Q: Kaibigan ng ‘Straight to the Point’, si Secretary Harry Roque. Good morning, Secretary Harry.
SEC. ROQUE: Magandang umaga po sa Straight to the Point. At alam ninyo naman po ang ating mga kaibigan bagama’t may mga maaanghang na binitawan, aking salita naman sa kanila, ipagdarasal po natin ang kanilang mabuting kalusugan.
Q: Ang bilis naman ng reaksiyon mo, hindi pa namin tinatanong, sir.
Q: Hindi pa namin tinatanong iyan, ikaw naman ini-straight mo kaagad kami eh [laughter]. Ang programa naming ‘Straight to the Point’ kapag si Secretary – Straight ni Harry [laughs].
SEC. ROQUE: Kaya straight na straight na to the point.
Q: Unang-una, ang pinag-uusapan ngayon, siyempre iyong kalusugan ng Pangulong Duterte.
SEC. ROQUE: Well, malinaw po iyong sinabi ni Presidente na sinabihan siya ng doktor tumigil nang uminom dahil kung hindi baka magkaroon na siya ng stage 1 cancer. Nangyari po ito mayor pa si Presidente at ang Presidente naman po ay nakinig sa advice ng kaniyang doktor, tumigil nang uminom. Kaya ho ngayon, mabuti ang kaniyang kalusugan.
Q: So linawin natin: Iyong sinabi ng Pangulo na sinabihan siya ng kaniyang doktor na tumigil uminom, hindi pa siya presidente.
SEC. ROQUE: Hindi pa po siya presidente, mayor pa siya noon eh.
Q: Akala ko hanggang ngayon ay umiinom pa ang Presidente eh.
SEC. ROQUE: Ah, hindi na po. Hindi na po, oo.
Q: Mabuti naman kung ganoon.
SEC. ROQUE: Clean living po ngayon ang Presidente – no smoking, no drinking.
Q: Itong huling televised statement ng Pangulo, maraming nagko-comment, Secretary, parang hindi maganda iyong aura ng Pangulo ng mga oras na iyon. Ano ba iyon, baka naman ilaw lang iyong may problema?
SEC. ROQUE: Siguro po kasi iyong huling talumpati niya, doon po iyon sa tinatawag na Matina Enclave. Iyong Matina Enclave pong iyan, parang condominium lang iyan at ginamit namin iyong kanilang function room. Pero iyong dating mga pagkakataon, doon po iyon sa Panacañang na tinatawag sa Panacan, official Malacañang kapag sa Mindanao po ‘no na naruroon sa Panacan kaya ang tawag ay Panacañang. Siguro po iba po ang lighting talaga doon, mas maganda talaga iyong lighting doon sa Panacan pero wala naman pong kakaiba akong napansin kay Presidente.
Basta naman po ang importante ang Presidente animated, listo. Bagama’t hindi siya nagsalita tungkol sa drugs ngayon, marami pang bagay-bagay na naging animated siya. At bago po kami nagpulong nagkaroon muna ng command conference ‘no, kasama niya lahat ng top officials ng PNP at AFP ‘no. At sa aking tingin po, masigla po ang ating Presidente.
Q: So generally, walang dapat ipangamba iyong sambayanang Pilipino?
SEC. ROQUE: Wala naman po, mayroon lang mga atat na atat na makita na ang Malacañang pero mag-aantay pa po sila.
Q: Iyon nga. Kailan po siya babalik sa Malacañang?
SEC. ROQUE: Alam ninyo po ang Malacañang kasi unfortunately ‘no, eh nandito po sa Metro Manila ang mga COVID cases. Ang pinag-iingatan po natin ay huwag magka-COVID nga ang ating Presidente. So, parang mas safe nga po siguro ang kalagayan ni Presidente na nandoon siya sa Davao ‘no. Eh mantakin ninyo naman dito lang sa PCOO, naka-63 COVID cases tayo ‘no. Eh marami pa pong mga—ewan ko kung nabalitaan ninyo kung ilan din iyong mga nag-test positive sa PSG at mayroon pa pong mga ibang departamento ng Malacañang ‘no.
So talagang hindi mo naman pupuwedeng sabihing, “Virus, huwag kang papasok ng Malacañang ‘no,” so napasok po talaga ang Malacañang. Kaya piling mas komportable ang Presidente. Sa katunayan po ay dapat bumalik siya noong isang linggo kaya nga lang iyon nga po ang konsiderasyon ‘no—
Q: Pero ito po ay sa pag-iingat po ba ng kaniyang PSG ito o ni Health Secretary, ganoon?
SEC. ROQUE: Well, nag-iingat po siya pero alam ninyo naman ang nangyari, si Secretary Año nag-positive din, so parang close call din po iyan dahil nagkaroon po nang pagsapi sa pagmi-meeting si Secretary Año dahilan kung bakit lahat kami halos ay nag-isolation. Si Secretary Duque baka ngayon pa lang matatapos ang kaniyang isolation ‘no. So pag-iingat lang po iyon at wala namang dapat ikabahala kasi mayroon nga po tayong Malacañang sa Davao, mayroon po tayong Panacañang. Taga doon naman si Presidente ‘no maraming COVID sa Manila. Mayroon ka namang opisina doon kung saan ka nakatira talaga ‘no, kung saan siya naging mayor na napakatagal na panahon, siyempre mas nanaisin mong mag-stay doon sa lugar na iyon.
Q: Teka, kumusta na po si Secretary Año? Mukhang napuna ko ilang araw nang hindi natin naririnig.
SEC. ROQUE: Opo. Nagka-COVID po, the second time around so nagpapagaling po. Pero ang balita ko ngayon ay malakas-lakas na po dahil magpo-fourteen days na rin po.
Q: Mabuti naman. Iyong ibang issue, Secretary, wala ho bang ano ang Pangulo na muling magpatupad ng martial law sa Mindanao?
SEC. ROQUE: Alam ninyo po kasi ngayon mayroong alternatibo po eh, iyong Anti-Terrorism Law eh. So hindi naman kinakailangan na mag-martial law kung mayroon namang magagamit na batas ‘no.
Q: Pero wala pang IRR eh.
SEC. ROQUE: Eh hindi naman po kinakailangan ng IRR para ipatupad ang batas. Kailangan lang po ng IRR kung mayroong mga specific na tasking na gagawin ng mga departamento. Pero kung wala naman po, hindi na kinakailangan iyan – batas po is batas, puwede nang ipatupad.
Q: Pero hindi ho ba puwedeng lumikha ng IRR habang may petisyon sa korte?
SEC. ROQUE: Wala hong problema iyon kaya nga ano pang kinakailangan mong IRR? Eh nandoon na naman malinaw kung ano iyong kapangyarihan ng Anti-Terrorism Council, kung ano ang kapangyarihan niya, kung ano iyong pre-trial detention… iyong mga ganoong bagay-bagay na kumpleto na by itself ‘no. Sa totoo, there is no rule na kinakailangan ng IRR bago mapatupad ang batas, wala pong ganiyan. Dahil sa ating system of government – Executive, Judicial, Legislative – kapag nagawa na ng Legislative ang kaniyang katungkulan na bumuo ng polisiya, ang IRR lang naman po ay para po ma-implement o magkaroon ng implementasyon sa panig ng Executive. Pero hindi po ibig sabihin walang polisiya na hindi pupuwedeng mapatupad kung walang IRR.
Q: Okay, sige. Diretsahan tayo ngayon, Secretary. Puwede na raw kayong pumalit sa PhilHealth sabi ni Morales [laughs].
SEC. ROQUE: [Laughs] Hay naku, pabayaan na po natin sila at alam ninyo naman po, sabi nga nila kapag sinampal ka, ibigay mo iyong kabilang pisngi.
Q: Pero huwag kang pumayag, may COVID eh. Bawal, social distancing [laughter].
Q: Baka mamaya kung saan hinawak iyong kamay noon, idinampi sa pisngi mo ‘di nadale ka pa [laughter]. Hindi, pero may napipisil na ba ang Pangulo?
SEC. ROQUE: Ah, wala pa po. Wala pa po, iyan po talaga ang alam ko na huling deklarasyon niya ‘no. Sino ang papalit ‘no kasi kinakailangan hindi lang malinis, hindi lang walang bahid kung hindi mayroong management skills at kahit papaano naintindihan kung paano ipatupad iyong universal health care (law).[overlapping voices]
Q: Eh paano kung sakaling ikaw, Secretary Roque, para—
Q: Tatanggapin mo?
Q: Oo, para naman ma-institute mo iyong mga sinasabi mong dapat na ma-reformat, dapat mawala diyan.
Q: O, eh kagaya ng sabi mo dapat may dignidad, dapat ay—
Q: Tinatayuan ng paninindigan [laughs]
Q: Dapat may management.
SEC. ROQUE: Well, alam ninyo po, bahala po ang Presidente diyan, kaya nga lang napakatindi po ng aking katungkulan ngayon bilang tagapagsalita – kinakailangang magbigay ng impormasyon sa panahon ng pandemya. So, hindi po biru-biro iyan. So, hindi ko na po iniisip iyong posibilidad sa PhilHealth dahil alam ko naman napakahirap nitong trabaho ‘no at parang… ewan ko ba ho, parang hindi ko naman maiwan sa kalagitnaan ng lahat. At ang sinasabi ko na lang, sandali na lang naman, magkakaroon na rin ng bakuna, so tapusin muna natin itong aberyang ito.
Q: Bakit sinabi mo mahirap iyong tayo mo bilang tagapagsalita, mayroon ka bang mga sinasabi na galing sa gobyerno o galing mismo sa Presidente na labag sa iyong kalooban pero kinakailangan mong sabihin?
SEC. ROQUE: Hindi po. Ang sinasabi ko lang, sa panahon ng pandemya, hindi na kailangan magbigay ng impormasyon; kinakailangan kahit papano ay gawin mo ang lahat para magbigay ng pag-asa sa ating mga mamamayan kasi kabahagi naman po iyan ng komunikasyon. Parang kayo pong nasa media, hindi lang naman talaga tagabigay kayo ng impormasyon ‘no, minsan nag-i-entertainment din kayo; minsan nagpapadala rin kayo ng mga mensahe ano. So ganoon din po iyong trabaho ng spokesperson.
Q: Speaking of papalitan, wala pa sa PhilHealth, sa PNP mayroon na ba siyang napupusuan din?
SEC. ROQUE: Alam ko may mga kandidato. Pero alam ninyo sa totoo lang, hindi ko masyadong kabisado iyong mga pangalan. May mga naririnig ako, pero hindi ko masyado kabisado dahil hindi ko naman masyadong nababantayan talaga iyan na unahan sa posisyon sa hanay po ng kapulisan at saka ng Armed Forces ‘no. Pero siyempre, dahil magri-retire na po si Chief Gamboa eh maraming mga nagnanais, maraming mga nagpiprisinta. Pero unfortunately hindi ko po kabisado ang mga pangalan nila.
Q: Kung may naririnig kayo, kanino ninyo naririnig? Kapag nagkukuwentuhan ba si Senator Bong Go at saka si Pangulo?
SEC. ROQUE: Kahit saan naman po.
Q: Secretary, mukhang tatama na naman daw si UP-OCTA, 200,000 na ang positive.
SEC. ROQUE: Well, tingnan pa po natin kasi parang ang estimate naman nila ay 250,000, kung hindi ako nagkakamali – ito po iyong note ko. At ang huling deklarasyon nila eh mukhang bumaba talaga. Ang ating tinatawag na R0 eh talagang mukhang bumalik na sa one ‘no. So tingnan po natin at mayroon pang ilang mga araw.
Q: Pero, mukhang dadami daw kapag nagpatuloy uli iyong GCQ eh.
SEC. ROQUE: Well, alam ninyo, wala naman talaga tayong alternatibo, kinakailangan na tayong maghanapbuhay. Dahil sa totoo lang, kung hindi tayo mamamatay sa COVID, baka mamatay tayo sa kahirapan.
Pero ang COVID naman po, karamihan ng nagkakasakit, mild or asymptomatic, napakababa po ng ating death rate, kaya nga po ang pinaghahandaan lang po natin ay mabigyan ng kaukulang medical attention iyong mga magkakasakit nang malala. Kaya nga po walang tigil ang pagtatayo natin ng mga bagong ICU units, mga bagong isolations facilities, para po paghandaan nga iyong panahon na mas marami sa atin ang magkakasakit nang matindi.
Q: One last point sa akin, sigurado naman hindi na tayo makakarinig ng congratulations, bukas?
SEC. ROQUE: Tignan po natin, baka mamaya naman eh makamit natin iyong mas mababa, saka hindi pa po bukas kasi anong date pa lang naman ngayon eh.
Q: 28 pa lang pala bukas.
Q: Lunes pa iyong katapusan.
SEC. ROQUE: Titingan po natin kung makakamit natin o hindi; at kung makamit natin, bakit naman hindi tayo magko-congratulations. Pero alam po ninyo, ang importante talaga ay continuing iyong congratulations habang mababa po ang death rate, iyan po ang sinabi ng WHO. Huwag na kayong mabahala na tumataas iyan. At saka alam mo, tayo naman ay 22 lamang sa buong daigdig, iyong iniidolo ng napakaraming Pilipino ay number one ngayon – Amerika, napakadaming namamatay, huwag ninyong kalimutan iyan. Lahat iyong mga makapangyarihan at mayamang bansa ng Europa, mas maraming namamatay at mas maraming nagkakasakit kaysa sa atin.
So, huwag tayong makinig doon sa mga kritiko ng Presidente na parang napakalala na ang kondisyon natin. Talagang seryoso ang kondisyon, pero kung ikukumpara mo sa daigdig ay talaga namang mas naging epektibo iyong mga polisiya ng ating gobyerno kaya nga po, mas kakaunti pa rin kung ikukumpara doon sa halos lahat ng mayayaman at mga developed na bansa sa daigdig, iyan po ay katotohanan.
Q: Pahabol ko lang, Secretary, bago ka namin painumin ng kape mo na mukhang lumalamig na iyong kape mo.
SEC. ROQUE: Hindi po, iniinom ko habang mainit pa.
Q: Kahapon, bahagi ng aming survey nga pala naalala ko ay iyong statement ni Vice President Leni Robredo na nagsasabing tila walang lider ngayon ang gobyerno dahil wala daw konkretong programa para sa COVID-19?
SEC. ROQUE: Hindi ko po maintindihan saan nanggaling iyon, kasi siguro hindi naman niya tinitingnan kung ano ang pangyayari sa bansa. Kung wala pong namumuno sa ating bansa, eh di sana mas malala tayo ngayon at napakadami pang bansa sa daigdig at napakadami nang namatay.
So, hindi po totoo iyon. Ang ginagawa po natin sa IATF, it’s a whole nation approach ‘no; at ang kinakailangan lang naman niyang gawin eh magbasa ng diyaryo at malaman kung anung mga hakbang ang ginagawa ng IATF. Pero siyempre kung talagang siya ay magbulag-bulagan, magbibingi-bingihan, hindi malalaman kung ano ang ginagawa. Pero nagsimula po iyan noong tayo po ay nagkaroon ng complete lockdown, ECQ; nagkaroon ng bahagyang pagbubukas, MECQ; at lahat po iyan calibrated, ilan ang transportasyon, ano ang mga industriyang puwedeng magbukas. Puwede ba hong walang plano iyan eh pagdating lang doon sa industriya, depending on classification, alam natin kung ano ang magbubukas; alam natin kung ano ang hindi magbubukas. Planadung-planado nga po every step of the way. So, I beg to differ with due respect to the Vice President.
Q: Sige, ligo na, Secretary.
SEC. ROQUE: Bakit alam na alam ninyo ang mga gagawin ko … sige.
Q: Secretary, thank you.
SEC. ROQUE: Salamat po.
###
—
SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)