Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Rene Sta. Cruz over DZBB (4:37 – 4:45 P.M.)



STA. CRUZ:   Secretary, Mr. Spokesman, magandang hapon po, sir.

SEC. ROQUE:   Magandang hapon Ka Rene, magandang hapon Pilipinas.

STA. CRUZ:   Bilang isang abogado, dati pong kongresista, ano po ang masasabi ninyo sa naging resulta ngayon nang botohan diyan sa Kongreso.

SEC. ROQUE:   Well, bilang tagapagsalita muna ng Pangulo, ang masasabi ko po ay nasa Saligang Batas at talagang desisyon iyan ng Mababang Kapulungan at sang-ayon naman sa rules ng Mababang Kapulungan, kapag ang isang panukalang batas ay hindi naaprubahan sa committee level, hindi na po iyan makakarating ng plenaryo maliban na lang kung iyan po ay isang impeachment complaint dahil mayroong ibang proseso pagdating sa impeachment.

Kaya kung naaalala ninyo noon, iyong impeachment complaint laban kay Andy Bautista, dalawa lang kami ni dating Kongresista Gwen Garcia na bumoto pabor sa impeachment pero nabaligtad iyon sa plenaryo kasi may special procedure kapag impeachment. Pero kapag ordinaryong batas po, at ordinaryong batas naman po ang isang prangkisa, ibig sabihin niyan ay hindi na po iyan makakarating sa plenaryo. End of the road na po iyan for Congress.

At ang aming paninindigan, talaga pong mayroong separation of powers, iyan po ang desisyon ng Kongreso, respetuhin po natin.

STA. CRUZ:   Okay. Well, sir sa pagkakaalam ninyo bilang isang dating mambabatas at base doon sa proseso na sinusunod ng Mababang Kapulungan, pinapayagan ba ang apela, makaapela pa?

SEC. ROQUE:   Ang alam ko po, walang apela eh kasi hindi naman po hukuman ang isang congressional committee. So, ang alam ko po unless binago nila ang rules noong 17th Congress po, wala pong apela doon. Kung anong naging desisyon ng komite, iyon na po ang desisyon kasi kapag pinatay sa committee level, hindi na po makakarating ng plenaryo.

STA. CRUZ:   Opo, opo… Pero hindi natin maaalis na marami po ang nag-iisip, lalo na ang mga ordinaryong mamamayan at lalo na rin iyong naniniwala doon sa network. Marami ang nag-iisip dito na baka naimpluwensiyahan ng Malacañang ang naging desisyon ng ating mga mambabatas sa pagboto dito?

SEC. ROQUE:   Well, ina-assure ko po kayo na ang Presidente ay mula noong humingi ng patawad ang ABS-CBN ay naging neutral: Wala po siyang tinawagan, wala po siyang sinabihan to vote either way; ang sabi niya sa akin, sabihin mo sa mga kaalyado natin neutral tayo, hindi ko sila papaboran, hindi ko sila pagagalitan either way kung paano sila bumoto.

So, iyan po ay boto sang-ayon sa konsensiya ng mga miyembro ng House Committee on Franchise.

STA. CRUZ:   Okay. Well, masyadong malayo iyong pagitan. Pitumpu (70) iyon pong kumontra at pagkatapos labing isa (11) iyong pumabor; nag-abstain ay isa at dalawa naman iyong hindi sumali. Medyo malayo, napakalayo ho dahil sa kabila ng ingay, napakaraming ingay nitong bago nagbotohan ang iba’t-ibang sektor, kesyo may apela sa ganoon, kesyo ganitong grupo, ganiyan, ganyan pero mukhang hindi umubra. Sir, mukhang hindi umubra.

SEC. ROQUE:   Hindi po talaga at kagaya ng aking sinasabi, mayroon po tayong Saligang Batas na sinusunod at may kapangyarihan naman po ang Mababang Kapulungan na magkaroon ng sariling rules at kagaya ng sinabi ko, unless nabago na po iyan eh talagang kapag pinatay na po sa committee level, patay na po ang panukalang batas.

STA. CRUZ:   Okay, okay, okay. Well, sa inyong pagkakaalam kung sakali man ho magkaroon ng bagong panukala para sa ABS-CBN franchise na umusbong o mangyari, hindi man sa susunod na araw, sa mga darating na araw, sa palagay ho ba ninyo talagang mananatili ang Palasyo na hindi makikialam dito?

SEC. ROQUE:   Iyan na po ang binitawang salita ng ating Presidente at pinaninindigan po iyan ng Presidente. Kasi ang gusto lang naman niya, humingi ng patawad at ginawa naman po iyan ng ABS-CBN at nagpatawad naman po ang Presidente at sa panahon naman ng pandemya nakita ninyo naman po pati iba pa niyang mga kinagagalitan, sina MVP, ang mga Ayala’s ay pinatawad na po niyang lahat.

STA. CRUZ:   Opo, opo. Well, sa tingin ho ninyo talagang end of the road na ito insofar as the ABS-CBN franchise is concerned?

SEC. ROQUE:   Well, sabihin na lang po natin na siguro para dito sa Kongresong ito dahil nagkaroon na ng desisyon sa application nila ng prangkisa eh mahihirapan na po iyang buksan muli habang tayo po ay nasa 18th Congress.

STA. CRUZ:   All right…Okay. So, iyong labing isang libong (11,000) manggagawang sinasabi po nila, na mga manggagawa, papaano naman ang magiging lagay ng mga ito at ano naman ang mensahe ninyo para kahit papaano ay kumalma naman iyong galit ng mga iyon?

SEC. ROQUE:   Well, unang-una po, ang sabi po ng DOLE ay four thousand (4,000) pero marami pa rin po iyan. At ako po ay nalulungkot talaga na mawawalan sila ng hanapbuhay ngayong panahon ng pandemya pero sana po naintindihan nila, wala pong kinalaman dito ang ating Presidente. Malinaw na malinaw po, kasing linaw ng sikat ng araw sa umaga na ang puwede lang magdesisyon nito sa una-unang pagkakataon ay ang Mababang Kapulungan po.

STA. CRUZ:   Hindi ho naman kaya magkaroon ito ng chilling effect doon sa mga kagawad o miyembro ng fourth estate na katulad po ng media – kami ay kasama po diyan – hindi kaya ito magkaroon ng chilling effect itong pangyayaring ito? What do you think?

SEC. ROQUE:   Hindi po ako naniniwala sa chilling effect, dahil unang-una, ang negosyo naman po talaga ng ABS-CBN ay hindi naman full time balita, kung hindi ito po ay entertainment. So, kaya po tayo nanonood diyan dahil doon sa mga palabas na Probinsiyano, Showtime, iyan po talaga iyong kanilang top grossers. At ang kanilang TV Patrol bagama’t maraming nanonood, hindi naman po iyan iyong talagang hanapbuhay lang nila.

At saka ang tingin ko naman, malinaw na kung mayroong prangkisa na nire-require ang Saligang Batas para doon sa kalayaan ng malayang pamamahayag na nakalagay sa Saligang Batas ay kinakailangang magkaroon muna ng prangkisa bago ka magkaroon ng kalayaan.

STA. CRUZ:   Opo, opo, opo. Anyway… So, ano ito sa tingin ninyo doon sa mga possible investors na nakatingin at sa linya ng media gustong pumasok, hindi naman kaya medyo magdalawang-isip ngayon itong mga ito?

SEC. ROQUE:   Ang tingin ko, hindi naman po dahil kung ang papasukin nila ay isang negosyo na mayroong prangkisa, sisiguraduhin muna nila na matagal pa iyong prangkisa. Hindi naman talaga sila mag-i-invest sa isang prangkisa na tapos na o wala ng buhay.

STA. CRUZ:   Okay, okay. Sa mga nakikinig po sa atin, Sec. Roque, sir, iyong message mo sa kanila para to calm them, iyong mga ‘ika nga ay nagdadalawang-isip. Go ahead po.

SEC. ROQUE:   Well, alam ninyo po, ang taumbayan naman talaga po ang pinagmulan ng binding effect, ng legal effect ng ating Saligang Batas. Ang taumbayan ang nagdesisyon po na hindi pupuwedeng mag-negosyo sa isang broadcast industry na walang prangkisa na inaprubahan ng representante ng taumbayan.

Nagdesisyon na po ang representante ng taumbayan, respetuhin po natin iyan. Kung tayo po ay hindi sang-ayon, sa susunod na halalan po humanap tayo ng mga bagong mambabatas na boboto sang-ayon sa kagustuhan ng taumbayan.

Pero sa ngayon po, iyan po ang desisyon ng representante ng taumbayan, iyan po ay desisyon ng taumbayan, hayaan na po muna natin at hintayin natin ang husga ng taumbayan doon sa mga representante kung mayroon man.

STA. CRUZ:   Huling-huli na po ito, Sec. Harry Roque, sir, habang magkausap tayo. Kumusta po ang Presidente, kalusugan niya, at anong ginagawa niya ngayon?

SEC. ROQUE:   Okay po. Siya po ay nasa Mindanao ngayon, doon po siya nag-o-opisina at may mga planong biyahe po pero iyon nga po, for security considerations, ako po ay pinagbawalan na sabihin kung ano iyong mga schedule na iyan pero inaasahan po natin na sasama rin tayo sa kaniya sa mga lakad na iyan. At kaya nga po sumilip lang tayo sandali sa Metro Manila at babalik na naman tayo po sa Mindanao.

STA. CRUZ:  Sa percentage 1 to 100, nasaan po iyong physical fitness ng Presidente?

SEC. ROQUE:   Well, like any other 75-year-old, para naman pong nasa 88 po ang physical health ng ating Presidente.

STA. CRUZ:   That’s all, Sec. Roque. Maraming salamat sa panahon po ninyo. Thank you very much.

SEC. ROQUE:   Maraming salamat po! Magandang hapon po.

STA. CRUZ:   All right! Iyon mga kaibigan! Sec. Harry Roque.

 

###

 

Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)