Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roque by Tony Velasquez and Danny Buenafe (Teleradyo – On the Spot)



Q: Pag-usapan naman natin ang… itong health and medical matters. Ngayon po ba, ano talaga ang status noong pagpili natin ng COVID vaccine magmula sa ibang bansa?

SEC. ROQUE: Alam mo kasi, covered iyan ng Confidentiality Agreement pero ang masasabi ko lang eh sa harap ni Presidente kinumpirma po ni Secretary Galvez na mayroon na tayong kasunduan na magbibigay sa atin ng minimum na 60 million na dosage ng bakunang iyan ‘no at ito ay para nga doon sa 60 million people ‘no—hindi pala 60 million dosage kung hindi 60 million individual ang matuturukan. Kasi iyong iba isang dosage lang, iyong iba dalawa pero ang target natin kada ulo na ‘no so 60 million Filipinos ‘no.

At ito po ay kahit papaano mayroon na pong kasunduan, iyong sa Pfizer puwedeng namang sabihin iyan ‘no dahil ang kasunduan diyan government-to-government sa panig ni Secretary Pompeo at ni Secretary Locsin at iyong sa mga iba namang drugs eh parang G-to-G din iyan ‘no, iyong Sinovac, talagang government-to-government po iyan at saka iyong AstraZeneca ay government-to-government din po mangyayari [garbled] tulad sa Home Office po ng Inglatera ‘no at iyong Ambahador nila at ng ating DFA ay nag-uusap din ‘no.

So more or less po sigurado na iyong ating supply, ang detalye hindi lang pupuwedeng ilabas dahil pumirma po tayo ng mga non-disclosure agreements na tinatawag.

Q: Tama ba Secretary na iyong—let’s say ang budget daw for this is 73 billion sabi ni Secretary Dominguez and then 40 billion of that amount ay uutangin natin, tama?

SEC. ROQUE: Well tama po iyan pero hindi naman po lahat uutangin ‘no kasi mayroon talaga tayong—mayroon na tayong nai-budget na 12—actually 12.5 billion po iyan – iyang 2.5 na nasa pantaunang budget tapos mayroon pa tayong reserve from that existing 2020 budget na pupuwedeng gastusin. Pero ito ang sabi ni Secretary Dominguez gagamitin natin para sa peripherals ‘no – iyong mga injection, iyong mga logistics para talagang iyong 73 billion eh para lang doon sa pambili ng bakuna. So ang sumatotal diyan actually is halos 100 billion din iyan kung isasama mo iyong peripherals at saka logistics, iyong pagdi-deliver at pagbibigay ng bakuna sa lahat.

Q: Oo. Pero iyong sinabi ninyo, 60 million kaagad ang target natin na babakunahan ‘di ba—

SEC. ROQUE: Opo.

Q: —at iyong presyo kasi ang lumilitaw is 25 dollars for each vaccine, tama ba?

SEC. ROQUE: Iyan po ay average kasi alam ninyo naman po iyong AstraZeneca, non-profit po iyan, 5 dollars at doon sa Amerika po kung hindi ako nagkakamali, iyong Pfizer ay ganoon din po, hindi siya ganoon kalaki ‘no. Iyong iba po ay mga nasa 10 to 13. Mayroon lang isang mahal talaga na umaabot ng 30 ‘no pero mukhang hindi natin kukunin iyong 30 ‘no, iyong pinakamahal baka hindi natin kunin naman ‘no. Pero hindi natin masasabi kasi kung talagang kinakailangan natin, kukunin natin. So ang ginawa nila, nag-average price sila ng 25 at ito nga eh para ma-include na rin iyong cost of logistics.

Q: Oo. Siyempre iku-consider ninyo diyan iyong efficacy rate eh ‘di ba? Hindi basta-basta mura eh hindi naman tayo kaagad kukuha nang ganun-ganun lang.

Anyway, paano ninyo idi-distribute? Kunwari 60 million, paano ang hatian ng mga let’s say iyong mga interested na mga magma-manufacture niyan? Iyong sabi ninyo sa Sinovac, ilang milyon ang ibibigay diyan? Dito sa Pfizer mga ilan, ganoon?

SEC. ROQUE: Iyon nga po iyong hindi pupuwedeng ma-disclose ‘no publicly may non-disclosure agreement ‘no. Pero maa-assure ko po kayo na mayroon na tayong at least 60 million which is kung iyon naman ang kinakailangan natin dahil ang kinakailangan lang naman ay 60 to 70 percent ang mabakunahan para magkaroon ng herd mentality—

Q: Herd immunity, hindi herd mentality [laughs].

SEC. ROQUE: Oo, herd immunity. Oo, herd immunity ‘no, hindi pala mentality ‘no [laughs]. But bukod pa po doon eh nagsasabi naman po iyong SWS survey na 66% ng mga Pilipino magpapabakuna so tamang-tama iyong ating ginagawa ‘no dahil hindi naman lahat gustong magpabakuna. Lahat iyong mga gustong magpabakuna mabibigyan po natin.

Q: Teka, iyong unang ngang inaprubahan ni Pangulong Duterte iyong pagbibigay ng advance payment, iyon ba ay nagawa na ng pamahalaan, na nakapagbayad na ng advance payment?

SEC. ROQUE: Well, I think isa po rin iyan na covered by NDA ‘no. Pero ang importante po ay nag-reconsider po iyong ating Presidente. Dati kasi parang ayaw niya iyong mga advance pero it turns out halos lahat sila eh humingi ng advance ‘no. Hindi naman dahil sila ay gustong kumita kung hindi siyempre may cost iyong research and development at if you want na magkaroon ka ng assurance na mayroon ka talagang supply eh mag-i-invest ka rin doon sa research and development.

At saka iyong COVAX facility ganiyan din naman po iyan eh, iyong COVAX facility kasi sinisiguro na hindi lang iyong mga mayayaman ang makakakuha pero mayroon din po iyang ‘money out’ kumbaga ‘no at mayroon din iyang risk na kapag hindi naging successful iyong vaccine ‘no baka hindi maibalik iyong pera ‘no.

So mayroon po talagang risk na dapat i-undertake ang lahat dahil wala namang kasiguraduhan talaga. [Garbled] nakakagalak naman po ‘no na iyong sa mga advanced third stage of clinical studies eh napakatataas noong mga efficacy ‘no, mga 90 – 94 ‘no indicating po na mukhang gumagana naman itong mga bakunang ito.

Q: Oo. ‘Pag sinabi ninyo Secretary na medyo secured na tayo nang 60 million na para sa mga Pilipino para sa COVID vaccine ano, ano ho ito, kailan ho iyong actual delivery nito? Masasabi ho ba natin early next year mayroon na tayo niyan?

SEC. ROQUE: Mayroon na po iyan early next year ‘no. In fact, kaya nga po importante iyong ilalabas ni Presidente na executive order kasi iyong emergency use authorization eh mapapabilis po iyong pag-approve ng bakuna sa atin. Kung hindi po kasi emergency use authorization, aabot hanggang anim na buwan iyan bago marehistro dito iyong narehistrado na isang foreign jurisdiction ‘no pero with that EO eh 21 days. So as soon as magkaroon ng FDA registration ang kahit anong bakuna, all we need is 21 days puwede na tayong magpa-deliver at puwede na tayong magsimula magpabakuna.

Q: Pero ang tanong palang doon sa pagdating dito, iyon bang storage facilities ay nakahanda na rin? Dahil naalala ninyo iyong isang dinivelop na bakuna eh kinakailangan ng negative—parang 17 degrees—ah negative 90, tama?

SEC. ROQUE: Opo. Well, ang mabuting balita po, hindi naman po lahat kinakailangan ng negative 17. Karamihan ay iyong hanggang negative 8 lamang kasi naman po ay usual ‘no at mayroon na talaga tayong kapasidad dahil halos lahat naman ng vaccine ganiyan iyong temperature requirement ‘no at kung hindi naman po sapat iyong sa gobyerno, sapat-sapat iyong sa pribado ‘no. In fact may nakausap na ako, iyong asosasyon ng mga cold storage, handang-handa na silang makipagtulungan sa gobyerno natin ‘no – bukod pa doon sa mga cold storage facilities ng mga pharmaceuticals.

Q: Secretary, mayroon ba talaga kayong advanced info na talagang mayroon nang mga naunang mga senador o congressman sa COVID vaccine?

Q: O confidential din ba iyon? [laughs]

SEC. ROQUE: Ay, tanungin na lang po natin ang mga congressman at senador.

Q: Sa Gabinete wala pa, wala pang nauuna?

SEC. ROQUE: Tanungin na lang po natin sila. Ang hirap po kasi diyan sa issue ng bakuna, covered po iyan ng medical confidentiality dahil kahit anong piga natin eh talagang hindi natin talagang hindi natin maku-compel ang kahit sino ‘no dahil medical confidentiality.

Q: Kayo Sec. Harry pabor ba kayo na, let’s say i-offer at isa ka sa mga volunteer for COVID vaccine. Ready ka ba?

SEC. ROQUE: Ay, ako po’y diabetic napakatagal na. So every time mayroon pong clinical study for diabetes, palagi akong nangunguna sa volunteer. Kasi iyong mga clinical studies po niyan, ibig sabihin libre ang gamot mo. Kaya lang nagtataka ako sa dami ng mga gamot na nag-volunteer na ako, bakit diabetic pa rin ako. [laughs]

Q: ‘Ayun. So hindi successful pala iyong clinical trial.

SEC. ROQUE: [Garbled] kaya lang mina-manage lang, hindi talaga nagagamot.

Q:  So prioritizing kung sino ang makakakuha, like 60 million nga iyong target na una. So, sa 60 million – healthcare frontliners, military and police personnel – tama po ang priority?

SEC. ROQUE:  Dalawa nga po iyong criteria natin, una [unclear]. Siyempre ang bibigyan mo iyong mga matataas na kaso ng COVID. Bakit mo naman bibigyan iyong mga walang kasong COVID? Alam mo ang tagal ko nang pinu-push ito sa IATF na magkaroon na ng new normal dahil magtataka kayo ha, karamihan talaga ng lugar ngayon ay wala ng kaso ng COVID.

Q:  Karamihan?

SEC. ROQUE:  Dito lang talaga sa Metro Manila, sa Cebu at sa Davao ang nagkakaroon ng kaso talaga. Maraming area na talaga na more than one month, wala ng transmission, so pupuwede na talagang mag new normal.  So, sisimulan natin iyan sa areas na mataas ang incident – Metro Manila, Cebu, Davao at saka siyempre iyong CALABARZON.

Pangalawa, iyong sectoral, iyong pangako ni Presidente na iyong 4Ps beneficiaries, iyong poorest of the poor, ang frontliners at saka iyong vulnerable at saka iyong PNP at AFP.

Q:  So, tama lang ba, Sec. Harry, na iyong GCQ magpapatuloy up to the end of December pa?

SEC. ROQUE:  Hindi ko pa po alam dahil iyan naman po ay collegial decision. Tagapagsalita lang tayo, so palagi pong sinisigurado, hindi natin pinapangunahan iyong mga kasama natin.

Q:  Marami pang mga ibang … siguro related topics pa rin, dahil iyong nagkaroon ng pandemya ay ipinahinto muna iyong pagpapadala ng mga nurse sa abroad.

Q:  Ngayon ni-lift na, 5,000 ang cap na nurses a year.

Q:  Pero nakikiusap daw, Sec. Harry, na kung ni-lift na rin naman daw iyong ban, sana huwag na lang daw lagyan ng cap iyong pagpapadala natin ng medical professionals abroad?

SEC. ROQUE:  Alam ninyo minsan talaga, kahit anong gawin mo, may mga hindi satisfied. In the first place, wala pa naman iyong 5,000 na nakakaalis eh. Hayaan na muna nating umalis iyong 5,000 at ang sabi naman po ng DOLE, kung kinakailangang taasan iyan later on, tataasan natin iyan. Eh siyempre ang span, within the first and second quarter makaalis na iyong 5,000. Pero meanwhile, lumabas na rin iyong bakuna at nababakuna iyong mga kababayan natin, eh iyong pagdating sa panahon na ganoon, eh wala na tayong limit dahil hindi na natin masyadong kakailanganin din ang mga health workers; pupuwede na talaga silang mangibang-bayan. Pero ngayon, iyong 5,000 kasi, para masiguro naman na mayroong mag-aalaga sa atin kung marami sa atin ay magkakasakit.

Q:  For now ba, Secretary, okay naman ba iyong supply natin, kasi alam ko mayroon pa tayong buffer na 200,000 na mga medical professionals na talagang wanting to have jobs?

SEC. ROQUE:  Well, ang pinag-uusapan po natin specifically ay nurses, nursing assistant at nursing aid. So, bagama’t marami po sila, isipin po natin na hindi po sila lahat ay mayroong experience, na hindi talaga kaagad makaka-report sa ospital. Marami po diyan nag-call center na, marami diyan nag flight attendant na wala na namang trabaho ngayon. So, kinakailangan ng retraining and retooling bago pa sila magsimula. Ang iniiwasan natin ay baka mamaya iyong kagaya noong nangyari eh, kung naalala mo, your Highness Danny, noong unang kuha ng nurses ang Inglatera, talagang naubos iyong mga nurses sa PGH, sa Quezon City and they had to take in iyong fresh grad na talagang kinakailangan na namang  i-retool. Eh kapag panahon kasi ng pandemya, wala kang panahong mag-retool at mag-retrain, kinakailangan talaga sabak kaagad, iyon lang po iyong ating pinapangalagaan with the 5,000 cap.

Q: Iba kasing mag-alaga ang Pinay nurse.

SEC. ROQUE:  Opo, talaga naman po.

Q:  So, may problema pa ba, Sec. Harry, doon sa mga delayed payment ng mga salaries noong mga healthcare workers?

SEC. ROQUE:  Mayroon po. Kaya makikipag-ugnayan po tayo uli sa DOH, dahil iyong huling pagkakataon na naantala iyong pagri-release ng mga benefits sa health workers under the Bayanihan Act ay mayroon pong mga nasuspinde ang Ombudsman diyan. So, papaalalahanan po natin ngayon ang DOH muli, na marami na naman tayong natatanggap na mga balita na nadi-delay ang pag-release ng hazard pay at baka mayroon na naman kasing ma-suspend ang Ombudsman. Hindi po tayo nangangako, pero iyan ay matter of fact po. Noong huling naghimutok si Presidente, hindi lang po siya iyong naghimutok, dahil sa mga unreleased benefits, ang Ombudsman din po sabay kambyo at suspend ng mga tao sa DOH. So, iwasan na po natin iyan at ilabas na natin kaagad.

Q:  Kayo po ba, Sec. Harry ay may mga plano na makipag-get-together po sa mga kamag-anak kapag Pasko na o mayroon po ba kayong pangamba na kapag nag-get-together po kayo sa mga kamag-anak ninyo ay may risk pa rin ang COVID-19?

SEC. ROQUE:  Alam po ninyo taun-taon talagang nagkakaroon ako ng grand reunion, ito po ay kaugalian simula noong aking lola, dahil ako na ngayon ang kumbaga tumatayong haligi, eh taun-taon po iyan talagang nagri-reunion kami. Pero ngayon po nag-iisip kami ng online na lang, tapos iyong aking mga aginaldo at mga regalo ipapa-delivery service na lang natin.

Q:  Kasi parang ang pananaw ni Health Secretary Duque ay baka iyong pagdiwang natin ng Kapaskuhan, pati ng pagsalubong sa Bagong Taon ay iyon pa ang maging dahilan para sumipa muli ang bilang ng COVID sa Pilipinas.

SEC. ROQUE:  Well, tama po iyan, kaya nga po, ako ngayon nandiyan na ang bakuna, palagi kong sinasabi, naku huwag namang mabalewala iyong ating sakripisyo ng pito, walong buwan, eh kaunting hintay na lang naman andiyan na iyong bakuna. So, all the way na tayo nang tayo ay abutan ng bakuna. So iyan po ang aking paalala din sa lahat, nag-hintay na rin  lang naman tayo, nagsakripisyo na lang tayo, ano ba naman iyong ilang buwan na lang, maski Pasko pa. Abutan po natin dapat ang bakuna at iyan naman po ay pangako ng Presidente – libre nating matatanggap.

Q:  So, Sec. Harry ha, sa Pasko wala munang videoke reunion with mga family members.

SEC. ROQUE: Well, talaga po kasi iyong family reunion namin malaking-malaki po iyon, hindi po bababa sa mga 150 iyan, iyong pupunta diyan. So, for the first time po, since iyong mga panahon ng lolo, lola ko ay hindi po kami nagkakaroon ng malaking reunion, pero tuluy-tuloy naman po gagawa kami ng paraan na online at titingnan po natin kung kakayanin na talagang matatanda ay sila na lamang ang ating pupulungin. Pero iyong mga matatanda naman po mga wala pang pito na ngayon dahil naubos na po iyong henerasyon ng nanay at tatay natin,  kaunti na lang. So, baka iyon na lang po ang aking plano, iyong mga first family lang talaga.

Q:  Secretary Harry Roque, thank you very much po sa oras po ninyo ngayong umaga.

SEC. ROQUE: Maraming salamat po. Magandang umaga po.

 

###

 

 

 

 

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)