Press Briefing

Press Briefing of Presidential Spokesperson Harry Roque



USEC. IGNACIO: Magandang araw pong muli. Nagpapatuloy po ang ating paghahatid serbisyo at impormasyon, kasama na po natin si Presidential Spokesperson Harry Roque.

SEC. ROQUE: Magandang tanghali, Pilipinas. Itong nakalipas na Sabado ay binalita po natin ang mga pangyayari sa ika-34th IATF meeting. At ang mga sumusunod ay napagkasunduan: Unang-una, nagkaroon po ng approval iyong rekumendasyon ng ating Department of Education doon sa tinatawag na Basic Education Learning Continuity Plan. Ang pagbubukas po ng klase ay Agosto 24, 2020 at matatapos ang klase ng 30 April 2021; wala pong face-to-face classes until 24 of August.

Pangalawa po, sabi rin, nagkaroon tayo ng approval na magkakaroon tayo ng mga various learning delivery options kasama po ang mga face-to-face, blending learnings, distance learnings, home schooling and other modes of delivery.

Kinakansela rin po ang ating mga extracurricular activities kung saan mayroong malaking pagtitipon tulad ng school sports, campus journalism, job fairs at iba pa.

Pangalawa, sinuportahan ng IATF ang rekumendasyon ng National Greening Program at National Forest Protection Program ng DENR. Magiging bahagi ito ng Balik-Probinsiya Bagong Pag-asa Program na lilikha ng livelihood opportunities sa probinsiya. Ang isang pamilya ay magtatanim sa lima hanggang sampung ektarya.

Pangatlo, inamendahan po ang Item O, Paragraph 4, Section 2 ng Omnibus Guidelines on the Implementation of Community Quarantine in the Philippines na nagsasabi po na pupuwede na pong magtuloy ang mga proyektong imprastruktura sa lugar na may Enhanced Community Quarantine. Ang makakasama po dito ay—iyong essential public or private construction ay pinapayagan na po, kasama na ang priority public infrastructure projects alinsunod sa guidelines ng DPWH.

Pang-apat, inamyendahan din po ang Paragraph B, Section 3 ng Omnibus Guidelines on the Implementation of Community Quarantine in the Philippines provided for permitted establishments under General Community Quarantine. Ang sinasabi naman dito ay pinapayagan na ang lahat ng public at private construction projects, ngunit dapat mahigpit na sumunod sa construction safety guidelines sa panahon ng COVID-19 pandemic.

Panglima, in-adopt din po ng IATF Screening and Validation Committee ang mga sumusunod na mga rekumendasyon: Ang pananatili ng Abra bilang low risk area at mapapasailalim po sa General Community Quarantine; ang pag-convene ng Regional Inter-agency Task Force at pag-report nito sa bagay-bagay na may kinalaman sa appeals for risk classification.

Dumako naman tayo sa datos ng DOH. Ano na ba ho ang sitwasyon sa COVID-19 sa bansa? Makikita po natin sa graph ‘no. Unang-una, ang pinakahuling ulat, mayroon na po tayong 10,794 COVID-19 cases sa Pilipinas. Mabuting balita po, ang recoveries po ay tumaas – 1,924; ang mga namatay ay 719.

Ito po ang graph natin, makikita natin na hindi naman po tumataas sa 300 iyong mga bagong cases ng COVID, at noong kailan nga po ay bahagyang bumaba noong mga nakalipas na araw. Iyong mga namamatay po sa nakalipas na tatlong araw, medyo po tumaas pero nakikita po natin na hindi na rin tumataas sa 26 ‘no ang mga namamatay po. Samantala, ang recoveries po patuloy po ang pagtaas; may konting bahagyang pagbaba noong mga nakalipas na dalawang araw pero makikita ninyo po, matarik iyong linya ng mga nagre-recover.

Ito naman po iyong linya ng mga nagkakaroon ng mga bagong COVID-19 cases, iyong yellow po. At nakikita natin na bagama’t pataas, gradual naman po ang kaniyang akyat at hindi po matarik. At makikita rin natin na tumataas iyong mga nagre-recover at mukhang stable po iyong mga numero ng mga namamatay.

Ito naman po ang sitwasyon sa buong Pilipinas. Kung makikita ninyo po ‘no, talaga namang sa buong Pilipinas, kakaunti na po ang nasa red o iyong tinatawag na kritikal ‘no. At makikita ninyo na kasama pa rin sa kritikal ang Metro Manila at ang Davao.

At dito po sa Metro Manila, makikita ninyo po na iyong mga critical areas ay kasama po diyan ang Quezon City, ang City of Manila, iyan po iyong dalawang may pinakamataas na pigura; pangatlo po ang Parañaque; tapos ang Makati at ang Mandaluyong. Pero dito po sa mapa, ang nakasulat lang na kritikal, iyong red na red, ay Quezon City at Manila. Okay?

Kanina po sinabi ko iyong tungkol sa mga construction guidelines na ilalabas ng DPWH, well, ito na po ang guidelines: Unang-una po, kinakailangan po magkaroon ng inventory of works para sa mga construction sequencing na susundin at ipapatupad ‘no, ito po ay para mapatupad nga po ang social distancing. Ang breaktime po ay dapat gagawin in a staggered manner.

Dapat po patirahin sa maayos na quarters ang mga empleyado sa buong panahon ng proyekto na covered ng ECQ at GCQ. Kung walang matutulugan na quarters, magsasagawa ng prior deployment procedures sa bawat re-entry.

Iwasan o bawasan ang mga kailangang gawin sa labas ng construction site. Limitahan ang bilang ng personnel na may gagawin sa labas ng construction site at mag-disinfect nang maayos pagbalik. Araw-araw na idi-disinfect ang mga field offices, employee’s quarters at iba pang mga common areas.

Para sa mga concessionaires, contractors, sub-contractors at suppliers, magbigay nang sapat na pagkain, malinis na inuming tubig, disinfectants at sabon sa kamay para sa kanilang mga in-house personnel. Araw-araw na pag-monitor ng pre- at post- health work condition ng mga trabahador kagaya ng pagkukuha ng temperatura.

Para sa mga government construction projects, ang mga safety officers ay kailangang gumawa ng daily health monitoring report at isailalim sa strict daily monitoring para siguraduhin na nakakasunod ang safety standards at quarantine protocols.

Para sa government construction projects, ang DPWH engineers ay dapat magpatupad ng pagsusuot ng Personal Protective Equipment (PPEs) sa lugar na pinagtatrabahuhan.

Ang mga contractors ng essential private construction projects under GCQ ay dapat magtalaga ng full time safety officer na magsisiguro sa pagpapatupad ng social distancing measures.

Ang regular na idi-disinfect at ipatupad ang social distancing sa off-site employee’s quarters at transport services. Iwasan ang sharing ng construction at office equipment pero kung kailangan, ito ay dapat i-disinfect bago ipagamit sa ibang mga trabahador. Magtalaga ng isolated loading/unloading zone para sa lahat ng mga nagde-deliver ng disposable na materyales at equipment. Lahat ng materyales at equipment na pinapasok sa construction site ay dapat na ma-disinfect.

Pinagbabawal ang pagpasok ng mga non-essential personnel at bisita sa construction site, employee’s quarters at field offices. Lahat ng personnel na papasok sa construction site on a temporary basis, halimbawa, delivery truck, driver, mga inspektor, ay dapat naka-log at mag-check kung wala silang mga sintomas.

Ang pagtitipon, alak at merry-making ay mahigpit na ipinagbabawal sa construction site.  Gawing clustered at staggered ang deployment ng mga empleyado sa construction para mabawasan ang personnel contact at para mas madaling magkaroon ng contact tracing kung kinakailangan.

Mag-establish ng tamang waste disposal para sa mga infectious waste kagaya ng PPEs at iba pang waste products.

Samantala, lahat ng darating sa Pilipinas po ay sasailalim sa PCR testing at facility quarantine. Makikita natin sa slide ang prosesong pagdadaanan. Pagdating po ng ating mga kababayan, sila po ay magkakaroon ng orientation, iyong basic quarantine orientation, tapos iyong one-stop-shop para sa mga dokumento, tapos sila po ay isa-swab.

Samantala, habang naghihintay sila ng resulta – mga dalawa hanggang limang araw – sila po ay nasa facility quarantine. Kung kayo po ay isang OFW, iyan po ay libre, babayaran ng OWWA; kung kayo po ay hindi OFW, kayo po ang magbabayad ng quarantine facility. Pagkalabas po ng resulta at ikaw ay positive, diretso po sa ospital o di naman ay sa We Heal as One Center. Kung ikaw naman po ay negative, ikaw po ay pauuwiin na at ang iyong transportation ay aayusin ng DOTr or ng LGU.

Sa mga ibang bagay naman po, ay nagpapasalamat po tayo ‘no dahil sa isang survey po ng prestihiyosong Toluna Group, lumalabas po na ang mga kababayan po natin ay satisfied sa performance po ng ating gobyerno sa pagharap sa COVID-19. Sa katunayan po, nasa Top 6 po ang Pilipinas at makikita ninyo po ito sa chart natin, number 6 po tayo ‘no. At halos lahat po ng nasa Top 6 ay mga bansa po na narito po sa Asya. Ang gumawa po ng research na ito ay isang ahensiya sa Singapore, at naunahan natin ang mga mayayamang bansa tulad ng Australia, Germany, USA, UK, Italy, France at Japan.  Sinukat ang opinion ng mga mamamayan base sa apat na indicators: Iyong national political leadership, corporate leadership, community and media.

Kinukuha ko rin ang pagkakataon na ito upang magpasalamat sa ating mga kaibigan na tumutulong sa lahat sa ating laban kontra COVID-19. We would like to thank Temasek Foundation in Singapore for donating oxygen concentrators to be deployed in 15 government hospitals nationwide. Maraming salamat po.

Nagpapasalamat   din po tayo sa Philippine Stock Exchange sa kanilang donasyon na apat na libong bag ng bigas; ang isang bag po ay katumbas ng sampung kilo. Ito ay ipapamahagi po sa iba’t ibang komunidad sa Metro Manila.

At siyempre, maraming salamat din po sa Virata family sa 8,000 pieces of face masks at 2,000 gloves na kanilang dinonate.

Ngayon, pakinggan naman po natin ang tanong mula sa ating miyembro ng Malacañang Press Corps – si Maricel Halili ng TV5.

MARICEL HALILI/TV5:  Sir, kahapon natapos iyong deadline for the distribution of SAP. Ang sabi po ng DILG, nasa 91% na daw po ng mga pamilya iyong nakatanggap. So,  what will happen doon po sa almost 10% na hindi pa po nakakatanggap ng ayuda? And tama po ba na sabihin na  for the second tranche ay hindi na makakatanggap ng ayuda iyong mga  pamilya na nasa areas under GCQ,  and all 23 million families will come from areas under ECQ na lamang?

SEC. ROQUE:   Well, sa unang tanong po, Maricel, patuloy pa rin dapat ang pamimigay until bawiin ang pondo ng DSWD. Tingin ko, kung mayroon naman talagang basehan ay baka mag-isyu ng show cause letter ang DILG, pero importante po makarating pa rin ang ayuda doon sa natitirang 9% na hindi pa po nakakatanggap.

Doon sa pangalawang tanong po ninyo, well, hindi pa rin po talaga nagkakaroon ng desisyon ang ating Presidente tungkol sa bagay na ito. Kahapon sana po ay kakausapin ko si Presidente, pero hindi na po kami nag-abot, tungkol dito sa SAP. Pero mamaya po siguradong maitatanong ko po kung aprubado iyong rekomendasyon ng IATF sa kanya tungkol dito sa isyu ng ayuda.

MARICEL HALILI/TV5:  Sir, mayroon na po ba tayong target kung kailan po sisimulan iyong second tranche?

SEC. ROQUE:  Well, dapat itong Mayo, kasi talagang it was intended for May. So, I’m sure ngayong halos tapos na po iyong first tranche ay sisimulan na rin po nila iyong second tranche.     

MARICEL HALILI/TV5:  Sir, regarding naman po doon sa recommendation ng Metro Mayor, I understand, 10 out of 17 na Metro Mayors iyong in favor of ECQ extension. If makapag-decide po iyong IATF, halimbawa, na in favor of the ECQ extension, can we afford another 15 days of ECQ? Anu-ano po iyong magiging consequence nito kung ganoon nga po iyong patutunguhan ng desisyon?

SEC. ROQUE:  Well, I don’t want to speculate kung ano talaga ang magiging rekomendasyon. Sa katunayan, ngayong araw po magpupulong pa ang IATF para isapinal iyong rekomendasyon sa Presidente, at inaasahan natin na isusumite naman iyong rekomendasyon alas-singko ng hapon ngayon

Ala-una po iyong meeting ng IATF, kaya dapat huwag masyadong maraming tanong ngayon dahil papunta rin po tayo sa IATF meeting.  Pero sa tingin ko po, magkakaroon ng linaw iyan ngayong araw. Ayaw ko pong mag-speculate. The recommendations of the mayors will be considered.

Ang sinabi ko po last Saturday, ang buong Metro Manila po ay hindi magiging ECQ; ang buong Metro Manila ay hindi magiging GCQ.   Ibabase po ang desisyon sa datos ng mga lugar kung saan mataas ang COVID-19, kung gaano kabilis kumakalat ang COVID-19 sa mga lugar na ito at saka iyong pagkakaroon ng critical care para doon sa posibleng magkasakit, at iku-consider din po natin iyong ekonomiya.

Now, pagdating naman po doon sa ayuda, well, kung kinakailangan talagang magbigay ng ayuda sa mga lugar na mayroong ECQ, hahanap po tayo ng pondo dahil siyempre po kapag sila ay manatili sa ECQ, hindi sila makakapaghanapbuhay.       

MARICEL HALILI/TV5:  Ni-reiterate po ni Bishop Pabillo iyong kanilang panawagan na buksan na po iyong mga Catholic churches under GCQ tapos naglatag na din daw po sila ng mga guidelines. Ito po bang mga proposed guidelines, natanggap na po ba ito ng IATF? And what do you think of the proposal of Bishop Pabillo?

SEC. ROQUE:   Well, hindi ako sigurado kung natanggap na iyong proposal ni Bishop Pabillo. Lately, I’ve been attending ng pagpupulong ng IATF at wala pong na-circulate na proposal si Bishop. Well, I’m sure po na karamihan naman ng mga miyembro sa IATF ay sang-ayon na ipatuloy ang mga religious gatherings. Pero ang sabi ko nga po noong binawi iyan ng IATF, ang mga nagreklamo ay mga mga local na opisyales din natin.

So, in that sense, pinakikinggan po talaga ang ating mga governors, ang ating mga mayors at titingnan po natin kung ano ang pupuwedeng gawin. Ang importante po is, supposing na itutuloy nga po ang religious gatherings, how   sure are we po na  magkakaroon ng social distancing kasi may mga lugar po kagaya ng South Korea  kung saan kumalat nga po iyang COVID-19 dahil sa mga religious gathering.

USEC. IGNACIO:  May dalawang tanong, Secretary, si Bella Cariaso ng Bandera. Nag-trending po iyong mga pictures kung saan makikita na dinumog ng mga residente ang pamimigay ng SAP sa Barangay Pag-asa, Quezon City. Nawala daw po iyong isinusulong ng gobyerno na social distancing. Apparently, walang sistema sa isinasagawang distribution. May fears po tuloy, paano kung payagan nang isailalim na sa GCQ ang Quezon City, wala pa ring disiplina ang mga tao at may failure sa leadership, allegedly, ng mga nanunungkulan. Ano po ang  direktiba ng Palasyo dito?

SEC. ROQUE:  Unang-una, ito iyong dahilan kung bakit naantala ang pagdi-distribute ng SAP.  Kasi nga dati-rati kapag nagdi-distribute tayo sa 4Ps, iniipon lang natin silang lahat sa isang multi-purpose hall at isang araw, isang buwan ang bigayan, tapos na. Hindi nga po pupuwedeng gawin iyan ngayon dahil sa social distancing. At nakakalungkot po may mga report na ganito na sa pagbibigay ng ayuda ay baka lalo pang maraming magkasakit dahil hindi sila nag-social distancing.

Ang aking gusto lang bigyan ng diin: Kahit ano pa pong mangyayari, kung bababa tayo sa GCQ, GCQ pa rin po iyan – General Community Quarantine, hindi pa rin po tapos ang quarantine. Kaya kinakailangan pong mag-ingat tayo dahil ang ibig sabihin lang ng pagbaba ng ECQ sa GCQ, mayroon pa rin pong banta hindi lang ganoon katindi. Pero kapag binaba po sa GCQ, iyan po ay critical pa rin ang ating sitwasyon. Hindi na po tayo pupuwedeng bumalik sa normal na bago dumating ang COVID-19 habang walang bakuna, habang walang gamot sa COVID-19. Kung tayo po ay magpipilit na magbubulag-bulagan sa COVID-19 ay baka ang kapalit po niyan ay ang ating mga buhay.

Iyong tanong naman sa Quezon City, I think naman, to be fair to the local government unit at taga-Quezon City naman po ako, ang tingin ko naman po ay ginagawa din nila ang kanilang kayang gawin. Napakalaki lang talaga ng Quezon City, napakadaming mga constituents, pero ang tingin ko naman it is under control; at kung hindi naman po ay siyempre ipaparating naman ng DILG. Pero wala naman pong ganoong desisyon ang DILG na mayroong pagkukulang din ang Quezon City government.

USEC. IGNACIO:  Ang second question niya, Secretary: Marami daw pong report ng anomalya sa pamimigay ng SAP sa Quezon City kung saan  humihingi umano ang mga barangay officials  ng membership, donation, at kung anu-anong term na ibinibigay para lang po makakuha ng cut sa SAP. Apparently, hindi man lang natakot ang mga officials sa warning ni Pangulong Duterte. Ano po ang magiging hakbang ng pamahalaan since may second tranche na po ng SAP na ipapamigay na puwedeng pagkakitaan ng   mga tiwaling officials? Tanong po ni Bella Cariaso.

SEC. ROQUE:  Well, nagkaraoon na po ng pag-uutos sa CIDG. Sila na po ang itinalaga para tumanggap ng mga  reklamong gaya dito. So, pumunta po kayo sa CIDG at huhulihin po natin iyang mga opisyales na iyan. Kung mayroon pang espasyo doon sa ginawa nating  mga sentro para sa may sakit at hindi sapat ang kulungan, doon natin sila ikukulong. Kinakailangang ikulong sila nang maturuan ng leksiyon na huwag pong kanain ang ayuda na nakalaan para sa pinakamahihirap sa ating lipunan.     

JOYCE BALANCIO: Yes, good afternoon, Secretary. Iyong sa submission po ng IATF ng recommendation kay Pangulong Duterte later, it will be on a meeting po ano? So, present ang IATF and mayroon po bang ibang tatawagin si Pangulong Duterte like for example, health experts, sa meeting?

SEC. ROQUE: Hindi na po dahil narinig na po ni Presidente iyong mga expert opinion ng mga dalubhasa. So mamaya po magpiprisinta lang ang IATF ng kanilang rekomendasyon.

JOYCE BALANCIO: And we will be expecting the President to give a speech later tonight po, Secretary?

SEC. ROQUE: Well, I think that has been the practice ‘no. After the meeting he will deliver a message to the people pero hindi ko lang po masigurado when it will actually be aired. Kasi depende po iyan kung anong oras matapos ang pagpupulong.

JOYCE BALANCIO: Sir, follow-up doon sa question ni Maricel doon sa appeal ni Bishop Pabillo. So, sabi ninyo hindi pa po natatanggap ng IATF. But is the IATF still open doon sa appeal na payagan na po ang misa given na mayroon naman silang detailed guidelines on how to control the flow of people na pupunta po sa mga misa?

SEC. ROQUE: Alam mo, binawi nga ng IATF iyong rekomendasyon na i-allow na ang religious meetings sa GCQ areas. So, they need not be convinced, ang tumutol po talaga ang mga local officials, kasi ang sabi nila there is no way we can implement social distancing sa ating mga Simbahan at saka sa ating mga other places of worship kasi hindi naman sila pupuwedeng pumasok doon habang sumasamba.

So, kinakailangan po talaga magkaroon ng close coordination between the different churches and their local government units at sila po mismo, they have to present a plan to the local government units na magpapatupad ng quarantine kung paano nila ii-implement ang social distancing.

JOYCE BALANCIO: Okay. Sir, ang init po ng panahon ngayon and nakakaawa po may mga ibang places po these past few days na nakaranas po ng brownout. Mayroon po bang panawagan ang Palace or directives para maiwasan po iyong mga ganito especially marami tayong kababayan na nasa mga bahay dahil po sa ECQ?

SEC. ROQUE: Well, ako po mismo dalawang beses na tumuwag sa opisyales ng Meralco dahil mayroong mga nagrereklamo na nawalan sila ng kuryente at tinugunan naman po ang ating panawagan.

So, sa tingin ko po it’s a matter of getting in touch with Meralco dito sa Metro Manila and they will attend to your complaints po. Kung hindi po, tawagan ninyo ako at ako ang tatawag sa Meralco.

JOYCE BALANCIO: Okay po. Secretary, sabi po ni BSP Gov. Benjamin Diokno, the Philippines would need the supplemental budget very badly for the economy under this pandemic. Question po: Na-finalize na po ba if we will be asking Congress for a supplemental budget and how much ang hihingin sa kanila?

SEC. ROQUE: Wala pa po but this week I expect Secretary Wendel Avisado to come up with the figures kung magkano iyong pupuwedeng mai-realign sa Executive branch pursuant to the Bayanihan We Heal as One Act. Pagkatapos po noon kung alam na natin kung magkano iyong pupuwedeng nating i-realign then saka natin mae-estimate kung ano pa iyong mga pangangailangan natin at kung magkano ang hihingin na supplemental budget. Pero sa ngayon po, hindi pa po napag-uusapan ang supplemental budget ng economic development cluster at saka ng Development Budget Coordination Committee.

JOYCE BALANCIO: Sir, last na lang po from me. Sabi po ni NCRPO Chief Police Major General Debold Sinas na dahil nga po sa init ng panahon, kumbaga walang saysay na iyong paggamit ng thermal scanners sa checkpoints kasi halos lahat ng reading nila mainit. Ano po ang balak ng IATF dito, mayroon po ba tayong alternatives sa paggamit ng thermal scanners, dahil siyempre importante pa rin po ito to detect iyong possible cases ng COVID?

SEC. ROQUE: Well, pag-uusapan po iyan sa IATF pero ang tingin ko, ang idi-discontinue if at all ay iyong thermal scanners sa lugar na maiinit. Siguro pagpasok ng building, eh hindi naman masyadong mainit kapag may mga buildings, puwede pa rin po ipatupad iyan; pero pag-uusapan po iyan sa IATF.

JOYCE BALANCIO: Thank you. Salamat, Secretary.

SEC. ROQUE: USec. Rocky? 

USEC. IGNACIO: Secretary, iyong tanong ni Kris Jose, nasagot ninyo na po iyong apela ni Bishop Pabillo. Iyong tanong na lang po Francis ng Daily Tribune: Kung iyon daw pong sa first tranche ng SAP distribution nag-end na po kahapon. What will happen sa mga LGU daw po na hindi nakapag-comply sa deadline? Will they be administratively or criminally charged at wala daw po bang sasantuhin at paano naman daw po iyong hindi nabigyan sa first tranche na qualified pero inabutan po ng deadline. Kung sila daw po ay mabibigyan ng ayuda ng five to eight thousand sa susunod pong … itong second tranche.

SEC. ROQUE: Well, iyong pangalawang tanong, siguro pagkatapos ng pagpupulong kay Presidente mamayang hapon mabibigyan ko na ng kasagutan bukas. Ano iyong mga mangyayari doon sa hindi pa nabibigyan kasi hanggang ngayon po iyong proposal na magbigay ng ayuda sa five million additional families ay hindi pa rin po naaaprubahan ng ating Presidente. Kung maaaprubahan po iyon sigurado ako maraming hindi nakakuha na makakakuha for the first tranche.

Ngayon, doon naman sa mga local government units na hindi pa nakakapagbigay ng 100%, ang ating mandato po ay ipagpatuloy pa rin hanggang  matapos iyong 100% na iyan, we will cross the bridge po when we get there. Kapag na-distribute na iyong 100% titingnan po natin kung anong magiging hakbang ng DILG kung mayroon man.

USEC. IGNACIO: Iyong second question niya, Secretary: Kapag daw po nagpatuloy na iyong international flights, will the passengers, American or not, still go through quarantine or not? Ang biyahe po daw kasi this July pa.

SEC. ROQUE: Well, lahat po ng dumarating sa ating airports mandatory PCR testing and mandatory facility quarantine until lumbas po ang PCR testing.

SEC. ROQUE: Si Joseph Morong? Pia muna daw.

PIA GUTIERREZ/ABS-CBN: Hi, sir. Good afternoon.

SEC. ROQUE: Yes, good afternoon, Pia.

PIA GUTIERREZ/ABS-CBN: Sir, follow-up doon sa magiging final recommendation IATF mamayang hapon. Gaano po kalaki iyong bigat noong mga proposal ng Metro Manila Council partikular doon sa hiling po ng Metro Manila mayors na sana iisang guidelines lang for the entire region ang ipatutupad dahil sabi nila napakahirap kung magkakaiba iyong protocols for every city at dapat Metro Manila daw po should act as one region?

SEC. ROQUE: Well, as I said ‘no bibigyan naman po ng halaga ang rekomendasyon ng mga Metro Manila mayors pero kung makita ninyo nga po kanina iyong graph na ipinakita ko, medyo ang matindi po talagang dami ng COVID-19 ay nasa Quezon City at Maynila pa rin, pangatlo po ang Parañaque at makikita natin na iyong ibang mga lugar sa Metro Manila ay hindi na po ganoon kadami talaga iyong mga kaso.

Having said that, hindi ko rin po sinasabi na ECQ will imposed on an entire city, wala pa pong ganoong desisyon. Mamayang one o’clock pa po ang pulong ng IATF at doon pa lang po malalaman kung anong direksyon.

Pero so far, wala naman po akong naririnig na isang buong city ang maka-quarantine, ang narinig ko lang is some municipalities and barangays posibleng magkaroon pa rin ng ECQ pero puwede po iyang magbago kasi ang datos dumarating po as we speak. Pero bukod nga po doon sa mga health considerations, nandiyan din po iyong konsiderasyon ng economics.

Iyong tanong na magkano ang ibibigay na ayuda sa mga lugar na ECQ isa rin po iyan na dapat bigyan natin ng kasagutan. Two hundred five billion po ang naibigay ng Kongreso para sa ayuda, iyan po ay mauubos sigurado doon sa first and sa second tranche ng ayuda. Kung kinakailangan po ng third tranche, kinakailangan hanapan po natin iyan ng pagkukuhanan.

PIA GUTIERREZ/ABS-CBN: All right, sir. Sir, on another topic. You said on May 1 that DOLE will continue with the TUPAD and CAMP programs. Can we get an update on these, sir?

SEC. ROQUE: I’ll give you an update tomorrow kasi it’s a matter of funding; but as a program, it’s always existed and they will continue. Pero ang alam ko po ay nag-allot ng additional funding, iyon po iyong ating kabahagi noong package na ibinigay sa ating mga manggagawa. But I can give you an update tomorrow.

PIA GUTIERREZ/ABS-CBN: Opo. Pero iyong funding, sir, iyong appropriation will come from the Bayanihan to Heal as One Act?

SEC. ROQUE: Tingnan po natin kasi as I said, April 30 was crucial because that was the deadline for all line agencies to submit kung ano iyong mga appropriation items that can be realigned for COVID-19. At alam ko this week they will consolidate these figures and come up with how much they can realign and the decision will have to be made saan ire-realign iyong mga pondong iyan.

PIA GUTIERREZ/ABS-CBN: Last na lang, sir. Based kasi sa datos ng DOLE, may almost one million na nag-apply na hindi pa nakakakuha ng tulong under these programs. Magiging priority po ba sila or will this aid like SAP be prioritized to ECQ areas? Paano iyong matitira sa ECQ?

SEC. ROQUE: Well, already po sinasabihan ko iyong mga hindi nakakuha sa mga programa ng DOLE, mag-apply po kayo doon sa subsidized salary program para sa mga small and medium enterprises kasi fifty-one billion din po iyon. So, kung hindi nakakuha sa DOLE kumuha po kayo doon sa SMEs fund.

PIA GUTIERREZ/ABS-CBN: All right. Thank you, sir.

SEC. ROQUE: Si, Rocky? USec.?

USEC. IGNACIO: Okay, Secretary. Question from Julie ng Daily Inquirer: Comment daw ng Palace regarding sa comment po ni Senator Gatchalian. Sabi daw po niya, the government has been very slow in conducting mass testing for COVID-19 and has failed to capacitate the LGUs in NCR to contain the virus spread. He says the government also failed to maximize the Bayanihan Law and also echoed concerns of Metro Manila mayors about lifting the lockdown in the capital.

SEC. ROQUE: Well, unang-una po, hindi ko madi-dispute na medyo hindi natin nakamit iyong goal na by April 30 mayroon ng eight thousand na daily testing ang DOH, na-delay po tayo pero one thing that I can assure you is we’re taking steps to increase our testing capacity kaya nga po itinalaga si Mr. Vince Dizon as the “T3 czar”, the testing czar at dahil po dito eh dumami na po iyong ating mga facilities to conduct testing.

And right now we have, if I’m not mistaken, twenty-eight testing centers including the Mega Swabbing Facilities and we’re aiming of course to eventually achieve thirty thousand daily tests using PCR bukod pa po ito doon sa proyekto ng pribadong sektor, iyong Project ARK and they envision at least one million rapid test kits to be utilized on theor employees as well as on the… iyong mga residente na nakapaligid sa kanilang mga negosyo.

So, ang gobyerno nga po bukod doon sa thirty thousand a day, ninanais natin na 900,000 PCR tests ang magawa at ang gobyerno alone is aiming for 2.2 million rapid test kits. So, combined po, we are hoping that we will eventually upgrade and improve our testing capacity kasi it is only though testing na malalaman natin kung nasaan po ang kalaban.

Yes, si Joseph Morong.

JOSEPH MORONG/GMA: Sir, good afternoon po. Sir, first question: So, today the President will meet with IATF, tama ano?

SEC. ROQUE: Yes po.

JOSEPH MORONG/GMA: We expect a decision today?

SEC. ROQUE: Of course po.

JOSEPH MORONG/GMA: Okay. All right… Sa backlog, sir, do we know already—‘cause I asked it last week, iyong backlog of tests natin ilan?

SEC. ROQUE: Wala pa pong figures na nasu-supply ang DOH but I asked for it, I asked for it. So, I will continue asking for this figure from DOH.

JOSEPH MORONG/GMA: Hindi naman tinatago ng DOH iyan?

SEC. ROQUE: Well, hindi naman po but so far, they have conducted a hundred fifty thousand tests, so hindi ko alam kung ano iyong backlog sa hundred fifty thousand tests kasi iba iyong proseso ng swabbing, iba iyong proseso ng processing.

JOSEPH MORONG/GMA: And these are not unique individuals, these are the tests na ginawa not individual—

SEC. ROQUE: Well, in the sense na binigyan po ng priority iyong twenty thousand or so OFWs na dumating na sa bansa kaya nga importante na isinara natin panandalian iyong airport dahil nga hindi tayo maka-cope doon sa requirement for quarantine facilities habang naghihintay sila ng results ng PCR.

JOSEPH MORONG/GMA: Sir, the reason why I asked is halimbawa, mag-shift tayo or even some of the cities shift from ECQ to GCQ, we can expect an uptick ‘no. In some countries nangyari iyan na nagluwag sila, nagkaroon ng uptick ng cases. Meaning to say, sir, that if we have a backlog and then by next week we shift to less strict quarantine measures, how are we going to handle the additional cases when we still have backlogs during this period?

SEC. ROQUE:  Well, that’s why nga po I’m very careful about, you know, saying whether or not we have flattened the curve dahil nga titingnan natin muna kung anong gagawin doon sa issue ng mga backlogs. Ang number one proposal po na narinig ko na is gamitin iyong date of swabbing as a date of reporting para hindi naman po nag-i-spike iyong number of cases natin kapag dumating na iyong mga resulta ng PCR tests ‘no, and I’m going to prod DOH to resolve this matter. Kasi talaga kung hindi natin gagawin itong paraan na ito, parang biglang taas dahil nag-increase iyong ating testing capacity.

Another alternative is ang tinitingnan nila is iyong tinatawag na positivity of the total number tested, ano iyong percentage na nagiging positive. At ngayon po, bumababa naman po iyong percentage. Dati-rati 10%, ngayon if I’m not mistaken mga nasa 4%, which indicates na—7% I stand corrected which indicates na kahit papaano ay bumababa iyong mga nagkakaroon talaga ng COVID cases even if we have a backlog ‘no.

And another proposal is to actually use iyong case doubling rate as a basis for concluding na na-flatten na iyong curve. Dati-rati kasi two to three days, dumudoble iyong kaso ng COVID-19 – ngayon po sa Metro Manila, five days; and outside of Metro Manila, it’s seven days. So ito po iyong mga iba-ibang pamamaraan para ma-track natin if we are really able to flatten the curve. Pero sa presentation ko po ngayon, hindi na nga ako nagkomento if we are flattening the curve kasi gusto ko munang ibigay sa akin ng DOH iyong datos sa backlog and we agreed last Saturday that DOH will come up with this figure this week.

JOSEPH MORONG/GMA7: All right. Sir, address iyong fears ng public ‘no, na ‘pag sinabi nila na, halimbawa nasa ECQ tayo and then we shift to GCQ na medyo mas maluwag nang konti but there are still quarantine measures, baka dumami iyong cases.

SEC. ROQUE:  Well, alam ninyo po, nasa kamay natin iyan eh kasi ECQ/GCQ, iyong CQ nandoon pa rin – we are still under community quarantine. Life will not be back to normal hanggang wala pong bakuna, habang wala pong gamot. Sa mga darating na araw, papakita ko sa inyo kung ilang lang ang ospital natin, iyong mga kama ng ospital, iyong critical care beds, saan iyong capacity ng We Heal as One, at makikita ninyo na kapag hindi tayo nag-social distancing, hindi tayo nag-good hygiene eh talagang mauubos po iyong ating capacity. So whether be it ECQ, GCQ, may CQ pa rin po iyan, we are still under community quarantine. Nasa kamay po natin kung ano ang mangyayari, kung tataas o bababa ang kaso ng COVID-19.

JOSEPH MORONG/GMA7: Sir, can we handle an additional number of cases when we shift to GCQ?

SEC. ROQUE:  Well, the decision whether or not we will shift from ECQ to GCQ is precisely the issue of can we provide critical care to those who might get sick. At ngayon naman po, nakikita natin na we have capacity to take in more critical care patients kaya nga po mayroong mga areas that will be declared under GCQ instead of ECQ. But we have to be very careful, uulitin ko po: Mayroon pa ring community quarantine whether be it enhanced or general.

JOSEPH MORONG/GMA7: Sir, would you confirm that there are at least three suggestions from the MMC: Iyong ECQ extend, GCQ na transition and then iyong Modified GCQ?

SEC. ROQUE:  Alam mo naguguluhan ako because I read the papers, and of course some say these are the three proposals; and then I read another report na it’s not true daw ‘no, that there was no voting and that the MMDA will look into this, on who will look into it ‘no. Pero ang sa akin naman po, we will listen to the suggestions of the mayors, after all, they are the primary implementors in their localized areas of the community quarantine.

Pero, trust naman po the IATF. We have experts, we have epidemiologists, we have statisticians, we’re working with academicians. This will be a reason-decision, a scientific decision and it is not based on politics or any other consideration. Kung kinakailangan po mas maraming pondo to finance areas under ECQ, we will find the funds but it will be based on science.

Rocky?

USEC. IGNACIO: Secretary, iyon pong tanong ni Arianne, sinagot ninyo na about supplemental budget and iyong tanong ni Angel Ronquillo nasagot ninyo na rin, about metro mayors.

Tanong na lang po ni Vans Fernandez. May nagreklamo daw po na SSS pensioner, allegedly hindi raw po sinunod iyong direktiba ng Pangulo sa Bayanihan Act na magbigay ng moratorium doon sa private and public loans. According daw doon sa netizen, binawasan daw po iyong kaniyang pension loan nitong March and April. Ano daw po ang masasabi ninyo doon, Secretary?

SEC. ROQUE:  Well, we will call the attention po of SSS kasi matter of law po ito. Walang exception doon sa grace period na binigay po ng batas. So, we will call the attention of the SSS.

USEC. IGNACIO: Opo. Ang second question niya: Ano daw po ang reaction ng Palace doon po sa pahayag ni Congressman Lito Atienza na pointing the blame daw po on House Speaker Cayetano for the delay of the renewal of the ABS-CBN franchise?

SEC. ROQUE:  Well, kaibigan ko pong matalik ‘tong si Manong Lito pero we’ll leave that matter, being an internal matter within Congress to them to resolve. Bahala na po ang Kongreso diyan dahil sila naman ang makakadesisyon diyan.

Si Trish Terada ng CNN Philippines.

TRICIAH TERADA/CNN PHILIPPINES: Sir, good afternoon po. Sir, I understand at this point in time wala pa pong desisyon if areas on ECQ right now will shift to GCQ. But it looks like the direction is there will be some [garbled] easing whether it’s ECQ or GCQ. So, kagaya po noong nabanggit kanina ‘no, iyong problema po is iyong disiplina. How does the IATF plan to address itong problema na ito? Kasi kahapon, sir, nakita nga po natin na wala pang … ECQ pa nga, nagka-crowd na ulit iyong mga tao just because there is a special occasion. And we’ll be seeing more participation, for example, from the police and military in terms of implementing, sir, iyong mga sistemang nilalagay natin ngayon.

SEC. ROQUE:  Well, talaga pong mas mahirap mag-implement kasi makakalabas ng bahay, magkakaroon ng transportasyon. Ang lesson learned natin, kung talagang gusto pala nating panatilihin sa kaniya-kaniyang mga tahanan eh tanggalin ang public transport at talagang mas marami talagang hindi na makakaalis sa kanilang mga bahay ‘no.

So we acknowledge, this will be a tougher situation under GCQ pero ginagawa po natin ito dahil kinakailangan naman magkaroon ng hanapbuhay. Ultimately po, hihingin namin ang kooperasyon ng lahat … Uulit-ulitin ko po, at the point of being redundant: Habang walang bakuna, habang walang gamot, kinakailangan social distancing. At saka kung pupuwede pa rin, kung hindi kinakailangan lumabas ng bahay, huwag na munang lumabas ng bahay.

Kaya nga po iyong mga guidelines natin for malls for instance, hindi pupuwedeng mag-malling kaya 26 degrees po ang temperatura diyan nang wala pong tumatambay ‘no. Pero kapag wala po talagang disiplina, well, we can only embark on a dissemination campaign on the value of social distancing. Pero kung wala po talagang kooperasyon, naku, marami pong magkakasakit sa atin.

So sa mga darating na panahon, ipagpaumanhin po ninyo pero mananakot ako, ilalabas ko po talaga kung ilan lang ang kapasidad natin at ilalabas ko iyong mga models na magpapakita na kapag hindi nag-social distancing, kung ilan ang magkakasakit sa atin. Magalit na po kayo pero ilalabas ko po ang katotohanan, kaya kinakailangan disiplinahin natin ang ating mga sarili.

TRICIAH TERADA/CNN PHILIPPINES: Kumbaga, sir, is the IATF considering na maglagay ng mga … not necessarily police or military but at least patrol people na parang, to at some point, bini-baby iyong mga tao just to make sure na nai-enforce iyong social distancing especially in areas of convergence like public transportation po?

SEC. ROQUE:  Well, siyempre po, nandiyan pa rin iyong ating enforcement, law enforcement ‘no. Unang-una, sila ang magpapatupad noong social distancing sa lahat po, sa transportation, sa pila, sa mga malls. At sila rin po iyong magtsi-check ng IDs para masigurado na iyong mga kabataan at saka iyong mga seniors na wala namang trabaho at hindi naman kinakailangan lumabas ay dapat manatili sa kanilang mga tahanan.

Pagpasensiyahan po natin dahil ang mga pulis pa rin ang magpapatupad diyan. Alam ko po na minsan feeling ninyo agrabyado kayo kapag sinisita kayo ng mga pulis, pero kung hindi po naman gagawin ito eh talagang marami pa rin po talagang magiging pasaway. So paumanhin po, but we’ll try to take steps po to protect the lives of more people despite the fact po na talagang mayroong ilang mga pasaway sa atin.

TRICIAH TERADA/CNN PHILIPPINES: Sir, lastly, doon po sa Balik-Probinsiya Program. Once it’s implemented, how is the government going to make sure na lahat po ng mga makakabalik ay may aasahang trabaho po doon sa kanilang probinsya?

SEC. ROQUE:  Well, oo. In fact iyong mga lugar po na pina-pilot natin, isa po sa konsiderasyon iyan, dapat mayroong mga hanapbuhay na naghihintay doon sa mga magbabalik-probinsiya. May isa pong nag-a-apply, iyong District V ng Pangasinan ‘no, nag-a-apply po silang maging pilot kasi mayroon silang bagong economic zone doon ‘no. At ito po’y pinarating sa akin ni Congressman Guico na pinagbigay-alam ko naman kay GM Escalada na siyang tumatayong Executive Director po ng Balik-Probinsiya Program. So ganiyan po iyong dynamics niyan: Doon sa pilot areas, sisiguraduhin naman natin na mayroong hanapbuhay na naghihintay doon sa mga pupunta sa probinsiya.

TRICIAH TERADA/CNN PHILIPPINES: Salamat po. Thank you, Secretary.

SEC. ROQUE:  USec. Rocky?

USEC. IGNACIO: Opo. Secretary, mayroon na lang po kayong dalawang tanong dito from Haydee Sampang at saka kay Ace Romero. Kay Haydee: Bakit daw po may bayad ang returning non-OFW sa stay nila sa quarantine facility? Pati po ba iyong RT-PCR test babayaran din nila kapag uwi?

SEC. ROQUE:  Well, sagot po ng PhilHealth iyong testing. Iyong kanilang accommodation, kung ikaw po ay OFW at mayroon kang mga dokumento, bayad po iyan ng OWWA.

USEC. IGNACIO: Iyong tanong naman po ni Ace Romero: Since government will consolidate data on uncommitted funds this week, is the government expected to decide this week whether to seek a supplemental budget from Congress?

SEC. ROQUE:  Hindi ko po alam kung this week ay magkakaroon ng ganiyang decision. As I said, mayroon po tayong Economic Development Cluster at saka Development Budget Coordination Committee na siyang magdedesisyon po kung hihingi ng supplemental budget at kung magkano. So I’m not sure if it is this week. Pero kung ang determination po eh despite the power to realign ay mayroon pa ring kakailanganing pondo dahil nga hindi natin alam kung kailan po matatapos itong COVID-19, eh sigurado po maghahanda sila ng supplemental budget – pero wala pa po iyan in the near future.

USEC. IGNACIO: Okay, salamat po. Secretary, iyan po iyong ating mga nakuhang tanong mula sa Malacañang Press Corps.

SEC. ROQUE:  Okay. Kung wala na pong ibang katanungan, maraming salamat, Usec. Rocky. And as usual, ito pa rin po ang inyong Spox Harry Roque nagsasabing keep safe and healthy. Magandang tanghali po sa inyong lahat.

USEC. IGNACIO: Salamat muli kay Presidential Spokesperson Harry Roque. Salamat sa Malacañang Press Corps. Sa ngalan ng RTVM, ako po si Rocky Ignacio.

###

 

SOURCE: PCOO-NIB (News and Information Bureau-Data Processing Center)