng mga datos na iyan, talaga naman pong based iyan sa siyensiya at sa modeling. At kung titingnan mo nga iyong RO rate na tinatawag, tayo ay nasa 1.2, so hindi po talaga nakapagtataka kung pagkatapos ng isang buwan ay madodoble ‘no.

Now, pero ang maganda nga po is kung one month madodoble ang kaso natin, ibig sabihin, iyong ating case doubling rate ay naging 30 days din ‘no. So iyan po ay isang mabuting indicator pa rin na hindi ganoon kabilis na nga iyong pagkalat ng sakit. At saka ang importante, kaya po natin pinababagal para nga po mahanda natin ang ating health sector para magbigay ng lunas doon sa mga magkakasakit. So iyon lang po iyon.

Q: Ano po ang masasabi ninyo doon sa sinabi ng World Health Organization na tila nagkukulang yata ang Pilipinas sa—okay naman daw ang managing dito sa COVID-19, pero ang pinaka-challenge lang sa atin, nakukulangan sila is iyong mga contact tracers, wala pa.

SEC. ROQUE: Well, totoo po iyan kasi doon naman po sa ulat ni Secretary Dominguez kay Presidente, sinabi niya na binigyan po nila ng budget ang 50,000 contact tracers para itong Hulyo. At ito po ay isasama nila doon sa Bayanihan II Package na isusulong po sa Kongreso.

Q: Oo, so kailan talaga madi-deploy ang mga … kailan talaga makakapag-hire niyan? Within the month kaya na iyan?

SEC. ROQUE: Well, nasa loob po iyan ng Bayanihan II, at ngayon po mukhang sigurado na na tatawag talaga special session ang ating Presidente. At inaasahan po doon sa timeline ni Secretary Dominguez na within July iyong 50,000 additional—additional naman po ito dahil marami na tayong contract tracers ngayon, pero parang do-doblehin o ti-triplehin ang contact tracers. Kasi nga po ang istratehiya, habang binubuksan ang ekonomiya, dapat padamihin pa iyong ating testing na nagnanais tayo na umabot ng 32,000, parang Korea, tapos kapag nahanap natin kung sino ang mayroong sakit, iyon nga po ‘no, iti-trace natin iyong mga nakahalubilo nila nang sila ay ma-isolate din, tapos ia-isolate po natin sila at saka gagamutin tapos ire-reintegrate.

Q: Sa briefing po lagi diyan sa Malacañang, napag-uusapan na ba … ito, may panibago na namang ano, iyong nadiskubre sa China, iyong G4 eh samantalang hindi pa natin halos mapababa iyong ano, iyong mga datos natin sa COVID-19, Secretary.

SEC. ROQUE: Well, bagama’t tayo po ay patuloy na nagkakaroon ng mga kaso, ang sinasabi naman po ng Department of Health na manageable po dahil handa naman po ang ating health sector para bigyan ng atensiyon iyong mga magkakasakit.

So ang ideal po talaga siguro ay talagang mawala na iyong community transmission. Pero dahil hindi nga po nangyayari at marami mga dahilan naman po diyan, ay iyon na nga lang po ‘no, napabagal iyong pagkalat ng sakit.

Q: Mayroon din pong mga nagsasabi, Sec., na dahil dito sa pagpapaluwag ng Metro Manila to GCQ ay lalong dumami iyong mga nagkakasakit. Tapos ngayon naman, noong July 1, walang bagong classification, gusto naman nilang mag-MGCQ na ang Metro Manila – ano ba talaga?

SEC. ROQUE: Well, ang sinasabi po ni Secretary Dominguez ‘no, iyong more than 100 days na ating ni-lockdown ang ekonomiya, iyong mga panahon na iyon ang kadahilanan ay dahil kinakailangan pangalagaan ang kalusugan. Pero dumating na po tayo sa punto na kung hindi tayo magbubukas ay mawawala na po talaga ng buhay dahil sa kawalan ng hanapbuhay.

So kinakailangan talaga na magbukas na tayo pero mayroon naman po tayong mga sandatang gagamitin, iyon nga po iyong basic hygiene: wearing of mask, social distancing, paghuhugas ng kamay, iyong T3 natin – testing, tracing, treatment. At saka iyong paggamit ng granular lockdown instead of community lockdown bilang istratehiya para talagang huwag mapadami pa iyong mga sakit doon sa mga lugar na prevalent na po. At saka siyempre iyong pagbubukas din po ng transport sector. Kaya nga po ang balita ng DOTr ay bukas po, talagang magdi-deploy na sila ng mga roadworthy traditional jeepneys.

Q: Nagagalaw na po ba natin iyong mga pledges na pera? Iyong dating napag-usapan natin, iyong huling banggit ninyo sa amin, hindi pa halos nagagalaw ‘di ba?

Q: Iyong mga utang.

SEC. ROQUE: Well, karamihan po ng utang ‘no, kung dumating na po sila ay nilalaan nga natin para doon sa Bayanihan II at saka stimulus package kasi malaki rin po kailangan diyan –  minimum 140 billion. At ang mga pinag-uusapan ay iyong subsidiya/subsidy para po sa mga public transport. Kasi kung tatakbo sila at 50% capacity, kinakailangan bigyan mo sila ng subsidy na mag-breakeven tapos 10% man lang na kita ‘no para mayroon naman silang hanapbuhay din. Isa lang po iyan doon sa mga proposed ng DOF dito sa Bayanihan II.

Bukod pa po diyan, kung talagang kinakailangan na i-stimulate ang economy, sisiguruduhin po natin na habang mababa ang interest rate ay lahat po iyong mga naghahanapbuhay, iyong mga umuwing OFW na nawalan ng trabaho, lahat po sila ay mayroong mauutang na pondo para magsimula ng sariling kabuhayan.

So iyong pera po natin, nakalaan po diyan, at saka nakalaan din para po sa mga kakailanganin pa natin kung lalo kung lumubo ang mga kaso ng COVID-19.

Q: Sabi po ni Secretary Lopez, kailangan daw magpautang na rin ang gobyerno doon sa mga maliliit. Kakayanin kaya para hindi sila tuluyang magsara?

SEC. ROQUE: Opo. Opo, iyon nga po iyong pinaglalaanan ng ating mga pautang, kasi alam ninyo naman po, talagang ang rule is, hindi ka naman pupuwedeng gumastos nang wala kang revenue source. At ang revenue source po siguro dahil kulang talaga ang koleksiyon ng gobyerno ay ito na po iyong mga inuutang nating mga halaga.

Q: Eh kapag nagpautang po kayo, bubuksan na ang ekonomiya totally? Mag-i-MGCQ na o new normal phase na talaga?

SEC. ROQUE: Well, iyan po iyong suhestiyon ni Secretary Dominguez, at mukha naman pong nagkasundo naman po iyong IATF noong prinisenta po iyan. Prinisenta po iyan ni Secretary Chua sa IATF; at sa Presidente, nagpresinta po si Secretary Dominguez, talagang nandoon na po tayo sa punto na kung tayo ay magsasara pa ay baka mamatay na po ang tao sa gutom ‘no.

So iyan po ang ating gagawin. Ang isipin po natin, banta pa rin ang COVID kaya po importante iyong ating basic health hygiene, iyong T3 at saka iyong mga granular lockdown.

Q: By July 15 kaya, MGCQ?

SEC. ROQUE: Titingnan po natin. Pero dahil mayroon naman pong consensus na mas epektibo na nga itong granular lockdown, hindi mataas ang kaso, at ginagawa naman po natin ngayon iyan. Dito sa Maynila, mayroon pong ilang mga barangay na sinara po Mayor Isko Moreno; at patuloy naman po iyan. Ibig sabihin, hindi ibig sabihin na palibhasa nagbubukas na tayo ay mawawala na iyong lockdown. Tuloy pa rin po ang ECQ doon sa mga lokal na mga … mga lugar na tumataas po ang numero ng COVID.

Q: So itong ginagawa ngayon ng gobyerno at iyong nararanasan natin ngayon paunti-unti, ito ay bahagi na noong sisimulan nating new normal?

SEC. ROQUE: Opo, opo. Iyan na po ang new normal natin; tatanggapin na po natin na importanteng labanan ang COVID sa pamamagitan ng minimum health standard at sa T3, pero kinakailangan na pong magkaroon ng hanapbuhay muli.

Q: One last point na lang, pahabol namin, Secretary. Anong saloobin ng Pangulo doon sa ano, iyong nangyari sa Sulu?

Q: Parang gusto niya yatang ma-meet iyong mga pulis, tama ba iyon?

SEC. ROQUE: Opo, totoo po iyon. Malungkot na malungkot po siya. Ang sabi niya, sana ito na ang huling insidenteng ganito sa kaniyang termino – at mayroon pa siyang dalawang taon – at nais po niyang makausap lahat ng mga local commanders ng AFP at saka ng PNP. At gusto rin po niya makausap iyong siyam na pulis na diumano’y nagpaputok doon sa ating mga Army, kasama ang isang Major.

At ang nakakalungkot nga, hindi lang apat na buhay ang nawala kung hindi mayroon pala silang sinusundan na dalawang suspect na bombers ‘no, na siyempre po dahil nangyari ito ay nakatakas na ‘no.

Q: Ang nakakalungkot dito, parang tatay ang Pangulo ‘di ba, nag-away iyong dalawang anak mo ‘di ba, ganoon eh. Alam naman natin kung gaano kamahal ng Pangulo ang PNP at saka ang AFP, sila pa mismo ang nagkabanggaan.

Q: Kailan mangyayari ang pagpapatawag niya, Sec?

SEC. ROQUE: Because of security consideration po, hindi ko masabi sa inyo pero malapit na po.

Q: Okay. Sige po, salamat po.

SEC. ROQUE: Salamat po. Magandang umaga po.

 

###

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)