Interview

Interview with Presidential Spokesperson Harry Roqueby Deo Macalma – Damdaming Bayan/DZRH



SEC. ROQUE: Magandang umaga Lakay at magandang umaga, Pilipinas.

MACALMA: Naku, Secretary sir, paki klaro nga po iyong statement ng Pangulo kahapon. Maraming mga bata, mga magulang at mga school owners ang nagulat kahapon, nalito. Ano ba ang ibig sabihin, sir, ng Presidente doon sa wala daw pong pasok hangga’t walang bakuna ang COVID-19? Iba po iyong mga paliwanag ninyo kahapon, Secretary. Ano po ang napag-usapan talaga?

SEC. ROQUE: Well, alam ninyo po, talaga namang tama ang sinabi ng Presidente: Habang wala pa tayong vaccine, habang wala pang gamot ay talagang banta pa rin ang COVID-19. Ang sa panig lang po ng ating DepEd ay patuloy po ang kanilang paghahanda sa pagbubukas ng klase, pero nilinaw naman po ni Secretary Briones na talagang kapag hindi tayo umabot doon sa tinatawag na new normal, ang klase po natin ay magiging blended.

MACALMA: Ano po iyon, sir?

SEC. ROQUE: Ibig sabihin, gagamitin natin ng telebisyon, gagamitin natin ang radyo, gagamitin natin ang internet. Dahil siyempre, tama po ang Presidente, hinding-hindi natin ilalagay sa aberya ang mga buhay ng ating mga kabataan; kalusugan muna ng ating kabataan ang prayoridad.

Pero kung umabot man tayo doon sa new normal, at ang ibig sabihin ng new normal ay wala nang kahit anong quarantine – hindi ba mayroon tayong ECQ, MECQ, GCQ, MGCQ at new normal – eh posible po na susubukan nating mag-face-to-face ‘no. Pero hindi nga po natin malalaman kung anong mangyayari sa Agosto. Meanwhile, nagpapatuloy po ang paghahanda pero madali naman pong ikansela na iyan kapag talagang hindi po matanggal ang community quarantine.

Kasi nga po kahapon ‘no, 350 new COVID cases sa isang araw. Madami po iyan sa isang araw. At iyan naman po ay, more or less, inaasahan dahil nga unti-unti nating binubuksan iyong ating ekonomiya… Ang pinag-iingatan lang natin ay habang wala nga pong bakuna ay dapat magkaroon tayo nang sapat na critical care capacity para bigyan ng medical attention iyong mga magkakasakit.

MACALMA: Pero, Secretary, paano po iyan eh Lunes na po ang start ng enrolment ng mga eskuwelahan. Mag-e-enroll na ba ang mga bata o hindi muna, Secretary Roque?

SEC. ROQUE: Tuloy po muna ang enrolment, madali naman pong ikansela iyan depende sa sitwasyon ng COVID-19. At saka kinakailangan pa ring mag-enroll, kasi bagama’t ang ating gagawin ay blended learning, magkakaroon pa rin tayo ng mga assessment ‘di ba ho ‘no. At maski magiging blended learning iyan, kinakailangan magkaroon ng basehan kung mapu-promote ba sa susunod na grado ang mga estudyante o hindi. So tuloy pa po ang ating preparasyon, at malalaman natin talaga kung anong lagay pagdating ng Agosto.

MACALMA: Ayan. Naku, ito pa, sabi mo tuloy ang enrolment, Secretary. Alam ninyo ba na may mga nakatira sa Metro Manila na may mga probinsiya? Aba’y katulad ng ibang kasama namin dito dahil may mga probinsiya, nag-uwian na po sa probinsiya. Inuwi ang mga anak dahil nga natatakot sa COVID-19 sa Metro Manila at doon ii-enroll sa probinsiya ang kanilang mga anak, Secretary. Ito ba ay luluwagan, papayagan ba ng DepEd sa mga probinsiya, Secretary?

SEC. ROQUE: Dapat naman po ‘no, karapatan ng bawat kabataan na makapag-aral. So hindi mo naman masisisi ang mga magulang dahil talaga namang sa probinsiya ay mas maliit ang banta ng COVID-19 kaysa dito sa Metro Manila. At talaga namang iniengganyo natin ngayon ang ating mga kababayan na magbalik-probinsiya. So natural dapat paghandaan din po iyan ng ating DepEd sa mga probinsiya.

MACALMA: Paano sa mga colleges and universities, Secretary Roque, sir?

SEC. ROQUE: Ganoon din po iyan. Ang rule po basta mayroong community quarantine, hindi matutuloy ang pasok. Pero sa higher learning, mas may kakayahan silang magbigay ng flexible learning, kasama na diyan ang online learning. So inaasahan natin na mas matindi ang kahandaan ng ating mga higher education institute, higher learning education institute dahil matagal na silang naghahanda at mayroon talaga silang kapasidad.

Bagama’t, Lakay, isa tayo sa nagsulong noong 17th Congress ng libreng internet sa lahat, so inaasahan din natin na marami ring mga bata sa DepEd level na pupuwede ring mag-aral sa pamamagitan ng online learning ‘no, sa internet; iyong mga walang internet, gagamitin po natin ang community radio at saka ang community television.

MACALMA: Naku, kayo pala ang may panukala niyan, Secretary. So ang tanong po dito Secretary – kasi noong bata tayo, ang gamit natin ay mga libro, ‘di ba, pasalin-salin, mga ganoon – eh ngayon po ba dahil sa new normal, ang gobyerno ba ay magpu-provide instead na mga libro ay tablet na o kaya computer ang ibibigay sa mga estudyante, Secretary?

SEC. ROQUE: Opo, may ganiyang programa talaga ang ating DepEd at ang ating DICT. So, talagang bago pa man dumating ang COVID-19 ay alam naman natin that the trend of the future is going digital. So instead iyong—bagama’t tayo po ay gumagawa pa rin ng mga libraries and all that, ang ating emphasis ngayon dahil nga mayroon na tayong libreng WiFi ay bigyan ng tablet ang ating mga kabataan.

MACALMA: At sana ho pati iyong mga nasa probinsiya—makaka-cope up kaya iyong mga taga-probinsiya, mga bara-barangay, Secretary Roque?

SEC. ROQUE: Well, tingin ko naman po ay hi-tech na tayong lahat, digital. Alam mo ang mga kabataan ngayon, karamihan sa kanila ay hindi mabubuhay nang walang internet. Iyong aking mga anak kapag pinapauwi ko sa probinsiya, ayaw umuwi – mabagal ang internet. Maski maiwan sila dito sa Maynila basta mayroong internet.

MACALMA: At saka mga magsasaka ngayon, farmers sa mga probinsiya, lahat po ay may mga cellphone na, Secretary Roque.

SEC. ROQUE: Yes, yes, oo.

MACALMA: Secretary, sir, alam po ninyo mukhang patungo na tayo sa general community quarantine dito sa Metro Manila. Kasi iyan po ang trend yata, ang mga rekumendasyon ng Metro Manila Council, Metro Manila mayors at maging ang mga members ng IATF. So ano ang mangyayari, Secretary, kapag tayo po ay nasa ilalim ng general community quarantine? Balik na nga po ba ang public transport? At 75% ng mga businesses ay papayagan na pong magbukas?

SEC. ROQUE: Well, ang mabuti po diyan ay marami ng mga areas na nasa GCQ so alam na natin ang mangyayari: Ang transportasyon mula diyes hanggang singkuwenta porsiyento po ay ibabalik sa GCQ; Mas marami na nga pong mga negosyo, halos lahat nga po ay magbubukas na. Ang pinagbabawal na lang ay iyong mga matao at saka iyong mga entertainment ‘no, mga amusement.

So parang halos balik na po tayo sa normal sa GCQ. Pero inuulit ko po, kahit iyan ay GCQ, community quarantine pa rin po iyan. Kinakailangan mag-ingat pa rin, minimum health standards, magsuot ng facemask, maghugas ng kamay, gumamit ng disinfectant, mag-social distancing at, pinakaimportante, manatiling malusog dahil kinakailangan mapalakas po natin ang immunity—hindi immunity, kung hindi iyong paglaban ng katawan laban dito sa COVID-19.

MACALMA: Sa ilalim ng GCQ, Secretary Roque, ang mga lalabas ba ng bahay ay kailangan pa rin po ng pass, quarantine pass mula sa mga barangay?

SEC. ROQUE: Well, kasi po ‘di ba ang kabataan at ang mga seniors at saka iyong mayroong comorbidity ay dapat manatili pa rin sa bahay, so mayroon pa rin talagang dapat kahit papaano magtsi-check. Bago na nga ang tawag natin sa kanila, hindi na checkpoints. Nakalimutan ko lang kung ano iyong tawag ni Secretary Año doon sa mga gagawin nating mga checkpoints na iyan ‘no.

At saka siyempre, kinakailangang ipakita mo pa rin na kung ikaw ay nasa labas, iyong industriya mo ay puwede nang mag-operate bagama’t halos 75% nga ay pupuwede nang mag-operate diyan.

MACALMA: Pati, sir, iyong mga nagtatrabaho sa mga … iyong mga papasok sa opisina ay kailangan pong magpakita ng quarantine pass, Secretary?

SEC. ROQUE: Well, kung hindi quarantine pass ay iyong ID nila para ipakita kung saan sila nagtatrabaho, lalung-lalo na iyong mga seniors kasi ang exception naman ay puwedeng lumabas ang seniors kung mayroon silang trabaho. So kinakailangang ipakita pa rin nila iyan, hindi lang iyong edad nila, kung hindi iyong kanilang kung saan sila nagtatrabaho.

MACALMA: Secretary, iyong mga ‘golfers’ po. Sino po ang pinapayagang mag-golf, Secretary, mga senior citizens lamang ba o maski hindi po senior na mga golfers ay puwede na pong maglaro sa mga nasa ilalim ng GCQ areas?

SEC. ROQUE: Lahat na po ay pupuwede nang maglaro kasi lahat po ng outdoor na non-contact sports ay allowed na po sa GCQ.

MACALMA: Naku, klaruhin nga natin itong golf, Secretary. Allowed daw ba—sabi ng mga golfers, pakitanong kay Secretary Roque, allowed ba ang umbrella girls sa mga golfers eh mainit pa ang panahon?

SEC. ROQUE:  Iyon nga po, kapag kayo ay nag-umbrella girls, mawawala ang social distancing. Sige kayo, ‘di kayo makapaglalaro. [Laughs]

MACALMA: So bawal po ang umbrella girls, Secretary.

Anyway, Secretary, at least naklaro po natin. So ano pa ang mga dapat—medyo talagang maraming naguluhan dito sa pasok, Secretary. At least naklaro natin na puwede tayong mag-enroll na at in case na ano, wala pa talagang bakuna ay puwede pong kanselahin ang klase.

SEC. ROQUE: At saka blended learning. Tuluy-tuloy po ang pag-aaral ng ating mga kabataan; gagamitin natin ang teknolohiya.

MACALMA: Secretary, sir, maraming salamat. Good morning.

SEC. ROQUE: Salamat po. Magandang umaga po.

##

Source: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)