LESMORAS: Magandang araw po, sir.
SEC. ROQUE: Magandang araw, Mela. Magandang araw, Pilipinas.
LESMORAS: Opo. Sir, unahin lang natin kasi malapit naman sa puso ng lahat itong COVID-19. Nabanggit natin sa press briefing na talagang nakatutok ang mga ‘big brothers’ sa mga assigned sa kanilang lungsod at munisipalidad. Ano po ang update dito, sir?
SEC. ROQUE: Well, kaniya-kaniya pong mga schedule ang mga big brothers, mga miyembro ng Gabinete na iikot ngayong linggong ito sa kanilang mga assigned na mga siyudad at munisipyo. Ako po – sa Sabado po ako – assigned sa Pasay so pupunta po tayo diyan kasama po si Mayor Emi at ang alam ko po ngayon si National Security Adviser ay bababa po ngayon ng Makati para makipagpulong kay Mayor Abby Binay.
LESMORAS: Opo. Paano ito, sir, makakatulong para mas mapaigting pa iyong ating COVID-19 fight? Noong mga nakaraan po ba napagpulungan po natin kung may bago pang gagawing approach ang mga big brothers or IATF members para nga matulungan ang mga LGU?
SEC. ROQUE: Well, ang naging model po namin diyan ay iyong si DENR Secretary na nagpunta po ng Cebu ‘no. Ginawa lang naman po ng Secretary ng DENR ay hindi naman po niya pinalitan iyong mga mayor doon ‘no kung hindi nakipagtulungan lang po, tinanong kung anong maibibigay ng national government at binigay niya iyong mga kinakailangan ng mga lokal na pamahalaan sa Cebu.
So ganoon naman po kami, kami po’y nagsisilbing tulay para maibigay kung ano iyong maibibigay ng national government na kinakailangan po ng mga lokal na pamahalaan dito sa Metro Manila.
LESMORAS: Opo. At ito naman, sir, since iyong PhilHealth ay isa nga sa mga malalaking isyu rin ngayon at alam naman natin na inirekomenda na ng Senado na kasuhan sina Health Secretary Francisco Duque III gayundin si dating PhilHealth President Ricardo Morales at ilan pang opisyal na nakikitang sangkot sa mga iregularidad sa ahensiya, ano po ang komento dito ng Palasyo? Nakarating na po ba ito sa Pangulo?
SEC. ROQUE: Nirirespeto po natin iyong naging desisyon ng Senado. Iyong pagko-conduct po ng mga hearing in aid of investigation ay kasama po talaga iyan sa katungkulan ng Senado.
Pero pagdating po doon sa pananagutan ng mga indibidwal diyan sa PhilHealth, eh inaantay pa po ni Presidente iyong resulta ng imbestigasyon ng task force na binuo niya. Ang pagkakaiba kasi ng Senado at saka iyong task force niya, nakasama po sa Senado lahat iyong mga opisina na sang-ayon sa ating Saligang Batas ay mayroon talagang pananagutan o responsibilidad na bigyan ng accountability iyong mga taong gobyerno – nandiyan po ang Ombudsman, nandiyan ang Civil Service Commission.
Kaya po ang Presidente, dahil binuo naman niya iyong task force, ay susundin po niya ang rekumendasyon. At sa ngayon po, inaasahan natin na matatapos iyong pormal na imbestigasyon, mga September 14. Pagkatapos po niyan, sana po within the month ay magkaroon na rin po ng rekomendasyon sa Presidente ang ating task force; bagama’t kapag ang rekomendasyon ay kasuhan ang ilang mga tao dahil nandiyan na ang Ombudsman, eh pupuwede na pong gumalaw ang Ombudsman.
LESMORAS: Opo. Pero, sir, ano lang ang masasabi ninyo—well, matagal naman nang may mga ganitong panawagan, pero dahil sa lumabas na Senate report, umiigting iyong mga panawagan ng ilang grupo, ng ilan nating mga kababayan na sana’y patalsikin na sa puwesto si Secretary Duque. Ano pong mga masasabi ninyo rito na noon pa man ay mga may nananawagan na?
SEC. ROQUE: Well, si Presidente naman po ay nagtitiwala pa rin kay Secretary Duque pero antayin po natin ang rekomendasyon ng task force dahil kung mayroon ding ganiyang rekomendasyon ang task force ay rerespetuhin naman po ng Presidente iyong rekomendasyon.
LESMORAS: Opo. Pero, sir, paano nakikita ng Palasyo na mari-retain iyong public trust kahit nga may mga ganitong issue na hindi pa rin matapos-tapos sa PhilHealth lalo na ngayong sa gitna ng COVID-19? Paano kaya mapapanatili iyong morale ng mga tao sa PhilHealth at sa DOH, gayundin iyong public trust as a whole po?
SEC. ROQUE: Tingin ko naman, sapat na po iyong ginawa ni Presidente na pinalitan niya po at nagtalaga siya ng bagong Presidente at CEO ng PhilHealth at nagpapatuloy po ang imbestigasyon, mayroon na pong mga na-preventive suspension, halos lahat po ng miyembro ng ExeCom ng PhilHealth ay under preventive suspension na for 6 months without pay. So tingin ko po, seryoso ang Presidente at tinatanggap po ng taumbayan kung gaano kaseryoso ang Presidente para linisin ang hanay diyan po sa PhilHealth nang sa ganoon magkaroon po ng katuparan iyong ating sinulong na Universal Healthcare, libreng gamot at libreng pagamot sa lahat ng Pilipino.
LESMORAS: Opo. And, sir, ito naman, speaking of new official, itinalaga na nga ni Pangulo si Lt. Gen. Camilo Cascolan. Ang tanong lang po ng marami, bakit kaya siya ang napili gayung by November 10 ay inaasahang magriretiro na rin po siya?
SEC. ROQUE: Well, tingin ko po, mayroon naman talagang sapat na kakayahan po si General Cascolan para pamunuan ang PNP at nagkataon lang talaga na napakaaga ng retirement ng ating kapulisan ‘no, November magri-retire na siya. Pero hayaan natin siyang bigyan ng pagkakataon na linisin ang hanay ng PNP, i-professionalize ang hanay ng PNP at isulong pa rin siyempre iyong napakaimportanteng war on drugs ‘no maski kakaunti lang po ang panahon na mayroon siya bilang PNP Chief.
LESMORAS: Bale iyon na rin, sir, iyong naging bilin ni Pangulong Duterte po sa kaniya?
SEC. ROQUE: Iyan po ang bilin niya ‘no – professionalize the ranks, uphold the Constitution and the rule of law and siyempre po kinakailangan ipatuloy ang mga gains of the drug war.
LESMORAS: Opo. Panghuling tanong na lang, Secretary. Kumusta po si Pangulong Duterte at may aabangan po ba ang ating mga kababayan na aktibidad po niya?
SEC. ROQUE: Okay na okay po ang kalusugan ng Presidente. Mamaya po sasapi po siya doon sa tinatawag na Aqaba Process ‘no na isang pagpupulong ng mga iba’t ibang namumunong mga leader sa buong daigdig at ito po ay pinasimulan po ng King of Jordan. So mamaya po iyan, iyong Aqaba Process.
LESMORAS: Okay. Maraming, maraming salamat po. Iyan po si Presidential Spokesperson Harry Roque. Magandang araw po sa inyo, sir.
SEC. ROQUE: Magandang araw po at maraming salamat po.
###
—
SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)